Kung basura, basura na talaga!

May 26, 2019

Basura kaliwa’t kanan ang itinatambak ng ibang bansa dito sa ating bayan!

Nauna ang Canada na hanggang ngayon ay hindi pa kinukuha sa kabila ng marami nilang  pangako.

Sumunod ang South Korea na hindi pa rin nakukuha lahat ang itinambak nilang basura sa Pilipinas!

Sumunod naman ang Australia at marami pang “kesyo-kesyo” pero ang deklarasyon ng Bureau of Customs ay mixed community waste ang itinambak nila basura dito sa atin.

Sinundan pa rin ng electronic waste mula sa Hong Kong!

Ginawa na talagang tambakan ng basura ang ating bansa! Tinututulan ito ng Ecowaste Coalition at Bangon Kalikasan Movement (BKM). Pumunta ang isang opisyal ng Ecowaste at kasama ang Bureau of Customs ay sinaksihan nila ang laman ng bloke-blokeng binalot na magkakahalong basura o mixed wastes. Matagal nang tinutulan ng Ecowaste at BKM ang pambabastos na ginagawang ito sa atin ng ibang bansa. Ang Tsina at ibang bansa ay ipinagbawal na ang pagtatambak ng basura ng ibang bansa sa bayan nila. Anyare sa ‘Pinas?

Aba’y kailangang kaagad nang ilabas ni President Duterte at Environment Secretary Roy Cimatu ang isang Executive Order (EO)  o Department  Administrative Order (DAO) na nagbabawal sa pagtatambak ng lahat ng uri ng basura sa Pilipinas mula sa ibang bansa. Ganoon lang naman kasimple.

Nakita marahil nang ibang bansa noon ang paghawak ng Pilipinas sa basurang itinambak sa atin ng Canada. Nagpatumpik-tumpik ang pamahalaan noon, nag-aalala sa mga diplomatikong tensyon, kaya hayun, tumagal ng anim na taon, nasa atin pa ang basura ng Canada.

Nagbabala lang ng digmaan si Duterte kaya nagsikilos na ang mga taga-pamahalaan at Canada.

Ngayon naman pinagtatalunan pa na processed engineered fuel daw ang basura galing Australia.

Malinaw naman ang sinabi ni Region 10 Bureau of Customs Collector John Simon na narinig ko sa isang panayam sa kanya sa radyo. Community waste ito na may plastic at iba pa. Mixed waste ang tawag dito. Basura pa rin!

Kailangang-kailangan na agad ang isang order. Itinext sa akin noon ni Secretary Cimatu na binubuo na raw nila ang isang DAO banning all kinds of garbage. Ngunit tila natatagalan ito.

Sa palagay ko’y mauunahan na naman ang DENR ni Pangulong Duterte sa ban ng lahat ng uri ng basura na itatambak ng ibansa dito sa atin.

Ang pahayag  ni Port Collector Simon ay may customs at environmental violation ang mga importer ng mga basura kaya dapat silang managot sa batas. Mangyayari kaya ito?

Ang tawag ko sa basura ng Australia ay “nilumpya.” Binalot lang ng mabuti ang mga halo-halong nabubulok na basura at saka sinabing engineered fuel ito.

Nakasulubong ko na ang ganitong istilo ng “paglulumpya” ng basura. Ginawa ito ng isang kumpanya. Nangolekta sila ng mga basura at dinala ito sa isang bayan sa Rizal maraming taon na ang nakararaan. Noong una’y hindi sila pinansin dahil mayroong medical mission at kung ano-ano pang “mission” kasama na ang livelihood at medical ang ginawa.

Hindi rin ito nagtagumpay dahil basura pa rin ito! Nangamoy ang baho at nagalit ang mga residente at pinatigil sila!

Kung basura, basura na talaga. Huwag nang magpaikot-ikot. Aminin na lang at mag-isip nang ibang paraan na maka-kalikasan sa mga gawaing gusto nilang  gawin.         (bangonkalikasan@yahoo.com)