Home>Editorial>Opinion>Lifetime PWD ID, dapat lang!

Lifetime PWD ID, dapat lang!

SA paglipas ng panahon, matutuklasan natin na napakarami nang batas at regulasyon sa ating bansa ang hindi na naaangkop sa kasalukuyang panahon.

Ang iba naman kapag sinuri at pinag-isipang mabuti, mapagtatanto na lamang natin na kumplikado pa ang paraaan ng pagpapatupad ng batas o ng regulasyon na pwede namang gawing simple.

Sa mga ganitong pagkakataon natin nakikita ang mga mambabatas na mabusisi at sadyang pinag-aaralan ang mga bagay-bagay na pwedeng gawing simple ang mga kumplikadong usapin.

Isa na rito si Senador Lito Lapid na nagnanais na gawing panghabambuhay o lifetime ang validity ng Identification Cards ng persons with permanent disabilities (PWD).

Sa kanyang Senate Bill 1795, isinusulong ni Lapid na alisin na ang probisyon na kinakailangang i-renew ng PWD ang kanilang mga ID kada tatlong taon.

Naniniwala ang senador na ang re-evaluation ay hidni na kinakailangan sa isang PWD na may permanent disability tulad ng birth defects, permanent blindness o deafness, loss of limb o body parts.

“Marapat lamang na bigyan ng mas malawak na pang-unawa at konsiderasyon ang mga kababayan nating may kapansanan. Kaya dapat lang na tulungan natin silang mapagaan ang ilang gawain gaya na lamang ng pagkakaroon ng PWD ID para masigurong meron silang sapat na benepisyo at pribilehiyo,” saad ni Lapid.

“Hindi na sila dapat pahirapan pang i-renew ang kanilang PWD ID lalo na kung ang kapansanan nila ay panghabang-buhay na. Makakabigat lamang sa kanila ang pagsasailalim sa paulit-ulit na proseso ng pagkuha ng ID at pag-aaksaya lang din ito ng kanilang oras at salaping pambayad sa renewal fee,” dagdag ni Lapid.

Sa panukala ni Lapid, aamyendahan ang RA 7277 o ang “Magna Carta for Disabled Persons” upang gawing lifetime ang validity ng PWD IDs.

“Tungkulin ng ating gobyerno na tulungan ang ating mga kababayan lalo na ang mga nasa sektor na may higit na pangangailangan gaya ng mga may kapansanan. Maliit na bagay kung tutuusin na siguruhing hindi na mahihirapan pang mag-renew ng PWD ID ang mga kapatid nating panghabang-buhay na ang kundisyon. Kaya hiling ko na agad itong matalakay sa Senado at maipasa bilang batas,” diin ni Lapid.

Sa iba, sasabihin nilang napakasimple naman masyado ng batas na ito pero kung pag-iisipang mabuti hindi ba’t nararapat lamang namang ipairal ang ganitong polisiya?

Bakit nga ba kailangan pa nating pahirapan ang mga permanenteng PWD sa pagrerenew ng kanilang ID kung maaari naman na itong gawing panghabambuhay?

Sana nga ay mabigyan ito ng sapat na panahon at agad nang maisabatas upang makagaan naman sa buhay ng mga PWD.

Salamat kay Senador Lapid sa pagkakasilip sa polisiyang ito.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large