Kudos sa VinCentiments at kay Sen. Sonny Angara!

NGAYON pa lang ay binabati na natin si re-electionist Senator Sonny Angara.

Kahit sa susunod na Lunes (May 13) pa ang inaabangang mid-term elections, alam na nating lahat na makababalik  sa Senado ang lodi nating senator.

Mula nang maglabasan ang survey noon pang nakalipas na taon, nanatili sa Top 5 sa ‘winning circle’ si Sonny.

Matinding pandaraya na lang siguro ang mangyayari para matalo pa si Angara.

Partida pa yan, dahil hanggang ngayon, ayaw siyang tantanan ng intriga ng mga kalaban sa pulitika na walang ibang alam na istratehiya kundi ang tinatawag na ‘demolition job.’

Ang catch, hindi epektibo ang paninira at pangungutya kay Angara na hanggang ngayon -- saan man magpunta ay mainit lagi ang pagtanggap sa kanya mula sa simpleng mamamayan hanggang sa mga local official sa bawat probinsiya.  Isang palatandaan na malakas na kandidato pa rin talaga si Angara.

Hindi ko na iisa-isahin kung anu-anong batas na ang naipatupad dahil kay Angara. Sa rami ng adbokasiya nito sa kabataan, edukasyon, sports, senior citizens, ekonomiya at mga PWD’s, kukulangin ang pahina ng pahayagang ito dahil tunay na makatao’t magaling makisama ang ipinagmamalaking anak ng yumaong Senate President Edong Angara.

Ito rin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, mahal ng tao si Sonny.

Mula nang pumasok sa pulitika noong taong 2004 (31-anyos lang siya noon), hanggang ngayon ay hindi nasangkot sa anumang anomalya at kontrobersiya si Angara -- bagay na pinananatili ang magandang legacy ng kanyang ama.

Sa puntong ito, gusto rin nating saluduhan ang bumubuo ng staff at production ng VinCentiments -- ang mga taong nasa likod ng matagumpay na ‘short films’ patungkol sa  payo ni Sonny sa mga kabataang may problema sa pag-ibig, relasyon at pagmamahalan.

Sa mga hindi nakakapanood nito, maaaring magtaka ang ilang makababasa kung paano napasok ang ‘usapang pag-ibig’ sa kampanya ni Angara.

Isa ito sa magandang istratehiya ng team ni Angara upang mapukaw ang atensiyon, pagmamahal at paghanga ng millennials kay Sonny.

Ang galing ng team mo, idol Dennis Legaspi.

Maraming ‘short films’ ang VinCentiments. Ilan dito ay ang #PMS3 na may 1.2 million views; Labeled love Philippines na may 908k views; No rebound Philippines na may 7.8 million views; Love vs Faithtful na may 8.2 million views; Cheating na may 13 million views at ang pinakahuli nating napanood ay ang Labor of Love na parang ‘prankster’ mismo kay Angara dahil hindi alam ng kanyng mga staff na shinu-shoot na pala ang kanilang eksena.

Ang bawat episode ng VinCentiments ay nakatutuwa, nakaaaliw, nakakahanga at siyempre sa mga milenyal ay tiyak na nakakakilig at siguradong ‘relate’ sila ‘to the maximum level.’

Tulad na lang ng eksena sa #PMS3 Broken Hearted Philippines. Sabi ng bidang si Joyce Magcalas, bakit daw walang batas para sa karapatan ng mga broken hearted. Bakit daw walang Department of Love na tututok, mangangalaga at magbibigay proteksiyon sa mga sugatang puso?

Sa ‘pelikulang’ Cheating: Decision or Mistake? Ipinaliwanag ni Sonny sa mga aktor at aktres na sina John Henry Villanueva at Maebell Medina na ang ‘cheating’ ay hindi isang desisyon o pagkakamali. Isa aniya itong kasalanan na hindi dapat gawin ng sinumang nilalang sa kanilang kapareha.

Maganda rin ang talakayan sa Loyal vs Faithful dahil payo ni Sonny sa aktor na si Billy Jake Cortez na mataas na uri ng pagmamahal ang faithful kumpara sa loyal.

Proud ding ipinagmalaki ni Angara na sa 15 taon nilang pagsasama ng asawang si Tootsy, nanatili siyang faithful.

Natawa naman  ako sa ending ng No Rebound Philippines dahil ang lalim ng mga hugot ng aktres na si Loren Marinas. Lalo na nang pumasok ang ‘nagpaasa’ sa kanyang boylet na si Billy Jake at sabihin niyang: “Padedehin kita dyan, eh!’

Daming tawa ko talaga rito.

Maraming magagandang aral na mapupulot dito. Hindi usaping pulitika, pero makikita mo si Sonny  kung paano ang isang ‘Tito’ o kuya na nagpapayo tungkol sa pag-ibig.

Sa mga hindi pa nakakapanood ng VinCentiments, i-click n’yo lang po sila sa YouTube at sigurado akong matutuwa kayo nang husto.

Congrats sa mga henyo ng VinCentiments na sina Vincent Asis (cinematographer), Darry Yap (writer at director), Roanna Mercado; mga aktor at aktres na sina Joyce Magcalas, Jobelyn Manuel, Loren Marinas, Billy Jake Cortez, Neil Villanueva, Henry Villanueva, Maebelle Medica at Leslie Lacap.

Sila ang mga batang filmmaker na sa kabila ng taglay nilang murang edad, kahanga-hanga na ang kanilang talento, talino at galing. Kakaiba ang pagganap, maayos ang iskrip, maganda ang atake at malinaw ang mensahe!

Bravo at kudos sa inyo. Fan n’yo po ako, mga ate at kuya!

At bago ako magtapos, gusto ko lang ipaalam sa inyo na ang VinCentiments ay tinangkang ‘bilhin’ ng Otso Diretso, pero dahil sa prinsipyo, hindi sila nagpasilaw sa kahit gaano pa kalaking presyo na inaalok sa kanila ng Kampon ng Dilawan!

Paniwala kasi ng mga batang filmmaker na ito, kahit sila’y bata, walang sinumang makabibili sa kanilang galing, talent, talino at prinsipyo!