Live debate: Para sa bayan o para sa bayad?

NAGMISTULANG sabong ang Makati forum sa pagitan ng magkapatid na Mayor Abby at former Mayor Junjun Binay.

Sa naging mainitan na bangayan na nakita natin sa mga lumabas na video, sa tingin ko, kung parehong lalaki lamang sila Abby at Junjun, baka nagkasuntukan na dahil sa tindi ng tensiyon.

Nasa harapan pa nila ang kanilang erpat na si former vice president Jojo Binay pero hindi rin napahupa ang tensiyon.

Ito ang sinasabi nating dahilan kung bakit sa isang banda, hindi rin maganda ang mga debate at public forum ng mga kandidato. Aminin natin, parang karnabal lang ang dating ng mga debate at mga forum na ginagawa dito sa atin dahil una, hindi naman marunong  ang facilitator.

Kahit iyong mga imbitasyon sa telebisyon na debate ng mga kandidato, pansinin nyo, sa halip na may napupulot tayong mabuti, mas lumulutang ang kawalanghiyaan ng maraming kandidato.

Ang dahilan nga kasi ng ibang istasyon, nag-iimbita para sa rating, nag-iimbita para sa commercials, nag-iimbita para sa pansarili nilang interest.

Kung talagang walang commercial value ang mga media debates sa tuwing eleksiyon, tingnan natin kung may istasyon na mag-iimbita sa mga kandidato.

Hinahamon natin ang mga istasyon ng tv at radyo na sa mga susunod na eleksiyon ay magpadebate nang walang commercial breaks. At kung mayroon man, iyong libreng voters education at mga programa ng gobyerno ang ilabas na zero billing. Kapag nagawa nila ito, doon lang tayo maniniwalang para sa bayan talaga ang kanilang lakad at hindi para sa bayad.

Malaking bagay na rin na nakita ng ibang kandidato na mali ang pagbibilad sa kanila sa publiko. Itong 2019 elections ay nakita natin na konti lamang ang nangyaring debate dahil maraming kandidato ang ayaw ng sumali.

Panahon na rin na gawin ng Comelec ang kanilang papel sa aspetong ito. Kung mayroon mang ahensiya na dapat mag-initiate ng debate, dapat ay Comelec. Alisin talaga ang profit oriented na debate para malaman natin kung saan patungo ang bayan. Bigyan ng tamang oras para magpaliwanag at sumagot ang mga kandidato.

Kaya naman 1 minute to 2 minutes lang ang ibinibigaay sa mga TV debates ay dahil may nakaabang ng 30 to 45 minutes commercials sa isang oras at kalahating live debate. Kailangang sundin kasi ng host ang program flows na dapat kapag nakalaan sa komersiyal, tigil muna ang usapan.

Ang Comelec at PTV 4 ang main host ng debate pero live hooked sa lahat ng istasyon na walang commercial, tingnan nga natin kung sino ang papayag dito na 3 hours libre?

Ano kayo naloloko?

allanpunglo@gmail.com