Lalaban ka ba sa stamina ni Erap?

MAINGAT ako magkomentaryo, lalo na laban sa mga taong hindi ko naman ganoon kakilala.

Kung ang magiging batayan lamang ng sasabihin ko ay ang mga balitang nababasa o mga naglalabasang propaganda, may tiyansa na mailigaw ka ng iyong mga sasabihin. At ang masama mong komento laban sa kanino man ay maaaring makasakit hindi man sa taong sinabihan mo, higit sa mga pamilya nito.

Isang ehemplo ay ang mga masasamang sinasabi ng iba sa facebook laban kay Manila Mayor Joseph Estrada, lalo na ang alegasyon na pumapasok sa city hall nang lasing or hindi talaga pumapasok.

Kung mayroon mang awtoridad na makapagsasabi ng katotohanan sa mga maling alegasyon na ito, isa na marahil ako doon. Katulad ng sinabi ko, upclose and personal ay puwede kong hamunin ang sinuman na makipagsabayang magtrabaho kay Mayor Estrada.

Almost 7 months na akong close-in kay Mayor Estrada at titiyakin ko sa mga nagsasabing may edad na siya na ilalampaso kayo ng stamina at endurance ni Asiong Salonga!

Unahin ko sa kanyang opisina. May elevator naman paakyat sa second floor ng city hall pero hindi kayo maniniwala na araw-araw ay umaakyat lang sa hagdanan si Mayor para pumasok sa kanyang opisina.

Iyong mga nagpopropaganda ng negatibo, baka tulog pa kayo ay nag-iikot na si Mayor Estrada para mag-inspeksiyon ng kanyang mga projects bago pupunta sa mga medical mission at serbisyo caravan.

Matapos ang kanyang field work, papasok sa city hall yan para kausapin ang lahat ng taong naghihintay sa kanya at pipirma ng mga dokumentong halos matakpan na ang kanyang work table sa dami.

Marami na akong nakasamang pulitiko, pero si Mayor Estrada lang ang nakita kong hindi kakain ng lunch mag-isa at nakatago doon sa kanyang opisina.

Araw-araw kasama ni Mayor Erap sa lunch ang mga department heads, mga security personnel at mga staff ng Mayor’s office. Ang katwiran ni Mayor, hindi na lang din siya kakain kung lunch for one lang ang ihihahanda ng kanyang opisina.

Maraming misconception ang ibinato ng mga propagandista laban kay Estrada pero kapag nakita nyo siyang magtrabaho, manghihinayang kayo kung bakit hindi pa niya natapos ang kanyang pagka-Pangulo.

Huwag nating kalilimutan na ang Estrada Presidency lang ang nakapagtala ng highest agricultural production sa history ng Pilipinas after Marcos era. Food sufficiency ang talagang agenda niya sana kung hindi inagaw ang puwesto sa kanya.

Naisulat ko na rin dito, noong hindi pa campain season, araw-araw nasa city hall si Mayor mula 9 am at madalas, 8 pm nasa kanyang opisina pa, hindi tumitigil sa meeting at pagpirma ng mga dokumento hangga’t hindi tapos.

Ngayong campaign season, hindi rin ako makapaniwala sa daily schedules na kinakaya ni Mayor. Mag-motorcade ng 9 am, kakain ng lunch then mag-motorcade ulit ng 3 pm then deretso na sa kanyang mga caucus hanggang ala-una ng madaling araw. Ganoon ulit ang cycle ng schedule niya the next day. Iyong mga kasama niya, nagpapalitan na sa pag-absent at nagkakasakit na sa pagod pero si Mayor Estrada, malakas pa sa kalabaw!

Isang umaga, mga 7 am, tinawagan ko si Mayor para kumustahin: Mayor, kumusta na po kayo?
“Ayos naman ako, bakit?”

Sabi ko sa kanya, “mayor, umamin nga po kayo, niloloko nyo lang po ata kami, baka naman 45 years old lang kayo at nagpapanggap lang na 80 years old?!”  

Malakas na tawa lang ang isinagot ni Mayor na parang nakakaloko habang ako’y sumasakit ang ulo sa maghapong init na pag-iikot namin sa Maynila.

allanpunglo@gmail.com