Kudeta sa Senado?

‘BINARIL’ ni Senador Koko Pimentel ang haka-hakang papalitan si Senate President Tito Sotto ngayong papasok na 18th Congress.

Ayon kay Pimentel, walang dahilan para palitan si Sotto dahil ‘supportive’ ito sa administrasyong Duterte.

Naniniwala rin ang senador na kung magkakaroon ng ‘galawan’ sa liderato ng Senado ay baka mahati ang kasalukuyang majority bloc.

Ganito halos din ang tingin ni Sotto sa umuugong na ‘kudeta’ laban sa kanya.

Nilinaw ni Sotto na hindi siya kapit-tuko sa puwesto at sakaling magkaroon ng sapat na bilang para siya palitan, nakahanda siyang bumaba bilang ika-29 na Senate President ng bansa.

Sakaling magkatotoo ang sinasabing ‘kudeta’ sa Senado, walang mawawala kay Sotto na matatapos ang termino sa darating na taong 2022. Nag-iwan pa nga siya ng magandang legasiya dahil simula maging SP noong nagdadaang taon, 72 porsiyento ng ating kababayan ang ‘satisfied’ sa performance ng Senado.

Base ito sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) kung saan mula +58 satisfactory rate ay umaangat pa ito ng apat na puntos--pinakamataas  sa kasaysayan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

“We in the majority bloc have a good relationship and we have a good performance in the 17th Congress. If you’re a pro-administration senator, why would you want to alter the Senate leadership. As the American say, why fix it if ain’t broke?” sabi pa ni Tito Sen.

Kahit sa minority bloc, maayos ang pakikisama ni Sotto. “They fiscalize. But when they see that a measure is good, they vote with us. If they vote against a bill, they just explain their votes. Nobody filibustered,” sabi pa ni Sotto.

Kapwa nagrerespetuhan sina Sotto bilang SP at si Senador Franklin Drilon bilang minority leader. Kung matatandaan, bukod kay Senador Panfilo Lacson na kilalang lumalaban sa ‘pork barrel’ at illegal na ‘insertion’ sa budget, kinuha rin ni Sotto ang opinyon ni Drilon tungkol sa P79 billion na halaga ng budget na nais palusutin ng Kamara kamakailan lang.

Kung hindi sa ‘payo’ at nagkakaisang desisyon nina Sotto, Lacson, Drilon at buong majority bloc at minority bloc, nakalusot na sana ang nasabing pondo. Ito rin ang naging daan ng Pangulong Duterte para i-veto ang ilang probisyon sa panukalang budget na labis ikinapanlumo ng kongresista.

Ipinakita sa lideratong ito ni Sotto na mayroon silang bayag para labanan ang korapsiyon na isa rin sa pambansang polisya ng Duterte administration.
Naniniwala tayong walang magaganap na palitan sa liderato ng Senate ngayon.

Hindi kasi ito nararapat at walang-wala sa timing.

Magkagayunman, alam nating malalim ang pinakawalang pahayag ni Senator-elect Francis Tolentino na may bagong bloke sa Senado ngayon. Sila iyong tinatawag na grupo na mula sa Hugpong ng Pagbabago (HNP) na pawang inendorso ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Puwedeng ‘psy-war’ ito ni Tolentino para makuha nila ang inaasam nilang ‘committee chairmanship.’

Kung tutuusin, walang dapat ipag-alala ang mga papasok na bagong senador dahil sinabi na nina Sotto, Lacson at Majority Leader Migz Zubiri, magiging maayos ang ‘hatian’ ng komite. Ang mga bakanteng komite ay maaaring kunin ng mga bagong pasok at maaari rin ibigay ang iba pa para sa kanila.

Pero tulad ng sinabi ko, ‘heads up’ ito para kay Sotto dahil alam nating lahat, na noong nakalipas na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Duterte, nagkaroon ng kahiya-hiyang kasaysayan sa Mababang Kapulungan.
Ilang minuto bago ang SONA ni Digong, sinipa, pinatalsik, inalis sa puwesto at pinalitan ni dating Pangulo at ngayo’y outgoing Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo si Speaker Pantaleon Alvarez.

Ang arkitekto ng naganap na kudeta sa Kamara ay si Inday Sara. At si Alvarez na kapartido (PDP-Laban) ni Duterte ay walang nagawa kundi bumaba sa puwesto.

Kumpara ngayon, walang dahilan para ‘pag-initan’ ni Inday Sara si Sotto.

Hindi ‘hostile’ sa administrasyon si Sotto at kamakailan ay ito rin ang naging ‘knight and shining armor’ ng Pangulo dahil si Tito Sen ang unang-unang bumasag sa kredibilidad ni Joemel Peter Advincula, alyas Bikoy.

Naniniwala tayong kung hindi ibinunyag ni Sotto ang tunay na pagkatao ni Bikoy, malamang ay dumami pa ang naniwala hinggil sa mga kabulastugang pinagsasabi nito sa serye ng Ang Totoong Narcolist videos na pinagpiyestahan sa social media.

Aminin o hindi ng Malakanyang, malaking tulong ang ginawang pagbubunyag ni Sotto laban kay Bikoy na posibleng isa rin sa dahilan upang tumakas sa kanyang mga ‘handler.’

Ang itinuro ni Bikoy na nagsulsol sa kanya at nasa likod ng kontrobersiyal na video ay ang Liberal Party, gayundin si outgoing Senator Antonio Trillanes na kilalang kritiko ni Digong.
Maaaring ngayong taon ay walang magaganap na palitan dahil mahalaga ang natitirang tatlong taon sa puwesto ng Pangulong Duterte upang isulong  ang mga legislative agenda na karamihang ipinangako sa taumbayan noong 2016 presidential elections.

Pero kapag papalapit na ang 2022 presidential elections, asahan nating marami pang panibagong ‘mala-teleseryeng eksena’ ang magaganap sa buong Senado.

At alam ko, naniniwala rin si Tito Sen sa kasabihang ‘no one is indispensible.’