Lord, dapat ka pa bang maging ‘Speaker?’

SA nangyaring “gulo” sa Kongreso kamakailan hinggil sa “sumingaw” na “planong kudeta” ng kampo ni Marinduque congressman, Lord Allan Velasco, laban kay Speaker Alan Peter Cayetano, marami tuloy miron ang nagtatanong, “sino” nga ba ang nasabing kongresista?

Take note, ang “nasilat” na umano’y ‘power grab’ ng kampo ni Velasco ay sa kabila ng kanilang ‘gentleman’s agreement’ ni Speaker Alan—na “aprub” kay Pang. Rody— na ‘term sharing’ sa pagiging lider ng Kongreso.

Batay sa kasunduang ito, inaasahang sa katapusan pa ng Oktubre “papalit” si Velasco kay Cayetano bilang ‘Speaker of the House.’

At kung ngayon pa lang ay “nagpipilit,” na siyang makapuwesto, eh, mukhang may ‘attitude problem’ siya, hindi ba kasamang Charlie Manalo? Lumalabas kasi na masyado naman siyang “atat-na-atat,” hehehe!

Kung mga naging aksyon din ni Speaker Alan ang pagbabatayan, aba’y hindi “palundag” o kaya naman ay “imahinasyon” lang niya ang planong kudeta dahil bakit kailangan ang ‘revamp’ sa ilang mga komite ng Kongreso kung saan inalis ang mga ‘pro-Lord congressmen,’ aber?

Bagaman at para sa mga nagsasabing “kilala” nila ang pagkatao ng anak ni ex-Supreme Court associate justice at ngayon ay Marinduque congressman, “tamang hinala” lang talaga itong mister ni Taguig representative, Lani Cayetano.

“Binungkal” naman natin ang ating mga dating naisulat, dear readers, kung saan sa mga nakaraan, ibinuking, eheste, binanggit natin ang mga “maluluhong piging” nitong si Lord upang lalo pang magpa-impress kay Davao City mayor, Sarah Duterte at kay Pang. Digong, mismo!

Halimabawa ay sa kanyang kaarawan noong nakaraang Nobyembre kung saan “inaasahan” niya na ‘full endorsement’ ang maririnig ng lahat mula kay Pang. Rody para sa kanyang ambisyon na makopo ang pagiging ‘House Speaker’ sa buong tatlong taon ng ika-18 Kongreso, pero, nabigo siya, aguy,aguy,aguy!

Sa naisulat pa nga natin noon:

‘Yun nga lang, walang magandang balita na dala ang Pangulo sa kanyang speech. Nang mapunta sa term-sharing ang usapan, eto lang ang sinabi ng Pangulong Duterte:  

“Kung iyan ang usapan, term-sharing, nasa inyo na ‘yan if the parties would honor.”  

“Ang sabi pa ng Pangulo sa mga congressmen na imbitado ni Lord: “I am not forcing anybody to take a stand. It’s your choice because the agreement and the choice is yours.  

“You can make or unmake the Speaker. (Hindi ko pinipilit ang sinuman na pumanig kaninuman.

“Karapatan niyo ang pumili dahil ang kasunduan at ang pagpili ay nasasainyo. Kayo ang may kapangyarihan para mailuklok o matanggal ang isang Speaker).”

“Marahil ay napa-”Juskolord!” si Lord nang marinig ang sinabi ng Pangulo? Hindi kaya, hehehe!”

***

Kumpara kay Cayetano na hindi lang naging dating congressman kundi naging senador at foreign affairs secretary din, si Lord ay manipis ang ‘track record’ bilang pulitiko at lingkod bayan.

Kuwento naman ng ibang miron, si Lord ay pumasok bilang miyembro ng staff ng kanyang ama sa Korte Suprema. Naging provincial administrator din si Lord sa Marinduque at naging chapter president ng Integrated Bar of the Philippines sa lalawigan.  

Hindi natin “minemenos,” dear readers, pero, “sapat” na ba ang mga ‘qualifications’ na ito para mapuwesto si Lord sa ‘fourth highest position in our land?’

Kung matatandaan pa, “olat” din sa kanyang pagtakbo bilang mambabatas si Lord noon 2013 elections at kaya lang nakaupo ay dahil “napalabas” niyang “Amerikano” ang kanyang nakalaban na si Regina Ongsiako-Reyes, yeheyy!

Noong ika-17 Kongreso, naging chairman ng House energy committee si Lord,  at co-chairman of Joint Congressional Power Commission.  

Katulad ng alam ng lahat ngayon, binabatikos si Lord dahil sa mga nabistong pang-aabuso ng mga power companies kung saan aabot sa halos P100 bilyon ang hindi (pa rin) nababayaran ng mga ito sa gobyerno.

Translation? Kung maayos na nagampanan ni Lord ang kanyang trabaho sa mga nasabing komite, aba’y dapat noon pa niya nabisto na “winawalanghiya” ng mga oligarkiya na may-ari ng mga kumpanyang ito, ang kawawang bayan ni Juan dela Cruz.

At bagaman mataas ang ating respeto kay AJ Velasco na ama ni Lord, “ibinisto” ni Marites Danguilan-Vitug, sa kanyang aklat na, ‘Shadow of Doubt: Probing the Supreme Court,’ na bagaman mahistrado ng Korte Suprema, “nakialam” ang hukom sa “kampanya” ng kanyang anak.

Ang resulta? Nakuha ni AJ Velasco ang “natatanging parangal” bilang kauna-unahang nakaupong mahistrado ng Korte Suprema na nagdemanda ng libel laban sa isang mamamahayag, ahahay!

Ayon pa rin sa iniakda ni Vitug, isang ‘German Agojo’ na sinasabing isang ‘drug lord,’ ang “tinulungan” ng erpats ni Lord sa kaso nito, nye!

Marami pang “kuwento” dito kay Lord at sa kanyang ama, mga detalye na sa tingin natin ay hindi na kailangan pang ibuyangyang dito.

Ang sinasabi lang ng mga miron, kung may ‘cloud of doubt’ sa pagkatao nitong si Lord at kanyang pamilya, “paano” pa siya magiging isang epektibo at patas na Speaker?

Ano sa tingin mo, Mayor Sarah? Abangan!