Kudos sa BoC-NAIA

January 27, 2020

BAGO ang lahat, isa munang malakas na “Mabuhay!” kay Phil. Army M/Gen. Reuben S. Basiao (PMA ‘Maringal’ Class, 1988), bilang bagong “bosing” ng 10th Infantry ‘Agila’ Division, Eastern Mindanao Command.

Pinalitan pala ni Gen. Basiao sa posisyon si M/Gen. Jose C. Faustino, na siya namang bagong ‘area commander’ sa EMC; ang kanyang pinalitan kasi, si Gen. Felimon Santos, ang ating bagong AFP chief of staff.

Bagaman nga parehong hindi natin kilalang personal ang dalawang matikas na opisyal na ito, mga kabayan, “malapit” naman sa atin ang Agila Division at ang EMC dahil marami tayong mga kaibigan sa Phil. Army ang ‘na-assign’ d’yan.

At ating mga naging pagbisita noon sa Agila Division at sa EMC, partikular sa termino ni Gen. Jorge ‘Brother’ Segovia at Gen. Leo Baladad, ay nakita at hinangaan natin ang pagiging mga propesyunal at responsable hindi lang ng liderato nito bagkus, ng buong mga “tropa” dyan.

Sa ipinadala ring ‘press statement’ sa atin ng Agila Division, masasabing “beterano” na rin sa Davao Region si Gen. Basiao dahil dito na rin siya naging “Batcomm” (battalion commander); isa rin pala siyang magaling na ‘intel officer’ at mayroon pang master’s degree on public management at sa international security and development mula naman sa Development Academy of the Philippines.

Translation? Aba’y “handang-handa” na pala talaga si Gen Basiao sa kanyang bagong posisyon, kaya welcome and good luck to you, General!

***

Kung hindi pa rin “nakakahalata” ang CPP-NPA, eh dapat nilang “maintindihan” na ang “sentro” ng atensyon ng gobyerno ni Pang. Rody ay ang Mindanao na palagi nating sinasabi na ‘last bastion of communist power in the country.’

Dangan kasi, sa pitong‘chief of staff’ ng AFP na itinalaga ni PDU30 sapul nang maupo siya noong 2016, lahat sila ay nanggaling sa kumand ng EMC-- Gen. Bong Visaya, Gen. Ed Año, Gen. Jagger Guerrero, Gen. Carlito Galvez, Gen. Benjie Madrigal, Gen. Noel Clement at ngayon nga ay si Gen. Felimon Santos.

(Bagaman, sa Solcom natin nakilala at naging kaibigan sina Gen. Bong, Gen. Ed, Gen. Galvez at Gen. Benjie, dahil nasa Southern Luzon Command sila bago nalipat sa Mindanao).

Translation? Kahit lang sa mga nasabing ‘appointments’ makikita ang lahat na talagang “prayoridad” ni PDU30 ang katahimikan at kaayusan sa Mindanao kaya sa mga “kaaway” ng gobyerno sa lugar na ‘yan, “mag-isip” na kayong mabuti, mga bosing—habang may panahon pa!

***

At nasimulan na rin lang sa ‘good news’ nabasa natin sa kanyang ‘social media post’ kung paano “pinaliguan ng papuri” ni Sen. Richard ‘You-Know-Me’ Gordon si NAIA district collector, Mimel Talusan at ang buong BoC NAIA.

Hatinggabi pala kasi noong Linggo, isang tawag mula kay John Chen, “bosing” ng isang dayuhang kumpanya ang kanyang natanggap kung saan kailangan ang maagap na “pag-alalay” ng BoC para ‘ma-export’ papuntang Wuhan, China, ang may 3 milyon piraso ng ‘face mask’ na lubhang kailangan doon para naman “labanan” ang problema ngayon sa Corona virus.’

Dahil na rin sa mabilis na aksyon ni Coll. Mimel, aba’y “sakto” ang pagdating ng mga face mask sa NAIA (mula sa planta ng kumpanya sa Bataan) at nadala papuntang China ang mga nasabing face mask, kaya, yeheyy!

Kaya bagaman nga masama pala ang pakiramdam ni Sen. Dick, aba’y “nabawasan” ang “bigat” ng kanyang nararamdaman dahil nga sa mabilis na aksyon ng NAIA-BoC.

“I commend the BoC, particularly Mimel Talusan and her team, for going back to work beyond the call of duty in securing the speedy passage of the face masks to China.

“Dedicated hardworking people like them make me proud to be a Filipino,” ayon pa kay Sen. Dick, kaya, “Kudos!” sa BoC-NAIA!

Siyempre, ang nasabing insidente ay pagpapakita rin na “ibang-iba” na nga palang talaga ang “takbo” ng gobyerno at burukrasya sa ilalim ni Pang. Rody, hindi ba, mga kabayan?

Aber, kung nangyari ang ‘near impossible’ na sitwasyong ito (kung saan mayroon lang ‘window time’ na anim na oras), eh, siguradong, “nganga,” hindi ba, ex-president Noynoy Aquino?

At “partida” pa, may sakit pa si Sen. Dick nyan, mga kabayan, hehehe!