Lord, ‘basta akala, mali!’

November 14, 2019

ISA palang “malaking selebrasyon” ang nangyari sa kaarawan ni Marinduque Congressman at ‘House Speaker in-waiting,’ Lord Allan Jay Velasco noong Lunes na ginanap sa San Juan City noong Lunes.

Siyempre pa, ang panauhing pandangal ay walang iba kundi si Pang. Rody na tila isang ‘reminder’ sa ating lahat na “malapit” ang kanyang pamilya sa ating mahal na Pangulo.

Tanong naman ng mga miron, “hindi” raw kaya “nagsisisi si Cong. Lord sa pag-imbita kay PDU30?

Anila kasi, sa halip na “luminaw” ang kanyang “napipintong pag-upo” bilang ‘Speaker of the House of Representatives’ ay “masisilat” pa yata dahil na rin sa mga sinabi umano ni PDU30 patungkol sa isyu.

Ang buong akala (yata) ni Cong. Lord ay ‘pa-birthday’ na sa kanya ng Pangulo “pagkumpirma” sa term-sharing agreement nila ni Speaker Alan Peter Cayetano sa pagiging Speaker, lalo pa nga at kaarawan pa naman niya.

Kung babalikan, dear readers, sa “15-21”  term-sharing agreement nilang dalawa ni Cayetano bago ang pagbubukas ng ika-18 Kongreso, si Cayetano ay uupo sa unang 15 buwan bilang Speaker, at pagkatapos ay si Lord naman sa huling 21 buwan.

‘Yun nga lang, walang magandang balita na dala ang Pangulo sa kanyang speech. Nang mapunta sa term-sharing ang usapan, eto lang ang sinabi ng Pangulong Duterte:

“Kung iyan ang usapan, term-sharing, nasa inyo na ‘yan if the parties would honor.”

“Ang sabi  pa ng Pangulo sa mga congressman na imbitado ni Lord: “I am not forcing anybody to take a stand. It’s your choice because the agreement and the choice is yours.

“You can make or unmake the Speaker (Hindi ko pinipilit ang sinuman na pumanig kaninuman. Karapatan niyo ang pumili dahil ang kasunduan at ang pagpili ay nasa sa inyo. Kayo ang may kapangyarihan para mailuklok o matanggal ang isang Speaker).”

Marahil ay napa-”Juskolord!” si Lord nang marinig ang sinabi ng Pangulo? Hindi kaya, hehehe!
Paano  na ngayon na ang Pangulong Duterte na mismo ang nagsabi na nasa mga kongresista na ang pasya kung itutuloy pa o hindi ang term-sharing?

Tila ba ang gustong sabihin ng Pangulo ay “Lord, bahala ka na sa buhay mo,” ahahay!

At masisisi ba si PDU30 sa kanyang mistulang ‘change of heart,’ dear readers?

Kung matandaan pa rin, wala naman talagang interes si PDU30 na “pakialaman” ang ‘House Speakership’ bilang pagkilala at respeto sa prinsipyo ng ‘separation of powers’ ng Kongreso at Ehekutibo. ‘Yun nga lang, “pinilit” siya ng ating mga mambabatas, remember?

Sa bagong deklarasyon na ito ni PDU30, sinasabi ng mga miron na tila “mas pinapaboran” ni Presidente ang ‘performance’ kesa sa pagiging “malapit” sa kanya ng sino mang mambabatas.

Ang bansa at ang mga mamamayang Pilipino nga naman ang makikinabang kung ang suporta niya ay ilalagak sa karapat-dapat dahil sa buti ng ipinakikitang pagsisilbi sa gobyerno, kaysa  naman doon sa ang kwalipikasyon lang ay ang pagiging malapit sa pamilyang Duterte.

At bagaman nga sinabi na rin ni Cayetano na “nakahanda” siyang “kilalanin” ang “usapan” nila ni Lord, eh, paano ang kanilang mga kasamahan na “bilib na bilib” na ngayon sa kanyang liderato, aber?

At bakit naman hindi? Sa unang dalawang buwan pa lang na pagiging Speaker, nakapagtala na si Cayetano ng pinakamataas na rating kumpara sa mga dati niyang kapwa Speaker sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

Ang trust rating ni Cayetano na 62 porsiyento at approval rating na 64 porsiyento ay masasabing ‘record-high na ratings.’

Aber, mas mataas pa nga ang tiwala ng publiko kay Speaker Cayetano kumpara naman kay VP Leni Robredo, hehehe!

Bukod pa diyan, umani ng papuri si Cayetano mula sa mga kapwa niya kongresista dahil sa unang pagkakataon, bumango ang imahe ng Kamara de Representante sa publiko.

Tuwang-tuwa at pinagmalaki ng mga kapwa niya lider sa Kongreso, tulad nina House Majority Leader Martin Romualdez (happy birthday na rin, Boss!) ang magandang rating ni Cayetano.

Hindi nga naman makakakuha ng mataas na rating ang Speaker kung hindi nirerespeto at kinikilala ng publiko ang mga ‘accomplishment’ ng Kamara.

Sa panig naman ng Malacanang, walang duda na masaya sila sa performance ni Cayetano.

Sa maikling panahon pa lang ng kanyang pagiging Speaker, naipasa na ng Kamara ang mahahalagang panukalang batas tulad ng mga tax reform bills ng Pangulong Duterte.

At higit sa lahat, naipasa rin ng Kamara ang national budget  para sa 2020 sa mabilis na panahon nang walang pork, walang iligal na insertions at walang ‘parking’ ng pondo.

Kaya naman maging si Cavite Congressman Piding Barzaga na presidente ng National Unity Party (NUP) ay nagsabing baka hindi na kailangan pa ang term-sharing kapag ganito ng ganito ang ipinapakita ni Cayetano. Ituloy-tuloy na lang hanggang matapos ang Kongreso.

Ang ‘moral of the story,’ mga kabayan? Eh, kung “inakala” ni Cong. Lord na “uso” kay Pang. Rody ang “personal” na relasyon kahit sa serbisyo-publiko, aba’y ‘anlaki ng kanyang sablay, huhuhu!

Ngayon pala, hindi nakukuha sa pa-birthday o pa-binyag ang pagiging Speaker.
Marami talaga ang nauunsiyaming plano dahil sa maling akala, hehehe!
Abangan!