Maawa ka naman Commissioner Guerrero sa mga importer, broker

December 23, 2018

HINDI lang mga kawani ng mga shopping mall, restaurant, hotel at iba pang mga lugar na pinupuntahan ng mga tao ang dapat maging customer-friendly.

Dapat ganyan rin ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs.

Ito ay kung gusto ng mga taga-BoC na lumaki ang revenue collection ng ahensiya.

Huwag natin kalimutan na nakasalalay sa volume ng importasyon ang laki ng buwis at taripa na pumapasok sa kaban ng BoC.

Ang mahalaga ay mawala ang korapsyon at red tape sa Aduana para hindi laging na ha-high blood at nagkaka-migraine ang mga importer at broker.

Isa pa, hindi maganda ang ginagawa nila na bigla na lang itinatataas ang duties and taxes.

Maawa ka naman Comm. Rey “Jagger” Guerrero sa mga importer at broker.

Nahihilo na sila sa biglaang pagtataas na ginagawa ng mga hepe ng mga section na ang itunuturo naman ay ang Internal Assessment Service.

Ang matindi, pilit daw ginagawang P250k ang bawat container ng mga general merchandise. Masakit ito dahil sa bandang huli, end user o consumer ang tatamaan ng taas buwis.

Hinaing nga ng mga importer/broker kung totoong IAS na ang nasusunod at wala na namang kapangyarihan ang mga district collector, eh, parang bumalik lang ang BoC sa panahon ni Comm Nic Faeldon na masyadong makapangyarihan ang IAS at ito lang ang kailangang kausapin.

Sa panahon nga ng IAS sa ilalim ni Faeldon, namayagpag ang tinaguriang “Davao Group.”

Ganyan kaya ulit ang mangyayari upang makopo ng isang grupo ang importasyon?

At sa totoo lang, Comm Rey, ang biglaang pagtataas ng duties and taxes ay pansamantalang remedyo lang dahil tapos nyan siguradong bababa ang volume ng importasyon dahil sa pabago-bagong paniningil ng D/T.

Sana hindi dumating sa puntong magdesisyon ang ibang importer na mag-iba na lang ng negosyo dahil sa inis sa nangyayari sa Aduana.

Marami ang umaasa na sana makita at maayos ni BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero ang mga palpak na nangyayari sa Aduana.

* * *

Marami ang nananawagan na ilagay sa kontrol ng pulisya ang mga “political hot spot” sa buong bansa.

Huwag na nating hintayin ang pagsisimula ng official campaign period para ilagay sa police control ang isang lugar.

Ito ay para maiwasan ang sakitan dahil lang sa politika.

Lalo pa at ayaw ni Pangulong Rody Duterte na tinatakot ng mga kandidato ang mga botante.

Ang gusto ni PRRD ay payapa, malinis at maayos ang May 13 na halalan.

Ayaw niyang manalo ang mga teroristang kandidato na walang ginagawa kundi takutin ang mga kalaban at mamamayan.

Isumbong sa kanya, sa pamamagitan ng text at social media, ang mga pananakot ng mga teroristang kandidato.

May kalalagyan sila. Tiyak ‘yon!

* * *

Sa mga masugid na mambabasa ng People’s Tonight at People’s Journal, Maligayang Pasko po sa inyong lahat!

Maraming salamat po sa patuloy niyong pagtugaygay sa kolum natin.

Sana po maging masagana ang ating “Noche Buena” mamaya.

Sa mga kaibigan at kapatid natin sa hanapbuhay, Merry Christmas po sa inyong lahat.

At gayundin sa mga paminsan-minsan napipitik sa kolum natin, Maligayang Pasko din.

Sabi nga, walang personalan, trabaho lang ito.

Muli, Merry Christmas sa lahat!

(Para sa inyong koemnto at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)