Home>Editorial>Opinion>Liliwanag na ba ang buhay natin sa Meralco?

Liliwanag na ba ang buhay natin sa Meralco?

INILABAS natin dito ang tungkol sa maling sistema ng Meralco na hindi pinatatanggap sa mga remote payment centers o bayad centers ang mga previous balance ng mga electric bills.

Ang totoo, pinagaan na nila ang buhay natin sa pamamagitan ng mga kung tawagin ay neighborhood payment centers dahil hindi na natin kailangang lumayo or pumila sa mga Meralco offices para magbayad.

Kaya nga lang, may sistemang hindi tinatanggap ng mga bayad centers ang mga previous balance kahit may nakahanda ka nang pambayad. Hindi naman natin masisi ang mga bayad centers dahil tiyak na iyon ang agreement nila sa Meralco.

Lalo na iyong mga may disconnection notice na, kailangan pa rin pumunta sa Meralco for reconnection and penalty na sa tingin ko ay maling sistema ito.

Puwede naman ang lahat ng ito as in one stop shop kung talagang gusto nating pagaanin ang buhay ng ating mga customers.

Ang buhay natin dapat ay pinadadali ng online system, lalo na ngayong pandemic, para maiwasan ang kumpulan ng maraming tao sa iisang gusali.

Nabanggit ko nga sa nakaraang kolum ko na kailangan ko pang magbigay ng P150 pamasahe sa tricycle ng uutusan ko kapag hindi ako puwede dahil busy sa mga meeting.

Pero para makatipid na rin, ako na ang nagbabayad subalit kailangan maglaan ng extra one-and-a-half hours para sa pagpunta sa bayad center at kung mamalasin, hanggang sa Meralco office.

Kaya nga may online transaction na tayo, madali nang makikita from end to end kung nagbayad o hindi ang isang customer ng Meralco. Kung minsan naman, may ibang kababayan tayo na palaging may nakalaan nang pambayad kaya lang walang time dahil sa pagkaabala sa trabaho o iba pang bagay.

Tungkol nga dito sa isinulat natin, tumawag sa atin si Joe Zaldariaga alyas Boy Tisoy na Chief Communications ng Meralco para magbigay ng reaksiyon sa ating naisulat. Actually, dalawang PR guy ng Meralco ang tumawag sa atin pero hindi ko na babanggitin ang pangalan ng isa kasi baka umaakto rin itong lineman or taga-buhat ng poste. Kidding aside, matagal na nating kaibigan ito, ang pinakamasipag sa PR industry na bata pa ako idol ko na.

Sa pag-uusap namin ni Joe, nabanggit niya na posibleng mangyari na rin ang suggestion ko dahil welcome naman sa Meralco ang mga ganitong feedback. Nangako sa atin si Joe na ilalatag niya sa kanilang kompanya ang ganitong sistema na magpapaginhawa sa ating lahat.

Binanggit ko rin kay Joe at sa PR man ng Meralco na huwag na nila akong intindihin doon sa ibinayad kong P21,000 noong buwan ng Mayo kahit na ang karaniwan lamang naming konsumo namin ay P8,000 to P9,000 to the maximum.

Wala tayong ibang layunin sa pagtalakay sa isyung ito kung hindi maging tulay ng pagpapagaan ng buhay ng ating mga kababayan.

Sa pangalan ng People’s Journal, People’s Tonight, nagpapasalamat tayo kay Boy Tisoy at sa Meralco sa maagap nilang pagkilos para sa kabutihan ng bayan.

Hihintayin namin ang katuparan ng pangako ng Meralco na tatanggapin na sa mga bayad centers ang previous, current at mga disconnection penalty/payment.

Siguro totoong malapit nang lumiwanag ang ating buhay kapag nangyari ito. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV