Kudeta sa Senado!

February 17, 2020

SINALAG agad ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ang umugong na usapan na posibleng palitan si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Kahit si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ay nagpahayag na maayos ang relasyon ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso at ng Palasyo ng Malakanyang.

“Despite some differences in opinion, the Senate as a whole has been very supportive of the legislative agenda of President Duterte,” ani Go sa text message nito sa Senate media kahapon.

Para kay Lacson, walang dahilan para magbago sa pamunuan ng Senado ngayon. Kahit na matibay ang pahayag ng majority block hinggil sa pagkuwestiyon sa pagbasura ng Pangulong Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA), naniniwala si Ping na hindi tatrabahuin ng mga kaalyado ng Malakanyang upang mapatalsik si Sotto bilang ika-23 na Senate President ng bansa.

“Isyu ang labanan dito, hindi naman ito personal na away na insultuhan,” sabi pa ni Lacson.

At kung may magpaplano mang pabagsakin ang Sotto leadership ngayong 18th Congress, nasisiguro ni Lacson na handa itong bitawan ng kanyang kaibigan.

“Naka-ready siyang matanggal kung ‘yan ang kinakailangan pero ang pagkakaalam niya national interest at sa paniniwala niya rightly or wrongly, hindi ko sinasabing tama ang kanyang pananaw sa national interest pero ako’y naniniwalang tama ang kanyang pananaw,” sabi pa ni Lacson.

Ang ‘kudeta sa Senado’ ay umugong nang aprubahan ng Senado – sa pangunguna mismo ni  Sotto ang pag-apruba sa Senate Resolution 312 na humihikayat kay Pangulong Duterte na irekonsidera ang pagbasura nito sa VFA.

Nauna ring nagpahayag si Sotto na plano niyang kuwestiyunin sa Korte Suprema ngayong linggong ito ang pagbasura sa VFA dahil sa kawalan ng ‘concurrence’ ng Senado.

Nilinaw ni Lacson na ang ihahaing ‘mandamus at petition for certiorari’  ay hindi nangangahulugang hindi nila nirerespeto o kinokontra na nila ni Sotto ang desisyon ng Pangulong Duterte.

Sa ganang akin, masyadong mababaw ang mga dahilang ito para patalsikin sa puwesto si Tito Sen bilang pinuno ng Senado. Una kasi, wala pa tayong nakikitang sapat na bilang   para palitan si Sotto.

Maliban na lang kung may isang maimpluwensiyang senador ang atat maging SP ng bansa.

“Numbers game’ ang labanan sa Senate leadership at kung susumahin, walang sapat na bilang para makakuha ng 13 senador.

May 20 senador ang majority block ngayon at ang minority block naman ay may apat na bilang – sina Senate Minority Leader Frank Drilon, assistant minority leader Kiko Pangilinan, Senadora Riza Hontiveros at ang nakakulong na si Senador Leila de Lima.

Malaking bloke ang ‘seatmates’ na binubuo nina Majority Leader Migz Zubiri, Senator Sonny Angara, Win Gatchalian, Joel Villanueva. ‘Solid’ Tito Sen sina Senadora Grace Poe at Nancy Binay, samantalang BFF ni Sotto sina Lacson at Senador Lito Lapid.

Sina Lapid at Gatchalian ay kapartido ni Sotto sa Nationalist People’s Coalition (NPC).

Ang Nacionalista Party ay binubuo naman ni  Senadora Cynthia Villar, Senate Pro-Tempore Ralph Recto, Imee Marcos at Pia Cayetano. At PDP Laban naman sina Senators Koko Pimentel, Manny Pacquiao, Bato dela Rosa, Francis Tolentino at Go.

At kahit si Senador  Dick Gordon na isa sa pinaka-senior senator, tulad nina Sotto at Drilon – ay walang malinaw na indikasyon para ilaglag nito si Sotto.

Kung sakali mang mapalitan si Sotto, nasisiguro ko ring hindi siya papayag na hindi pumalit sa kanya bilang SP si Senador Panfilo Lacson.