‘Lumpuhin’ ang ‘Oil Smugglers’

January 03, 2019

SA pagtatapos ng 2018, “tameme” ang mga kritiko ni Bureau of Customs (BoC) commissioner, Jagger Guerrero.

At marahil, kahit si DoF secretary, Sonny Dominguez at iba pang mga ‘economic managers’ ng bansa, walang naibulalas kundi, ‘Ang galing mo, General!’

Dangan nga kasi, mula sa ‘collection deficit’ na higit P6 bilyon noong Nobyembre 2018, mistulang gumawa ng “himala” si Comm. Jagger, bagaman nga ikalawang buwan pa lang niya sa puwesto, Mr. President!

Sa huling linggo pa lang ng Disyembre, bagaman nakaparami ng ‘official holiday’ at mahaba rin ang ‘holiday break,’ sinabi na ng mga miron sa atin na hindi lang “nakabawi” sa ‘deficit’ noong Nobyembre, bagkus, nalampasan pa nga ng higit P600 milyon ng BoC ang ‘2018 collection target’ nito, yeheyy!

Batay sa opisyal na datos, “humamig” ng P585.542 bilyon ang Aduana, kumpara sa  ‘target collection nito na P584.881 bilyon kaya, yeheyy ulit, hehehe!

Maliban sa termino ni Comm. Sid Lapeña kung saan pulos ‘up-and-up’ ang ‘monthly average collection’ ng Aduana, ngayon lang ulit nangyari sa Aduana -- sa termino ni Comm. Jagger -- na mula sa ‘collection deficit’ ‘nag-rebound’ agad ang koleksyon nito sa loob lang ng isang buwan at nagrehistro pa nga ng ‘surplus.’

Panahon pa kasi ni Comm. Alex Padilla (1986), “istambay” na tayo sa pantalan, dear readers. At sa ating mga nasaksihan, “bihira” talagang mangyari na “makabawi” agad sa koleksyon ang BoC; sa karanasan, basta “nasimulan” sa ‘shortfall,’ “diretso” na ito hanggang matapos ang taon kaya ang resulta, “bugbog” sa “kantyaw” ang Aduana kung pagkolekta ng buwis ang pag-uusapan, hehehe, ayy, huhuhu!

Pansinin pa rin na para sa 2018, “hinati” ang ‘monthly collection target’ ng BoC, dear readers.

Yun bang… “mas mababa” ang ‘target’ sa unang kalahati ng taon at ang mas malaking ‘collection target’ ay “ibinuhos” sa pagpasok ng ‘Ber months.’

Translation? Talagang ‘impressive’ ang ipinakitang liderato ni Comm. Jagger dahil “doble-kayod” siya sa kanyang misyon na “makuha” ang asinta niyang P584.881 bilyon buwis sa 2018.

And again, dear readers, hindi lang niya “nakuha,” “nilampasan” pa nga, kaya, yeheyy ulit!

* * *

Ngayong 2019, higit na mas malaking “sakit ng ulo” ang “bubunuin” ni Comm. Jagger kung pangongolekta ng buwis ang pag-uusapan.

Sa ibinigay kasing ‘tax collection projection’ ng DoF sa Kongreso kapalit ng pag-apruba ng badyet nito at mga ahensiya sa ilalim nito katulad ng BoC, “itinakda” ang ‘target collection’ nito sa higit P670 bilyon ngayong taon, susmariosep!

Ang tanong, saang “bulsa” kaya ng mga ‘stakeholders’ -- kasama na ang mga ‘players-cum-smugglers’ puwedeng “kunin” ni Comm. Jagger ang halagang ito, aber?

Kung mamarapatin naman ni Comm. Jagger, ang ating panukala ay simple -- sa “bulsa” ng mga dambuhalang mandarambong sa buwis, saan pa ba?

At ang nangunguna sa ating listahan, ay itong mga ‘oil players’ o mga kumpanya ng langis, dear readers.

Panukala pa natin, dapat magsagawa ng seryosong ‘audit’ si Comm. Jagger at ang gobyerno sa binabayarang buwis ng mga kumpanya ng langis, partikular na sa ‘excise tax’ na dapat ay “kada litro” (per liter) ang buwis sa gobyerno.

Dangan kasi, kahit tayo ay muntik nahulog sa upuan, dear readers, nang makita natin ang transaksyon ng isang dambuhalang kumpanya ng langis kung saan pitong piso, as is pitong piso, Pang. Rody, ang binayaran nitong ‘excise tax’ sa “ipinasok” nitong langis na higit 83 milyong litro (83 million liters), sanamagan!

Sa kuwenta pa ng mga miron, sa halagang P7/liter ‘excise tax’ ang dapat umanong binayarang buwis sa transaksyong ito ay higit P500 milyon, OMG!

At dahil hindi naman tayo “ogags” dear readers, ang ating mga tanong na dapat masagot, Comm. Jagger, ay simple lang.

Una, gaano katagal na itong nangyayari? Ikalawa, kung ginagawa ito ng dambuhalang kumpanya ng langis, eh, ito lang ba o lahat ng ‘player’ sa ‘downstream oil industry’ ganito ang ginagawa -- garapalan at tuloy-tuloy na pandaraya sa buwis?

Paano rin nangyari ang eskandalong ito kung walang kasabwat sa mga ahensiya at departamento ng gobyerno, partikular na d’yan sa BoC aber?

Translation? Ilang daang bilyon na kaya ang nawala sa buwis ng bansa dahil sa tahimik, subalit, garapalang kawalanghiyaang ito ng mga ‘oil companies?’

At ilan na rin kayang mga walanghiya sa loob ng gobyerno ang naging mga milyunaryo at bilyunaryo dahil sa pakikipagsabwatan nilang ito?

Translation pa ulit? Ang “paglumpo” sa mga oil smugglers ang nakikita nating “pinakamalaking hamon” sa administrasyon ni Comm. Jagger.

Kung magagawa niya ito, kahit pa itaas sa P700 bilyon ang koleksyon ng Aduana, ngayong taon, naniniwala tayong mangyayari ito.

Ngayong taon, ipatutupad na ang ‘fuel marking’ sa lahat ng produkto ng langis na ang isa sa layunin ay “tiyakin” na magbabayad (na) ng tamang buwis sa kanilang mga ‘oil imports’ ang mga kumpanya ng langis.

Tingnan na lang natin, hindi ba, mga kabayan? Abangan!