Krimen, lumobo sa gitna ng laban kontra COVID-19

July 01, 2020

NANG ipatupad ang lockdown sa buong Luzon noong kalahatian ng buwan ng Marso bunga ng pandemya ng COVID-19, dalawang buwan na bumaba ng todo ang antas ng kriminalidad sa Metro Manila, nabawasan ang polusyon at higit sa lahat, lumuwag ang daloy ng trapiko.

Pero makalipas ang mahigit dalawang buwan, unti-unti ng nararamdaman ng marami ang kahirapan sa pagtugon sa ipinaiiral na “new normal” kaya’t sa halip na mapigil ang pagtaas ng kaso ng COVID-19, tuloy-tuloy pa rin ang paglobo ng bilang ng mga nagpo-positibo sa nakamamatay na sakit pero ang maganda, lumaki rin ang bilang ng mga gumagaling bagama’t may nadaragdagan pa rin sa mga namamatay.

Ang higit pang nakakabahala, lumolobo na rin ang insidente ng kriminalidad, hindi lang ang nangyayaring nakawan, kundi higit sa lahat ay ang nagaganap na patayan partikular sa northern area ng Metro Manila.

Hindi naman lubusang maisisi sa mga pulis ang paglobo ng krimen dahil abala rin sila sa panghuhuli sa mga pasaway na mamamayan na lumalabag sa quarantine protocol at marami na rin sa kanila ang nagpositibo sa virus bukod sa may nasawi pa nga silang mga kabaro dahil sa COVID-19.

Kaya lang, ang mga pulis lang talaga ang puwedeng sandalan ng mamamayan para sila maprotektahan laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kaya’t hindi maiaalis na masisi rin sila sa paglobo ng bilang ng nangyayaring krimen.

Dito lang sa lungsod ng Caloocan, halos araw-araw ay may shooting incident na nagaganap, bukod pa sa ibang uri ng krimen, tulad ng pagnanakaw at tangkang pagpatay sa pamamagitan ng pananaksak.

Nito nga lang nakalipas na dalawang linggo ay magkakasunod na pagpatay ang naganap sa Caloocan, kabilang na rito ang pagpatay kay Barangay 151 Chairman Douglas Gally Dilao na ka-alyado pa naman ni Mayor Oca Malapitan, ang puwersahang pagpasok ng mga armadong lalaki sa bahay ng maglive-in partner sa Bagong Silang na walang habag na pinaulanan ng bala at ang pagpatay din ng dalawang kriminal sa mag-ama sa Camarin nito lamang araw ng Linggo.

Bukod pa riyan ang hindi naiuulat na mga shooting incident na halos araw-araw ay nagaganap sa lungsod dahil hindi naglalabas ng spot report ang kapulisan kapag ganito ang uri ng krimen.

Maaaring hirap talaga ang kapulisan na lutasin at dakpin ang mga salarin, hindi lang ang malalaki ng krimen kundi maging ang mga insidente ng pamamaril na nagaganap, dahil nakatutok pa rin sila sa paglaban sa hindi nakikitang puwersa ng COVID-19.

Kaya lang, nararapat lang sigurong ipabatid naman ng kapulisan sa publiko, hindi lang para sa diwa ng transparency ang mga insidente ng nangyayaring pamamaslang, lalo na’t hindi maikakaila na malaki rin naman ang ginagampanang papel ng mamamayan para makatulong sa kapulisan na lutasin at madakip ang mga gumagawa ng krimen.

MRB sa  Bgy. San Roque naka-lockdown

HINDI lang ang sitio H. Monroy sa Bgy. Navotas West ang inilagay sa total lockdown ng Navotas city government dahil mula noong Lunes ng umaga, nasa lockdown na rin ang NavotaAs Residences o mas kilala sa tawag na MRB sa Bgy. San Roque dahil sa pagtaas ng bilang ng nagpositibo sa COVID-19.

Sa nilagdaang kautusan ni Mayor Toby Tiangco, tatagal ang lockdown sa MRB hanggang Hulyo 12 ng alas-11:59 ng hatinggabi kaya’t ang mga matatanda at wala pang 21-anyos ang edad ay bawal lumabas ng bahay.  Hindi naman kasama rito ang mga frontliners at essential workers tulad ng mga nagtatrabaho sa Navotas Fish Port Complex, pati na ang my medical emergency.

Ayon sa alkalde, nagbigay na rin siya ng direktiba kay Kap. Ricky Gino-Gino, ang punong barangay sa San Roque na higpitan ang pagpapatupad sa mga ipinaiiral na panuntunan lalo na ang pagsusuot ng face masks sa mga pinapahintulutang lumabas, pati na ang isa hanggang dalawang metrong physical distancing, pag-iwas sa pagkukumpulan at palagiang paghuhugas ng kamay.

Tiniyak naman ni Mayor Tiangco na mapagkakalooban ng pangunahing pangangailangan ang mga apektadong residente tulad ng pagkain at ihahatid ito ng mga kawani ng barangay sa mismong bahay ng mga residente.
Sabi ng alkalde, hindi niya gusto ang pagsasailalim sa lockdown subalit kailangan itong gawin para na rin sa kapakanan ng lahat at inaasahan niya ang suporta at kooperasyon ng mamamayan.

Bago ang paglalagay sa lockdown ng MRB sa Bgy. San Roque, una ng inihayag ni Mayor Tiangco ang natanggap niyang ulat mula sa City Health Office na nadagdagan pa ng 21 ang nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod mula sa bilang na 499 noong Hunyo 28.

Ayon sa alkalde, patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan na mailayo sa panganib at kapahamakan ang bawat Navoteño kaya’t nagpatupad siya ng ordinansa at panuntunan na naglalayon lamang na mapangalagaan ang kapakanan ng lahat.

Iginiit ng alkalde na ang laban sa COVID-19 ay laban ng lahat at ang tagumpay sa laban na ito ay nakadepende, hindi lang sa pamahalaan kundi sa sambayanan na malaki rin ang papel na ginagampanan para matapos ang krisis,

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363