Ligtas Kalsada, Ligtas Parking para sa Bisikleta!

May 30, 2020

NAPAPANAHON ang panawagan ni Senate Pro-Tempore Ralph Recto na dapat magkaroon ng libre, ligtas at maayos na ‘parking lot’ para sa mga bisikleta, maging ito man ay sa malalaking malls, opisina – pribado o pampubliko mang tanggapan.

Ayon kay Recto, hindi lamang ‘dedicated bike lanes’ ang dapat pinag-uusapan ngayon, kundi dapat ding pagtuunang pansin ang mga ‘parking space’ na para sa bisikleta.

"It is not enough that we set aside passageways for bicycles. We should also see to it that the public places they're going to have spots where they can leave their bikes safely," ani Recto.

Sinabi ng beteranong mambabatas bukod sa kaligtasan sa kalsada, isa sa ikinababahala ng mga ‘bikers’ ay ang lugar na pagpaparadahan ng kanilang bisikelta.

At para mahikayat aniya ang lahat ng mall owners, malalaking establisimento at pribadong tanggapan, dapat manguna ang lahat ng government offices sa pagpapalagay ng tamang paradahan ng mga sasakyang de padyak.

"Dito (nga) sa Senado, which is the ground zero for the call for more bike lanes, inaayos pa lang ang parking spaces for bicycles, paano na kaya ang ibang opisina?" sabi pa ng mister ni Star for All Season Batangas Rep. Vilma Santo-Recto.

Idinagdag ni Ralph na hindi na kailangan pang gumastos ng malaki para lamang magkaroon ng tamang parking space sa bisikleta. Kahit ang simpleng ‘engineering’ para sa pupuwestuhan nito ay madali lamang pag-isipan basta ang importante, may bakal o barandilya na pagpupuwestuhan upang doon na rin ikadena at ikandado ang mga bisikleta.

Pero dapat maayos ang pagkakasalansan nito at ilagay sa tamang puwesto.

"If we are willing to borrow P11.5 billion for every kilometer of subway, then this is something we can afford," pahayag pa ng senador.

Ipinadiinan ni Recto na hindi na rin dapat pang maningil ang mga mall owners sa parking ng mga customer nilang nagbibisikleta dahil hindi ito masyadong ‘takaw sa espasyo!’

"Malaking kaswapangan na kung pati bisikleta sisingilin mo pa. Napakaliit na espasyo lang ang mao-okupa. Besides, cars can cross-subsidize the expenses in maintaining mall parking lots," sabi pa ni Recto.

Maganda rin aniyang makahikayat ito sa mga estudyanteng papasok sa eskuwela. Kahit na sa mga simbahan, lugar na sambahan ay dapat magkaroon din ng sapat na paradahan sa mga bisikleta.

Gayundin sa ilang tindahan, palengke at botika.

"A bike is a social distancing-compliant ride. It will help fill the void in a mass transport with a shrunk capacity. Yung sa LRT 1 na 347 passengers per train car, magiging 52 na lang; sa MRT, from 394 per car down to 51; yung jeeps kalahati," giit pa ng senador.

Sa ganang akin, tama ang panawagang ito na dapat ding pag-ukulang pansin ng lahat dahil ngayong ibinaba na sa general community quarantine ang malaking bahagi ng bansa, asahan nang darami pa ang mga manlalakbay sa lansangan na kung hindi man nakamotorsiklo ay nakabisikleta.

Sa bisikleta, bukod sa malaking bagay para sa ehersisyo ng bawat idibiduwal, ay malaking tipid din na  hindi na nangangailangan pang gumastos para sa gasolina.

Asahang ang pagdagsa ng bisikleta ay kasama rin sa tinatawag na ‘new normal.’