Linisin ang mga lansangan!

August 11, 2019

Ito ang direktiba ni Pangulong Duterte sa lahat ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan mula mayor hanggang mga pinuno ng barangay.

Walang harang sa mga bangketa na anumang istraktura tulad ng mga tindahan at iba pa.

Walang mga sasakyang naka-park at nakagarahe sa mga lansangan.

Walang sagabal na mga basura sa lahat ng kalye.

Walang sagabal na mga taong nag-iinuman sa mga kalye at bangketa.

Sa madaling salita dapat ay malinis ang mga lansangan sa Metro Manila at lalawigan mula sa anumang sagabal at harang sa mga bangketa at lansangan.

Suspensyon ang aabutin ng mga mayor at pinunong barangay kung hindi nila ito magagawa sa loob ng 45 days ayon sa Memorandum ng DILG.

Humirit lang si Mayor Joy Belmonte na gawing 60 days ang paglilinis ng lansangan sa mga sagabal sa lunsod Quezon. Ito ang tantya ni Belmonte na magagawa niya ang direktiba ng pangulo.

Ngunit nararamdaman na ba ang pagtalima sa direktibang ito?

Tila  nauna pa sa direktibang ito si  Mayor Isko Moreno. Tila naging inspirasyon ni Pangulong Duterte ang ipinamalas ni Moreno sa lunsod ng Maynila sa usapin ng paglilinis ng mga bangketa at pagdidisiplina sa mga sasakyan.

May panimulang tagumpay na si Mayor Edwin Olivarez sa pagsasa-ayos ng mga istraktura sa Baclaran Paranaque.

Nakasusunod kaya ang ibang lunsod?

Nakasusunod kaya ang Pasay at Caloocan?

Nakasusunod kaya ang Taguig at Muntinlupa?

Sana nga’y matagal nang ginawa ito at hindi na naghintay ng direktiba ni Duterte.

Matagal nang nadudumihan si Pangulong Duterte sa Kamaynilaan mula nang umupo siya sa puwesto.

Ngunit may ilang alkalde ang nagtaingang kawali sa kalagayan ng kalinisan at trapik sa kanilang lunsod.

Kinailangan pa ang isang presidente na nagbibigay ng ultimatum sa mga parang bata na kailangang pasunurin sa pamamagitan ng pagbabantang hindi sila makapaglalaro o makapamamasyal. Sa matatanda, suspensyon, ang parusa.

Hindi maganda ang ganitong tunguhin ng bansa kunga kailangan pang bantaan ng presidente ng suspensyon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang sumunod lamang.

Kahit mga batang nasa elementarya ay alam kung marumi na ang kanilang bahay o paaralan at nangangailangan na ito ng paglilinis. O kaya’y mapigil na ang pagsisimula ng pagdumi sa kanilang lugar na nagiging tambakan ng basura.

(bangonkalikasan@yahoo.com)