‘Legislative Power’ ng Kongreso, “nilapastangan?”

KUMILOS na pala ang National Bureau of Investigation (NBI) sa panawagan nina Cong. Michael Defensor at ng ating “bossman,” Cong. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, na imbestigahan ang blocktime agreement sa pagitan ng ABS-CBN at AMCARA Broadcasting Network.

Sa “panlasa” kasi ng mga miron, mistulang panloloko at “paglapastangan” sa legislative powers ng Kongreso ang kasunduan.
Ginawa ng dalawang kongresista ang kanilang kahilingan sa NBI nang mabatid sa joint hearing ng Committee on Legislative Franchises at Committee on Good Government and Public Accountability noong  Huwebes, na maaaring hindi isang blocktimer lang ang broadcast giant kundi pag-aari pala mismo nito ang AMCARA.

Matibay ang paniniwala ni Remulla na “manloloko” ang ABS-CBN at ang blocktime deal nito sa AMCARA ay isang “palusot” lang para “maikutan” ang kapangyarihan ng Kongreso pagdating sa pagbibigay ng prangkisa.

“Ang lumalabas kasi rito may element po ng fraud against the legislative powers of Congress,” ani Remulla.

Sa AMCARA kasi ngayon “umeere” ang digital television ng ABS-CBN, kasama na ang TV Plus nito katulad ng CineMO!, Yey!, TeleRadyo, at KBO na isang pay-per-view channel.

Kahit na nag-isyu ang National Telecommunications Commission (NTC) ng cease and desist order (CDO) laban sa Kapamilya network noong May 5 dahil paso na ang legislative franchise nito, patuloy pa rin ang AMCARA sa pagpapalabas ng mga programa ng ABS-CBN sa Channel 43 at TV Plus.

Ito ang dahilan kung bakit naglabas ang NTC ng alias CDO laban sa ABS-CBN noong Hunyo 30 dahil ang totoo’y covered na pala dapat ng May 5 CDO ang Channel 43 at TV Plus. Hindi lang talaga sumunod ang network, aguy,aguy,aguy!

Isiniwalat ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa nasabing pagdinig na ang AMCARA ay walang equipment at permit sa pag-operate ng digital television.

Ibinunyag din ni Cordoba na nang ihain nila ang alias CDO sa ABS-CBN na may address sa Mother Ignacia Street, Quezon City natukoy ng mga NTC engineers na sa compound ng network nanggagaling ang signal ng Channel 43 na siyang naka-assign sa AMCARA.

“Based on the results of the RNS video monitoring equipment, we observed that there is an existing broadcast propagation on 6-megahertz band and the result of the measurement shows that the strong signal is emanating from the direction of ABS-CBN’s tower along Mother Ignacia Street, Quezon City,” ani Cordoba.

Naririto pa ang ilang matibay na ebidensiya kung bakit talagang pagmamay-ari ng ABS-CBN ang AMCARA:

Nagsimulang mag-broadcast ang AMCARA gamit ang Channel 23 na naging Studio 23 noong 2010 at ABS-CBN Sports and Action noong 2014.
Bago ito, noong 2012, iniulat mismo ng ABS-CBN na mayroon silang 49 porsiyento bilang ‘owner’ ng AMCARA at kabilang ito sa kanilang mga subsidiaries.

Eh, kung totoo lahat ang lumabas na mga detalye sa nasabing pagdinig, “buking na buking” ang ABS-CBN at may katwiran ang ating mga mambabatas na “manggalaiti sa galit.”

Sino ba kasi ang may gusto na ginagawa kang “ogags” aber?

At siyempre, hindi natutuwa ang ating Kongreso na hanggang ngayon, patuloy silang “nilalapastangan” ng kumpanyang ito ng mga Lopez.