Mabuhay ang bayanihan!

January 21, 2020

KAHANGA-HANGA ang ipinamalas ng mga Pilipino sa pagtutulungan sa gitna ng hamon ng Taal  volcano eruption.  Nakakatindig balahibo ang pagdagsa ng tulong ng taumbayan para sa mga Batangueno at iba pang biktima ng pag-aburoto ng bulkan.

Ito ay patunay na nananaig pa rin ang pagmamahal natin sa ating mga kababayan lalo na sa oras ng pangangailangan.  

Mabuhay ang bayanihan.  Mabuhay ang  mga Pilipino.

**

Ngayon pa lang ay dapat na nating paghandaan ang sinasabing violent eruption ng Taal kung saan mas higit na bilang ng ating mga mamamayan  ang  masasalanta.

Kung magaganap ang mas matinding pagsabog ng bulkan, nakasisiguro tayo na mas maraming evacuation center ang kakailanganin.  Higit na mas maraming pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan ang dapat paghandaan.

Maraming leksiyon ang idinulot ng pag-alburoto ng Taal volcano. Nariyan ang kakulangan sa koordinasyon at trapik. Nadiskubre rin natin na mahalaga ang epektibong komunikasyon.

Makakatulong ang pagpapalabas ng mga ‘updated’ na impormasyon ukol sa mga hakbang na dapat gawin ng mga mamamayan sakaling matuloy ang violent eruption.

**

Dapat ipamalas ng mga otoridad na alam at kaya nilang gawin ang mga hakbang para sa kaligtasan upang makuha nila ang tiwala ng taumbayan.

Kailangan ang mga eksperto at mga maaasahang lider upang  gabayan ang mga mamamayan.

Hangga’t maaari, iwasan ang pagkakaiba-iba ng mga opisyal na pahayag mula sa mga otoridad upang hindi magkaroon ng kalituhan o kaguluhan.

Mahalaga ang iisa at tamang direksiyon.

**

Tulad ng ating sinabi, posibleng lumobo ang bilang ng evacuees at magkulang ng evacuation center sa Batangas at Cavite kapag maganap ang kinakatakutang pagsabog ng bulkan.

Dahil dito, kinakailangang ikunsidera ng mga syudad sa Metro Manila ang paglalaan ng mga evacuation center na kukupkop pansamantala sa mga dagdag na biktima.

Hindi malayo na maganap ito dahil ngayon pa lang ay siksikan na sa mga evacuation center ng Batangas at Tagaytay.

**

Para naman sa mga nais tumulong, piliin ang pinakamainam na paraan sa paghahatid ng ayuda sa mga biktima.

Iwasan ang personal na paghahatid ng mga pagkain at iba pang mga bagay para sa mga biktima kung may mga maaasahan naman na mga relief goods centers.

Ang ganitong istilo ay makakabawas ng trapik sa mga kalsada patungo sa mga evacuation center.

**

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com.