Kudos, Administrator Manuel Co!

ISANG sulat na kasama sa ‘letterhead’ ang Department of Justice (DOJ) ang ipinadala sa atin kamakailan ng aking maganda at mabait na editor na si ‘Mommy’ Tess Lardizabal.

At “pareho” pala kami ng “iniisip” nang una rin niyang matanggap ang liham—‘libel case’ na naman marahil ito, hehehe, ayy, huhuhu!

Subalit, “sablay” pala ang aming “tamang hinala” (mabuti naman) dahil ang liham ay galing kay Parole and Probation (Board of Pardon and Parole) administrator, Dr. Manuel Co, kung saan ipinaalam sa pahayagang ito ang kanyang mabilis na aksyon hinggil sa reklamong tinalakay ko dito at lumabas sa edisyon ng People’s Tonight noong Mayo 1.

Bilang pagbalik-tanaw, isang reklamo ang ating natanggap mula sa isang kaibigan na ang asawa ay nakakulong sa Bilibid (Muntinlupa). Aniya, “wala” na umano siyang ginawa kung hindi “magpabalik-balik” sa tanggapan ng PPA (Pardon and Parole Administration) sa Muntinlupa para lang mabigyan ng ‘schedule’ ang kanyang mister sa ‘clemency application’ nito.

Kailangan kasi na ‘ma-interview’ ng Parole and Probation Administration (PPA) ang isang aplikante, rekisitos na napapanood din naman natin sa mga pelikula.

Reklamo pa nga sa atin nitong ating kaibigan, higit dalawang buwan na siyang “lumuluwas,” sapul pa noong Marso, mula sa kanyang bahay sa Bulacan subalit palagi siyang “nganga” dahil ang “nakatutok” sa kaso ng kanyang asawa ay “palagi” (daw) “nasa seminar.”

At nang minsan na “matiyempuhan” niya sa Muntinlupa, “nilait” pa umano siya ng kanyang kausap, talaga rin naman, tsk!

“Ramdam” naman natin ang pagkagulat at “galit” ni Admin. Co sa kanyang sulat kay Muntinlupa Parole and Probation Office, ‘Officer-In-Charge’ Adelino B. Suyu Jr., bilang agarang aksyon sa ating komentaryo.

“The allegation in the editorial page if true, may constitute a violation of Number 14, Letter F, under Rule 10, Section 50 of the Civil Service Commission 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, which provides that:

“Failure to attend to anyone who wants to avail himself/herself of the services of the office, or act promptly and expeditiously on public transactions,” ayon pa kay Admin. Co.

Binigyan din ni Admin Co ng 5 araw si Suyu na sagutin ang kanyang sulat— “under oath”—at kung mabigo ito, eh, “alam na this” ang kasunod, hindi ba, mga kabayan, hehehe!

Ang mabilis na aksyon ni Admin. Co (ipinadala niya ang sulat kay Suyu noong Mayo 2, isang araw matapos lumabas ang ating kolum), sa ganang atin, ay pagpapakita ng dalawang katangian na dapat “tularan” ng kanyang mga tauhan sa ahensiya— “propesyunalismo” at ang pinakamahalaga sa lahat ng katangian, “malasakit.”

Sa dami na rin naman ng mga nakasalamuha nating opisyal ng gobyerno at kahit sa pribadong sektor bilang mamamahayag (bagaman hindi pa kami nagkakaharap ni Admin. Co), ang dalawang katangian na ito ang palaging “hinahanap” natin sa mga nasa posisyon at may kapangyarihan—propesyunalismo sa trabaho at malasakit sa kapwa-tao, partikular na sa “maliliit.”

Mabuhay ka, Admin. Co and may these qualities of yours imbue the entire PPA towards a more humane performance of its tasks! Sa ahensiyang katulad ng pinamumunuan mo, sadyang kailangan ang mga katangiang ganyan!