Mabuhay ang DPWH at DOTR!

KAPANSIN-PANSIN na mas bumibilis ang mga infra projects ng gobyerno habang pumapasok ang Duterte administration sa kanilang ika-apat na taon.

Iyong binabanggit ni Pangulong Duterte sa “5 minutes” na lang ang travel time from Cubao to Makati ay posibleng may kinalaman sa projection nila na magbubukas ang Skyway Nlex-Slex connector.

Kapag magagamit na ang connector, puwede ka nang dumaan sa Balintawak-Nlex tapos ang labas mo na ay sa Quirino Avenue, Paco at Makati kung hindi pa tapos ang karugtong hanggang Alabang. Balikan ay puwedeng ganoon ang maging ruta ng mga ayaw nang dumaan sa Edsa.

Tiyak na bababa ng 30 to 40% ang vehicle volume ng mga daraan sa Edsa kapag puwede nang gamitin ang mga connector na ito. Ang MRT 7 ay nasa fast-phase construction na rin na magmumula naman sa Trinoma-Edsa hanggang sa San Jose Del Monte, Bulacan.  

Konektado ang MRT 7 sa existing na MRT 3 na mula sa North Ave. hanggang Taft Ave.         Konektado rin ang MRT 7 sa LRT 1 na mula naman sa Roosevelt, QC hanggang sa Baclaran.

Hindi muna natin isasama ang subway system na nakalinya na rin dahil tatlo hanggang apat na taon pa ito bago magkapigura.

Bigyan natin ng kredito sina Public Works Secretary Mark Villar at DOTr Secretary Art Tugade dahil sila ang punong-abala sa Build Build Build projects.

Parehong hindi mahilig sa propaganda ang dalawang kalihim na ito pero tingnan nyo naman ang malaking development sa ating infra projects at  sa mga tranport system.

Kahit anong ingay ng pulitika at matinding banat ng ibang sektor sa Pangulong Duterte, hindi nakikisali sila Sec. Art at Sec. Mark. Ganoon sana ang maging sistema ng gobyerno, tuloy lang ang mga proyekto at business as usual kahit may mga nanggugulo!

Mabuhay ang DOTr at DPWH!

***

Inuulit natin, mas malaki ang isyu ng magandang relasyon ng China at ng Pilipinas kaysa sa banggaan ng dalawang fishing vessels sa karagatan.

Iyong mga sumasakay at pilit na ginagawang international conflict ang banggaan ng mga mangingisda ay dapat maghunos-dili.

Ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng buong bansa ay hindi matatawag na makabanyaga.  

Kailan pa naging kataksilan sa bayan ang pagbalanse sa mga isyu na ang katapusan ay iniingatan mong magsabong ang dalawang bansa dahil lamang sa isyung puwede namang ayusin?
Ang problema sa iba nating mga kababayan, mas mabilis ang bibig kaysa sa kanilang mga isip.

Kunsabagay, ganoon naman talaga, iyong mga miron ang palaging feeling magaling at palaging bida pero tanungin mo ng tamang solusyon sa problema, walang masasagot kung hindi marahas na aksiyon.

Ano man ang problema, lalo na kapag nakataya ang buong bansa, kailangan ang diplomasiya.
allanpunglo@gmail.com