Home>Editorial>Opinion>Kulang sa info campaign laban sa Virus!

Kulang sa info campaign laban sa Virus!

HABANG tumatagal ang pandemya, lalong lumalaki ang bilang ng nakararamdam ng takot at paranoia.

Ang sabi ng iba, wala namang ibang opsyon kung hindi ang patuloy na lumaban at makipagsapalaran para sa buhay.

Subalit ang iba, nakakaramdam na ng pagod sa sitwasyon at kawalan ng pag-asa dahil sa halip na bumuti ay tila lumalala ang kondisyon.

Narinig nga natin sa radyo ang pahayag ng isang komentarista na kung ikukumpara sa pag-aaral, hindi tayo bagsak kundi repeater dahil sa pagbabalik natin sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine at ngayon ay sa Modified Enhanced Community Quarantine.

Kaya naman maging si Senador Imee Marcos tila napapagod na sa iba’t ibang quarantine status.

Puro reflex action na lang tayo. Hindi naman kategorya ng lockdown ang mahalaga. Alam na natin palpak ang ECQ kahit halos isang taon tayo nagdusa,” pahayag ni Marcos.

Wala tayong kadala-dala. Ang kailangan pa rin ay testing, contact tracing, at ang mahiwagang bakuna! Dapat suportahan natin ang health system through these medical approaches, and ramp up the construction, provision and upgrade of isolation and other emergency wards,” giit pa ng senadora.

Para sa kanya, mas makabubuting kumuha tayo ng mga dagdag na health workers at bayaran sila ng maayos na sweldo kasama na ang hazard pay na matagal na ring ipinangako sa kanila.

It’s not about policing ever-changing lockdown levels; it’s about urgent, science-based, medical solutions. Is there a doctor in our public health house?,” giit ni Marcos.

Pabor din tayo sa rekomendasyon ni Senador Koko Pimentel na dapat sa panahon ngayon, ang Department of Health ay hindi na lamang basta nagbibilang ng mga kaso ng tinatamaan, namamatay o nakakarekober sa sakit.

Dapat may malawakan na rin silang information campaign para sa publiko kung paano ba lalabanan ang COVID 19 kahit nasa bahay lang.

Ang dapat sigurong ituro ngayon ay kung paano ang home recovery. Malawakang public information, na ang kailangang pumunta sa ospital yung nangangailangan na ng tulong sa paghinga,” paliwanag ni Pimentel.

Yung iba positive sa mental kasi ang problema. Kung ‘di ka malala tapos may massive information, ituro rin ang mga gamot. Kasi ang nangyayari it’s a worry, it’s a mental problem. Mild or moderate ka lang paano ka matutulungan ng oxygen flow, meron yan available sa bahay,” dagdag ng senador.

I hope the DOH will take over mag-strategy tayo paano malessen ang immediate na takot kaya tumatakbo sa ospital,” diin pa nito.

Isang taon na ang pandemya pero hanggang ngayon hindi pa natin nararamdamam ang mga tamang impormasyon na dapat gawin sa pakikipaglaban sa COVID 19 bukod sa puro pagsunod lang sa health protocols.

Marami ang sumusunod pero tinatamaan pa rin, hindi kaya dapat magmove on tayo at mula sa simpleng paghuhugas ng kamay, ituro na sa publiko ang mga dapat gawin para gamutin ang sarili kung nagkaroon ng virus?

Sana rin mas maraming webinar o Facebook live ng mga hakbangin sa paglaban sa virus at pagpapalakas ng mental health ang makita natin mula sa DOH at hindi lang puro numero.

Noon pa rin tayo nagsasabi na hilaw ang ginagawang aksiyon ng pamahalaan ngayon para maglabas ng komprehensibong infomercial na dapat ay pinangungunahang gawin hindi lamang ng DOH, kundi ng Presidential Communication and Operations Office (PCOO) mismo!

Okay lang ang regular press briefing, pero sana naman ituro n’yo kung pano at anong gamot ba talaga ang dapat gawin kung ang COVID-19 at nasa bahay lang!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large