‘Kredibilidad’ ng PNP malaki pa ring problema

January 11, 2019

BAGO ang lahat, isang maingay na ‘Happy Birthday’ kay NPC director, Alvin Murcia na nagdiwang noong Huwebes at kay NPC auditor, Boying Abasola, ngayong araw. More blessings sa inyo at sa ating minamahal na National Press Club! Mabuhay!

At bago tayo “pumalaot” sa mas seryosong “tema,” aba’y sinusulat ko ito, DILG spokesman, Jonathan Malaya, alam mo bang ‘viral’ na sa ‘social media’ ‘yung umano’y “wrong message” (daw) ni DOT secretary, Bernadette Romulo Puyat, kay Sec. Ed Año, kung saan tinawag nitong “Sweetie” itong boss mo, hehehe!

Eh, hopefully, ‘Mam Jean,’ the wife of Sec. Ed, would just take this “slip of the mind” by Sec. Puyat, in good strides, hehehe! Otherwise, ‘outside de kulambo’ itong kaibigan natin, hahaha!

At nabanggit na rin lang si Sec. Ed, mabilis ang kanyang naging utos sa PNP na agad ipatupad ang deklarasyon ni PDU30 na “bawal” nang mag-inom sa mga ‘public places’ (translation: beer house, clubs, etc.) ang ating mga pulis at maging ang ating mga sundalo.

Bago ito, una nang ipinagbawal ni PDU30 na magtambay at maglaro sa mga casino ang mga pulis.

Ang tanong naman natin na hindi nasagot ni Sec. Ed: “kasama” ba sa mga lugar na hindi na dapat puntahan ng mga pulis ang mga ‘gay bars,’ hehehe!

Ano sa tingin ninyo, Chief PNP Oscar Albayalde at NCRPO director, Guillermo Eleazar? Kayo, dear readers, ano rin sa palagay ninyo?

Sinusulat naman natin ito, nasa isip natin ang kolum ni kasamang Non Alquitran kung saan ibinisto niya na hanggang ngayon pala, pulos ‘backstabbing’ ang inaabot ni Chief PNP Oca sa ilan niyang mga kabaro na opisyal na ang tanging layunin ay maalis siya sa puwesto, talaga rin naman, tsk,tsk,tsk!

Ngayong Disyembre ang nakatakdang ‘retirement’ ni Chief PNP Oca sa serbisyo at makabubuti para sa interes ng PNP na makipagtulungan na lang sa kanya at hindi ‘yung “isinasabotahe” pa ang mga magagandang programa nito para sa ating pambansang pulisya.

Hmm. Totoo bang may ganun, MPD director, S/Supt. Vicente Danao, hehehe.

Kumbaga, hindi ba “makapaghintay” sa kanyang pagreretiro itong mga sobrang bilib sa kanilang mga sarili d’yan sa Camp Crame?

At higit sa lahat, hindi ba mas makabubuti sa inyong mga ‘career’ na “tularan” na lang ang ginawa -- at patuloy na ginagawa -- ni Chief PNP Oca na sinsero at seryosong ginagampanan ang kanyang trabaho bilang pulis?

Hindi ba ang “panuntunan” na ito ni Chief PNP ang dahilan pa nga kung bakit siya “napansin” at “pinili” ni Pang. Digong?

Alam naman kasi nang lahat na sa pag-alis ni ex-PNP chief, Bato dela Rosa sa puwesto, hindi kabilang sa ‘original shortlist’ ni PDU30 ang pangalan ni noon ay NCRPO director, Oscar Albayalde.

Subalit, dahil nga sa kanyang magandang ‘performance’ “siya” ang pinili ni PDU30! Ang ‘moral of the story’ dear readers? Mas mainam na idaan sa merito at hindi sa paninirang-puri ang pag-ulo sa isang puwesto!

* * *

Na malaki pa rin ang problema ng PNP sa isyu ng kredibilidad at “katapatan” ng mga miyembro nito ay makikita nang lahat sa nakalulungkot -- at nakakahiyang balita -- na “isinara” na ang ‘MPD Honesty Store’ sa main headquarters ng MPD sa UN Avenue, batay sa nakita nating ‘post’ sa social media.

Ang dahilan? “Nalulugi” ang nasabing tindahan dahil “ninanakaw” ng mga parukyanong pulis ang mga paninda dito, grabe!

At dahil proyekto ito ng kooperatiba, bagaman “nalulungkot” (daw) siya sa desisyong isara na ang tindahan, “wala” na umanong magagawa si DD Danao.

Hmm. Hindi kaya naisip ni DD Danao na malaking “sampal” sa kanyang liderato at sa imahe ng buong ‘Manila’s Finest’ ang masaklap na katotohanang ‘sandamakmak sa kanyang mga pulis ang mga tulisan pa rin?

Na kahit sa isang ‘noodle cup’ ay hindi pa rin talagang puwedeng pagtiwalaan ng publiko na hindi nila nanakawin? Esep-esep din “bosing” pag may time, hindi ba, mga kabayan?

‘And speaking of police credibility,’ wika nga, magkano kaya ang nagastos ni Calabarzon RD Edward Carranza sa kanyang ‘press release’ ngayong linggo na walang mangyayaring ‘whitewash’ sa nangyaring ‘torture-slay’ ng kanyang mga pulis dito kay Richard ‘Red’ Santillan, sa bayan Cainta noong Disyembre 10?

Sa dami pa rin kasi ng mga nangyaring insidete at mga napaulat na mga balita matapos ang insidente, hindi natakpan ng mga ito ang malagim na sinapit ni Santillan sa kamay ng mga pulis.

At marahil, “hilong-talilong” si RD Carranza dahil nga ang “pambungad na balita” ni ‘Palace spokesman’ Sal Panelo ngayong taon ay ang utos ni PDU30 na isang “malaliman” at “parehas” na imbestigasyon sa kaso ni Santillan.

Sa naging ‘media blitz’ ni RD Carranza ngayong linggo, ang nakita lang nating ‘accurate’ sa kanyang mga sinabi ay ang pagiging ‘independent body’ ng ‘IAS’ (Internal Affairs Service).

Kung bakit naman tila “tinamad” (o “natakot”) nang makipagtulungan pa sa imbestigasyon ang pamilya ni Santillan at kahit ang kanyang ‘boss’ na si Atty. Glenn Chong, dapat pa bang magtaka si RD Carranza?

Samantalang sa simula pa lang, wala na siyang ginawa kundi “dapaan” ang kanyang mga tauhan at “ipilit” ang kanilang ‘version’ na miyembro ng sindikato si Santillan at napaslang siya sa isang ‘legitimate encounter.’

Ang komento nga ng isang beteranong pulis na kaibigan natin, kasamang Marlon Purificacion? ‘Yan ang “STL” ni Carranza. ‘Yun bang…  ‘story-telling-a-lie,’ ahahay!

Abangan!