Lumang mga sakit, bagong pangalan

HINDI natin malaman kung ano bang klaseng  sakit itong COVID-19.

Kung ang pagbabatayan ay ang sinasabi ng mga health experts, kasama na ang World Health Orgnization at DoH, wala tayong makitang bago sa sintomas ng virus na ito.

Mula pa sa ating pagkabata, sino ba sa atin ang hindi tinamaan ng trangkaso, sino ba sa atin ang hindi sumakit ang lalamunan dahil sobrang lamig, matakaw sa matamis at natuyuan ng pawis?

Lahat din tayo ay napulmonya na, wala siguro sa atin ang hindi dumanas ng karaniwang mataas na lagnat sa magdamag na talagang nanginginig ka sa ginaw kahit hindi naman winter or wala naman tayong aircon sa bahay.

Karaniwan, ang mga sanhi nito ay matinding pagod, kulang sa tulog o kaya naman ay kahinaan ng resistensiya. Bago bang matatawag ang mga ganitong pakiramdam na mula pa sa ating kamusmusan ay naranasan na natin?

Naging alarming kasi ito dahil sobrang laki ng magnitude ng tama sa buong mundo kaya lahat tayo ay napapraning na. Sabi nga sa mga pakulo sa social media, mas ikararangal mo pa ngayon ang umutot kaysa umubo.

Hindi ako makapaniwala na tumama ito sa mahigit isang daang bansa gayong kapag tiningnan mo ang sintomas, hindi siya bago sa hanay ng mga naging sakit.

May mga espekulasyon na biochemical ang pinagmulan ng lahat ng ito na nagkaroon ng leak.. Pero walang nakapagpapatunay nito dahil masyado lang malikot ang utak ng iba nating kababayan.

Ang problema natin ngayon, tamang hinala na tayong lahat. kulang na lang, lahat tayo ay mag-usap nang nakatalikod para hindi maanggihan ng droplets.

Pero kung iisipin mo, ngayon lang nangyari na isang virus ang lumumpo sa ekonomiya ng mundo. Wala na sa ating makagalaw, natatakot na tayong mag-abroad, ayaw na nating pumunta sa mga mataong lugar, maraming major events ang nakansela.

Kailangang pagtulungan na ng mga world experts ang pagtuklas kung saan ito nagmula at kung paano ito masosolusyunan. Kung tatagal pa ito sa susunod na tatlong buwan, hindi na ito makakayanan ng maraming industriya.

Bagsak na ang travel agencies, ang airline companies, ang hotel and restaurant business, ang mga event managements. Baka kailangan na natin ang Justice League at ang lahat ng pabida sa Avengers.

Pati ang mga theme park tulad ng Universal Studios, Disneylands, Ocean Park ay nagmimistula nang ghost carnivals dahil sa kawalan ng tao. Maging ang transportasyon ng mga pagkain at mga produkto ay dumaranas na rin ng matinding delay.

Hindi ganitong klase ng paggunaw ng mundo ang inaasahan natin lahat. Kailangang manumbalik ang global economic activity  bago mag-collapse ang maraming industriya ng paggawa.

Isama natin sa araw-araw nating mga panalangin ang kagalingan ng mundo at nawa’y makaalpas tayong lahat sa masamang kabanata na ito.
allanpunglo@gmail.com