Home>Editorial>Opinion>Kumusta na kaya si Gen. Eleazar?

Kumusta na kaya si Gen. Eleazar?

NAHAHARAP na naman tayo sa panibagong pagtaas ng kaso ng mga may COVID-19 sa bansa kung kaya kailangan na naman na muling magpapatupad ng paghihigpit para mapigilan ang pagkalat nito.

Kaya tayo pa rin ang may pinakamatagal na lockdown sa buong daigdig. Number 1, as in ‘on top of the world’ na naman tayo, aguy.

Tiyak na maraming mga mamamayan muli ang apektado na ang karamihan nagsisimula pa lamang bumangon mula sa pandemyang ito.

Kasabay pa nito nang panawagan ng mga health professionals na gawin na lamang work from home ang kanilang mga empleyado o di kaya’y mabawasan ang pagsisiksikan sa mga opisina upang mapigilan ang paghahawahan ng mga empleyado.

Ang resulta nito ay pagbabawas ng mga magtatrabaho. At tiyak aaray din ang mga negosyante dahil apektado na naman ang pagbangon ng ating ekonomiya.

Mabuti na lamang at dumating na sa bansa ang unang batch ng bakuna mula China para kahit paano ay may panlaban ang ating mga frontliners gaya ng ating mga health care workers sa panibagong bugso ng pagtaas na ito.

Gayunpaman, mukhang malayo pa sa katotohanan na babalik ulit tayo sa normal kung ganitong nagbabalik ang pagtaas ng mga kaso at nagkakaroon ng bagong variant ang COVID-19.

At lalong magiging mahirap para sa mga pulis na manaway ng mga tao kung mismong hepe nila ang pasaway. Paano sila rerespetuhin kung ang tingin sa kanila ay abusado mismo?

Na sadyang “may problema” sa hanay ng PNP sa pagsunod sa health protocols ay ang nangyaring “pagsasara” pansamantala ng buong Station 11 (Binondo area) ng Manila Police District (MPD) kung saan higit 50 pulis ang may sakit ngayon ng COVID, susmariosep!

Sa panahon ngayon na hindi lamang pag-iingat sa COVID-19 ang kailangan kundi pag-iingat sa imahe ng mga nagpapatupad.

Malaking bagay ang nakikita ng mga tao na may kredibilidad at hindi abusado ang mga nasa kapangyarihan hindi lamang upang madali nila itong sundin kundi makakatulong pa nila sa pagpapanatili ng kaayusan.

Kaya nga, marami rin ang nagulat sa balita noong nakaraang linggo na “nagpositibo” rin si Chief PNP Debold Sinas sa COVID-19.

Marahil, ‘asymptomatic’ itong boss ng ating kaibigan na si Col. Remus Medina at sadyang malakas ang pangangatawan kaya hindi “naramdaman” na “tinamaan” na pala siya ng virus.

Kung “nahawa” naman kay Gen. Debold ang kanyang mga binisitang pulis sa Mimaropa Police Office sa Oriental Mindoro, ito ang agad na dapat tingnan ng PNP at ng IATF.

Ang siste kasi, may mga ulat na “hindi” dumaan sa ‘health protocol’ si Chief PNP nang bumisita sa Mindoro kaya importante ngayon ang ‘contact tracing.’

At sa balitang ito, sinabi ni SP Tito Sotto na “dapat managot” si Gen. Debold sa nasabing insidente.

Malaking “problema” kasi ang nangyari, hindi lamang kay Gen. Sinas kundi sa buong pamunuan ng PNP lalo na ngayon na tumataas ang bilang ng COVID-19 sa bansa.

Bakit? Malaking problema ito hindi lamang sa kalusugan ni Chief PNP bagkus, sa kredibilidad din ng PNP.

Aba, paano na naman susunod ang mga tao sa kapulisan kung mismong ang punong tagapagpatupad ng ating mga health protocols ang nagmumukhang pasaway.

Noong nakaraang taon lamang, sa kanyang birthday party sa NCRPO, noong siya pa ang NCRPO director, mabuti na lang din at hindi tinamaan si Gen. Debold ng COVID-19 matapos maging kontrobersiyal ang nasabing okasyon, hindi ba mga kabayan?

At siyempre, sa mata ng mga “progresibong grupo” na palaging naghahanap ng isyu na maipupukol sa gobyerno, ano mang sablay ng mga opisyal ay ginagawang malaking isyu.

Harinawa naman na mapatunayan na walang nagawang paglabag si Gen. Sinas sa ating mga health protocols dahil kung hindi, “dagok” na naman ito sa ating PNP.

At sana lang, sa susunod na mamili si Presidente Duterte ng bagong PNP Chief sa inaasahang pagreretiro ni Gen. Debold ngayong buwan ng Mayo, ay ‘yung may kilalang magandang rekord ng paglilingkod ang kunin niya.

Isang opisyal na kayang gawing halimbawa ng mga kapulisan at magpapatibay pa ng respeto ng ating mamamayan sa ating mga pulis.

Kumusta na kaya si Gen. Guillermo Eleazar? ‘Antagal na nating hindi nakikita itong kaibigan natin na ito, hehehe.

Publication Source :    People's Tonight