Home>Editorial>Opinion>Libreng COVID test sa mga dental clinic

Libreng COVID test sa mga dental clinic

NOONG una akong isinailalim sa rapid test, kabado rin ako sa magiging resulta kahit alam kong wala naman akong sakit.

Sa tuwing pupunta ako sa dentist, naging requirement na ang pagsusuot ng PPE robe, headcover at foot cover. Hindi po ito libre, karagdagang P1,000 sa babayaran mo.

Iyong rapid test, iba pa rin ang bayad. Noong mga unang testing, nasa P3,500 ang charge sa rapid test plus iyong charge sa PPE. Kung within two weeks ang sked mong bumalik, hindi ka kailangang mag-rapid test ulit. Feeling nakatipid pero karamihan sa appointment mo sa dentist, labas na sa 2 weeks.

Kaya nga tatlong beses akong na-rapid test, mabuti na lamang ay negative lahat. Ang rapid test ay iyong kinukunan ka ng dugo sa dulo ng iyong daliri na parang blood sugar testing.

Sa loob ng 15 to 30 minutes, may resulta na. Pero matapos ang serye ng rapid test, biglang maglalabas ang DOH na hindi conclusive ang rapid test kaya hindi puwedeng sabihing reliable ang resulta mo.

Iyong huling rapid test ko, napansin ko bumaba na presyo, naging P1,000 na lang. Dahil nga siguro may DOH statement na unreliable ito.

Kaya tuloy bigla na naman akong ni-require ng dentist na magpa-swab test dahil kung hindi ko raw gagawin, hindi nila ako mabibigyan ng appointment.

Ganoon na nga, napilitan akong magpasailalim sa swab test pero antigen naman ang tawag. Pareho ng sistema ng swabbing na nakikita natin, iyong susundutin ang ilong mo na halos maabot ang iyong utak.

Kabado rin ako kung ano ang resulta bagama’t alam kong wala naman akong sakit. Kung mahina-hina ka rin, tatamaan ka ng anxiety attack habang hinihintay ang resulta dahil may mga tinatawag na positive pero asymptomatic.

Pagkasundot sa kaloob-looban ng ilong mo, may ihahalong kemikal na ilalagay sa testing kit, maghihintay ka ng 15 minutes sa resulta. Sa awa ng Diyos, negative rin naman kahit kikakabahan ka rin kahit paano.

Ayaw mo man magpasailalim sa kung anu-anong pagkutkot sa ilong mo, wala ka namang magawa dahil requirement sa dentist. Tama rin naman kasi direktang droplets ng laway ang lilipad-lipad sa mga dentists kapag nagsimula na silang galawin ang iyong bibig.

Ang tanong ngayon, ganito ba ang sistema sa lahat ng dental clinic sa buong bansa ngayong panahon ng pandemic? Paano ang mga kababayan nating kailangan nang magpa-dentist pero ang budget ay sapat lang sa pagpapabunot ng ngipin, pagpapapasta or pagpapa-cleaning?

Dito dapat pumasok ang open mass testing or barangayan COVID testing. Marami na tayong kababayan ang kailangan nang magpa-dentist dahil mula March 15 ay posibleng sumasakit na ang kanilang ngipin.

Habang wala pang bakuna, dapat siguro pagtuunan din ng DOH ang pagbibigay ng libreng testing kits sa mga dental clinic para mapakinabangan naman ng ating mga kababayang gustong magpa-dentist pero walang pang-COVID testing.

Ingatan nyo lang papasukin sa eksena ang ilang tiwali sa Philhealth baka pagkakitaan na naman ang mga dental patients.

Silang mga malilikot ang kamay sa Philhealth ang dapat binubunutan ng ngipin nang walang pampamanhid!

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV