Home>Editorial>Opinion>Mag-ingat sa lease contract scam

Mag-ingat sa lease contract scam

AKTIBO pala ang mga sindikato ng paupa, lalo na sa mga negosyo saan mang panig ng bansa.

Kaya nga sa mga nagbabalak magnegosyo, kailangan n’yong maging maingat sa mga puwestong gusto n’yong upahan.

May mga modus na ang lessor ay hindi siya mismo ang may-ari ng property na kanyang ipapaupa sa lessee. Ang importanteng hanapin ng mga gustong umupa, bukod sa lease agreement, kailangan nyo ring makita ng titulo ng property.

Kailangan, kung sino ang nakapangalan sa titulo, dapat siya rin ng nakapirma sa lease contract.

Ang tanong, paano kung sub-lease lang na karaniwan namang nangyayari? Puwede naman yan pero kailangan mo pa ring hanapin ang land title plus iyong kontrata sa pagitan ng tunay na may ari at ng nagpapa-lease.

Kailangang stipulated o nakasaad sa original lease contract na puwedeng ipa-sublease sa 3rd party ang isang property na gusto nyong tayuan ng negosyo.

Sa Quezon City, nakausap natin ang hepe ng Business Permit and Licensing Office na si Margie Santos dahil may mga nabalitaan tayong scam na ginagawa ng mga nagpapaupa.

Kinumpirma ni Santos na may mga ganito talagang scam kaya nga dapat mag-ingat ang mga investors.

Ayon kay Santos, kailangan nilang ipasara ang isang negosyo kapag may nakita silang problema sa lease contract. Bagama’t tenant in good faith ang isang negosyante, maoobliga silang aksiyunan kapag mali ang tao na kanilang kakontrata.

Binanggit ni Santos na puwede namang tulungan ng BPLO ang nabiktima ng scam kaya nga may adjudication board ang kanyang opisina na nag-aayos ng ganitong mga problema.

Pinapayuhan umano nila ang negosyante na mag-file sa korte ng “interpleading motion” habang may isyu. Ibig sabihin, aapela ang biktima sa korte na habang hindi pa nareresolba ang isyu, payagan siyang ituloy ang negosyo at ang magiging renta ay naka-prenda lang sa hukuman. Tama rin naman dahil wala namang kinolaman sa scam ang tenant.

Kinumpirma ni Santos na may 100 cases silang ganito ang isyu kaya mas naging agresibo sila sa kampanya na manawagan sa mga gustong magnegosyo na maging maingat sa pagpasok sa lease agreement.

Natutuwa tayo sa BPLO ng QC under Margie dahil sa mahabang panahon, arena ng mga buwaya ang opisinang ito sa mga nakaraan. Pero ngayon, napaka-propesyunal at maayos ang sistema.

Isa tayo sa buhay na saksi kung gaano kabulok noon ang BPLO ng QC dahil bukod sa matagal akong taga-Quezon City, may mga first person account tayo. Tumutulong tayo noon bilang Public Relations ng Association of Club, Karaoke and Disco Organization noong mga dekada 90 pa.

Mismong mga negosyante ang nagrereklamo sa atin dahil palagi silang nabibiktima ng mga buwaya at anaconda sa city hall. Lahat ng klase ng perhuwisyo ay inabot ng mga negosyante noon kaya nga naitayo ang ACKDO para magkaroon ng puwersa laban sa ginagawa sa kanila ng mga tiwaling pulis at matatakaw sa city hall.

Ngayong panahon ni Margie, inalis niya ang mga “kotongero” at binawal niya ang mga un-official business inspection dahil dito nagsisimula ang panggigipit cum extortion.

Marami pang ginagawang pagbabago ang BPLO under Margie dahil mahigpit din ang direktiba ni Mayor Joy Belmonte na gawing business friendly ang lungsod, lalo na ngayong pandemya, kasama na ang online business application na mabubuksan sa pamamagitan ng qceservice.gov.ph.

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV