Home>Editorial>Opinion>Mabuti naman at “nahimasmasan”

Mabuti naman at “nahimasmasan”

NOONG Lunes, marami sa mga Pinoy ang mistulang “nagimbal” sa ulat ng Department of Health na nakapagtala ng 8,019 kaso ng ‘COVID-19 infection’ sa loob lang ng isang araw ang Pinas.

At bakit naman hindi, samantalang marami na ang “tumaas ang balahibo” noong Sabado sa ulat na “pumalo” sa 7,999 ang kaso ng COVID sa nasabing araw, aber?

Marami ang naguguluhan at nagtataka dahil nga ang pagsirit ng impeksyon ay sa kabila nang katotohanan na tumaas ang bilang saktong isang taon matapos unang dumating ang sakit sa bansa at kung saan talagang dumanas tayong lahat ng matinding pagdurusa dahil sa ipinatupad na ‘nationwide lockdown.’

Kumbaga, wala bang nakuhang aral at dagdag na “talino” ang gobyerno upang epektibong malabanan ang pesteng ito pagkaraan ng isang taon? Marahil nga ay wala dahil kung meron, paano nangyaring tumaas pa ang bilang ng nagkakasakit ngayon kumpara noon?

At naging masahol pa ang ating problema dahil sa nakikitang katigasan ng ulo at kahambugan (masyadong ‘self-righteous,’ ayon pa nga kay SP Tito Soto) ng ilang mga opisyales ng DOH/FDA at siyempre d’yan sa IATF.

Ang tinutukoy natin ay ang katigasan ng ulo ng DOH/IATF na huwag payagang mag-import ng bakuna ang malalaking samahang sibiko, katulad ng FFCCCII at mga malalaking kumpanya, katulad ng Lucio Tan Group at SMC na makabili rin ng bukod na bakuna para sa kani-kanilang mga empleyado— ang kalahati ng kanilang aangkatin o ’50 percent’ ay ibibigay sa gobyerno— sa estupidong katwiran na ang mga ito ay gumagawa ng mga ‘sin products’ katulad ng alak at sigarilyo.

Aber, mabuti na lang at “nasilip” ni Sen. Imee Marcos, Senate chair ng Committee on Economic Affairs ang panukalang ito at agad na “inalmahan.”

Natawag din ang pansin ni SP Tito Soto sa “kabobohan” na ito at maging siya ay hindi nakapagtimpi at “binanatan” din ang nasabing panukala kay Pang. Duterte ng DOH/IATF.

Sa huli namang balita, lumalabas na “nahimasmasan” na ang DOH/IATF at sinasabing “payag” na sila pagbigyan ang iba pang grupo sa pribadong sektor na makapag-import ng bakuna.

Ang pagbabawal kasi sa mga ‘Binondo-based businessmen’ na mag-import ng bakuna ay pagpapakita rin ng ‘racial bias’ ng ilang mga opisyal natin sa gobyerno at pagpapakita na sila ang mga “Bosing” at hindi mga lingkod-bayan.

Bakit kanyo? Kung matandaan kasi, tanging ang mga ‘Makati-based business groups’ (read: mga Kastilaloy at mga elitista) sa pangunguna ni Joey Concepcion III ang unang nabigyan ng permiso na mag-angkat ng sarili nilang bakuna (AstraZeneca) batay sa tinatawag na ‘tripartite agreement.’

Kaya nga marami ang napikon at nagtaka sa unang postura ng DOH/IATF na nang maghain ng katulad na panukala ang ating mga ‘Fil-Chinese,’ eh, biglang-bigla, “bawal.

Dahil ba siguradong ‘Sinovac’ at iba pang China—made vaccines ang aangkatin? At mababawasan ang kikitain ng Big Pharma katulad ng AstraZeneca?

Aber, masyado namang nahahalata na kahit sa pagdating sa pagbibigay ng solusyon sa malaki nating problema sa COVID-19, lumalabas pa rin ang pagiging “muchacho” ng ilang opisyal ng ating gobyerno sa mga dayuhang “puti,” ganun ba ‘yun mga kabayan?

Kung totoo naman na umatras na nga ang DOH/IATF sa kanilang orihinal na posisyon, magandang balita talaga yan dahil napakalaking tulong sa ating lahat, tama ba, mga kabayan?

Mainam na yan kesa sa solusyong ‘DNA’ na sinasabi ng ilan sa ating gobyerno.

Ano ba yung ‘DNA,’ tanong ba ninyo, dear readers?

D-N-A,” as in, ‘Di Na Alam’ ang gagawin, ahahay!

Publication Source :    People's Tonight