Lubusin na ang pagtulong sa mga magsasaka

September 11, 2019

MAHIRAP talagang mawala ang korapsyon at katiwalian hindi lang sa Bureau of Customs (BoC) kundi sa maraming pampublikong opisina.

Napapailing na lang tayo kapag naririnig natin si Pangulong Rody Duterte na umaamin na marami pang mandurugas sa gobyerno.

Hindi lang kahirapan ang dahilan ng malawakang korapsyon sa bansa.
Bakit ‘ika niyo?

Madalas kasi ang pasimuno ay ang mga taong may malalaking suweldo.

Ang tawag ng marami diyan ay walang kabusugan. Sila ang mga gahaman sa mga materyal na bagay na sanhi para lokohin ang taumbayan.

Sa totoo lang, ang marami nang sinipa sa puwesto si Pangulong Duterte na may kaya sa buhay dahil sa katiwalian.
Walang kapasidad ang mga “foot soldier” na mangbiktima kay Juan dela Cruz.

Takot lang ng mga ‘yan dahil wala silang pera at  malalakas na padrino.

Kagaya diyan sa Aduana, busog na busog na pero tuloy pa rin sa mga masamang gawain.

Kawawa talaga ang mga gatasan nilang importer.

Walang magawa ang mga kawawang negosyante dahil maraming daraanan ang kanilang mga kargamento bago mailabas sa pantalan.

Hindi na tayo magtataka kung sakaling may mga importer na tumigil ng negosyo dahil sa sobrang pahirap ng mga ulupong dyan sa BoC.

Kaylan kaya kakalusin ni Depcom Raniel Ramiro ang mga operatibang protektor ng mga ismagler?

Kelan nga ba, Commissioner Rey Leonardo Guerrero?

Ayaw ni Pangulong Dumterte ng ganyan.

Abangan!

***

Tamang-tama ang utos ni Pangulong Duterte sa National Food Authority (NFA) na tulungan ang mga magsasakang nagtatanim ng palay.

Ayon sa utos ni Pangulong Duterte kailangang bilhin lahat ng NFA ang ani ng mga magsasaka.

Walang presyong itinakda si PRRD.

Ang bilin ng Pangulo ay bilhin sa halagang hindi malulugi ang mga magsasaka.

Hindi baleng malugi ng kaunti ang gobyerno, ang importante ay nakatulong naman ito sa mga kawawang nagbubungkal ng lupa.

Pero siguraduhin ng NFA na huwag makaporma ang mga trader para lokohin ang gobyerno.

May mga report kasi na may mga trader na sila na ang bibili ng ani ng mga magsasaka at sila na rin ang magbebenta sa NFA.

Maraming magsasaka ang papayag diyan kasi abala at gastos lang kung sila pa ang magdadala ng palay sa mga bodega ng NFA.

Ang dapat gawin ng NFA ay puntahan ang mga barangay at doon sa mga barangay hall  bilhin ang mga ani.

Lubos-lubusin na ang pagtulong sa mga magsasaka.

***

Marami ang matutuwa, lalo na ang mga magulang, kung tuluyan ng ipagbabawal ni Pangulong Rody Duterte ang paggamit ng paputok at pailaw sa panahon ng kapaskuhan.

Perhuwisyo lang ang dulot ng mga paputok at pailaw.

Hindi naman buong taong gumagawa ng mga paputok.

Ang ibig sabihin nito ay may ibang pinagkikitaan  ang mga firecracker manufacturer.

Hindi totoong magugutom sila kapag hindi na puwedeng gumamit ng paputok sa panahon ng kapaskuhan.

Mas maige na ito kaysa naman me nakikita tayong mga nasasaktan, nasusunog o namamatay sa panahon na dapat nagsasaya ang lahat.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vic reyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)