Home>Editorial>Opinion>Mababang kalidad ng Edukasyon,solusyunan na

Mababang kalidad ng Edukasyon,solusyunan na

ILANG taon nang nangungulelat ang mga Filipino learners sa iba’t ibang mga international na pag-aaral hinggil sa kalidad ng edukasyon.

Ito ang dahilan kaya’t nais ni Senador Sonny Angara na busisiin ng kaukulang kumite sa Senado ang mga programa, proyekto at polisiya ng Department of Education para sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon.

Ayon kay Angara, layun ng kanyang Senate Resolution 590 na pag-aralan ang mga polisiyang dapat baguhin kasunod ng hindi kaaya-ayang resulta ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics.

Target ng mga reporma na malunasan ang mga gap sa basic education system.

Ipinaalala ni Angara na sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law na binigyang-diin ang commitment ng estado para sa functional basic education sa bansa para makabuo ng mga productive at responsible Filipino citizens.

Sinabi ni Angara na sa kabila ng mga reporma sa basic education upang iangat ang functional literacy rate, marami pa ring Filipino learners ang mababa ang score sa National Achievement Test gayundin sa mga pasusuri ng international organizations.

The Department of Education launched the Sulong EduKalidad which sought to strengthen education reforms through the review and update of the K-12 curriculum, improvement of learning environment, upskilling and reskilling of teachers, and, engagement of stakeholders for support and collaboration,” pahayag ni Angara sa resolution.

Tinukoy pa ng senador ang report ng UNICEF noong December 2019 na bagama’t 90 percent ng primary school age children sa Southeast Asia ang nag-aaral, isa sa tatlo naman o 70 million ang bigong makamit ang minimum proficiency sa Reading at Mathematics.

If ranked according to the percentage performing at the Sustainable Development Goal indicator by country, the Philipppines is the second-worst performer with 10 percent, following Lao People’s Democratic Republic with only two percent,” diin pa ni Angara.

Binigyang-diin din ng senador ang mga rekomendasyon sa pag-aaral na kinabibilangan ng pagbibigay prayoridad sa early learning, pagtiyak sa on-time enrolment sa lahat ng estudyante at pagpapatupad ng progressive learning standards sa basic education curriculum.

Sa totoo lang, kung ikukumpara sa mga nakalipas na panahon, sa kabila ng mga pagbabagong ipinatutupad sa sektor ng edukasyon, tila nagiging paatras ang takbo ng kalidad ng mga graduates.

Sa ating nakikita, mukhang dapat ding pagtuunan ng pansin ang patuloy na edukasyon at pagsasanay sa ating mga guro bukod pa sa pagbibigay din ng prayoridad sa kanila para sa mga benepisyong dapat din naman nilang matamasa.

Kung nagbibigay ang gobyerno ng scholarship sa mga estudyante, dapat din sigurong igawad ito sa mga gurong nais ding magpatuloy pa ng kanilang pag-aaral at pagsasanay at hindi na sa sarili pa nilang bulsa kinukuha ang panggastos.

Kung nadoble natin ang sahod ng mga pulis at militar, karapat-dapat din namang bigyan ng umento sa sahod at maging sa allowances ang ating mga guro dahil sila ang matiyagang umaalalay sa bawat isa upang magkaroon ng magandang kinabukasan.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large