Madlang pipol, pinasaya, pinabilib ng NTC

“NAPAKALAKI,” sa ganang atin, ang “ipinagbago” sa kalidad ng serbisyo nitong ‘National Telecommunication Commission (NTC), sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ang NTC ay isang ahensiya sa ilalim ng DOTC— Department of Transportation and Communication— bago “biniyak” ang departamento sa dalawa, ang DOTr (Department of Transportation) at DICT (Department of Information and Communications Technology) noon lang 2016.

Sa ngayon ang DOTr ay pinamumunuan ni Secretary Arthur Tugade, Secretary Gregorio ‘Gringo’ Honasan para sa DICT at Commissioner Gamaliel Córdoba para sa NTC na nasa ilalim naman ngayon ng DICT.

Bago pormal na isinumpa, err, nanumpa, si Sec. Gringo kay PDU30 kamakailan, masasabing naging mahusay naman ang “pagtitimon” sa DICT ni acting secretary, Eliseo M. Rio (na ngayon ay DICT undersecretary) at ni Cordoba para na rin sa interes ng mga Pinoy, partikular na sa serbisyong dapat maibigay sa atin ng mga Telcos (telecommunication companies).

At nito nga lang nakaraang linggo, muling “nagbunga” ang “pagpupuyat” ng DICT at NTC matapos na pangunahan ni Pang. Rody ang pagbibigay ng “prangkisa” bilang pangatlong Telco, sa Mindanao Islamic Telephone Company (Mislatel), na ngayon ay tatawagin na rin bilang ‘Dito Telecommunity Corporation  (DITC).

Bago ang pormal na seremonya sa Malakanyang, ipinaalala pa nga ni Cordoba na ang “pagpasok” ng Mislatel/DITC bilang ‘third telco’ ay isa sa mga “natupad” na ‘campaign promises’ ni PDU30 noong 2016 presidential election.

Inaasahan na dahil sa DITC, “matitibag” na ang ‘duopoly’ nitong Smart at Globe sa ating ‘telecom sector’ kung saan dekada na ang ginawang “pagtitiis” ng mga Pinoy sa kanilang pangit— subalit mahal— na serbisyo.

At dahil may prangkisa na, maaari nang simulan ng C/Mislatel ang paglalatag ng mga kable at pagtatayo ng kailangang imprastruktura upang agad maramdaman ng mga Pinoy sa kanilang araw-araw na pamumuhay ang epekto ng natupad na pangakong ito ni PDU30.

Ang “pangako” naman ng DITC, ay higit 7 porsiyento sa target na ‘national coverage’ at bilis na 27 Mbps (megabyte per second) sa unang taon ng kanilang operasyon (pagpasok ng 2020) at higit 84 porsiyento national coverage sa ikalimang taon ng kanilang operasyon.

Kung babalikan pa rin, dahil sa pagtutulungan nina Rio at Cordoba, naisabatas na ang ‘mobile number portability’ ‘law kung saan tinitiyak na “may forever” ang isang ‘mobile phone user sa kanyang SIM card number kahit magpalit pa siya ng mobile network o mag-postpaid mula prepaid o vice versa nang libre.

Nagawa ring “payukuin” ng NTC ang Smart at Globe nang tumigil na ang mga ito sa pagkontra at sang-ayunan na lang  ang implementasyon ng “common tower policy” na ipinanukala ng NTC.

Ang common tower policy ay makapagpapababa sa gastusin sa operasyon ng mga telco at makakarating na ang signal kahit sa mga liblib na lugar.

At dahil “haping-hapi” ang mga Pinoy sa gumagandang serbisyo ng mga Telco, magtataka pa ba kung bakit kahit araw-araw “binabaterya” at ginagawan ng eskandalo at mga isyu, patuloy na mataas ang ‘satisfaction rating’ ni Pang. Digong?

Hindi na siguro kailangan na ‘i-memorize’ yan, tama ba, NPC Director, Nats Taboy?