Home>Editorial>Opinion>May isyu rin kay Belgica tungkol sa Duty Free Philippines

May isyu rin kay Belgica tungkol sa Duty Free Philippines

KADUDA-DUDA ang biglang paglabasan sa pangalan ng ilang mambabatas na itinuturong sabit umano sa korapsyon sa Department of Public Works and Highway (DPWH) base na rin sa report ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Mismong ang Malakanyang na ang nagsabi, wala pang matibay na ebidensya laban sa mga mambabatas kaya hindi pa agad ito dapat paniwalaan.

Kabilang sa isinangkot sa kontrobersya ay sina ACT-CIS party list Rep. Eric Yap; Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman; Isabela 4th District Rep. Alyssa Tan; Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal; Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza; Occidental Mindoeo Rep. Josephine Sato; Quezon 4th District Rep. Angelina Helen Tan; Quezon City 5th District Rep. Alfredo Vargas at dating Ifugao Rep. Teodoro Baguilat Jr.

Ang problema sa pagkaladkad sa mga pangalang nabanggit ay hindi naman sinuportahan ng matibay na ebidensiya!

Pano ngayon maniniwala ang taumbayan?

Sa bigat ng paratang, natural lamang na maglabas ng malakas na ebidensiya laban sa kanila dahil kung wala, puwede nating sabihin na klasiko at panibagong halimbawa ito ng ‘kuwentong kutsero!’

Galing ang mga pangalan kay PACC Commissioner Greco Belgica, na siyang inatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte para imbestigahan ang korapsyon sa DPWH.

Lumaki tuloy ang hinala ng mga sumusubaybay sa isyung ito na tila gusto lamang matabunan ang lumamalaking isyu ukol sa kasong kinakaharap ngayon ni Belgica sa Ombudsman.

Dismayado kasi ang mga Duty Free Employees kung pano hinawakan ni Belgica ang isinumbong nilang anomalya laban sa pamumuan ng Duty Free Philippines Corporation.

Ang masaklap, nang mamahagi ng ‘relief goods’ bilang tulong umano ni Belgica sa ilang biktima ng kalamidad, karamihan sa mga ipinamigay nito ay mula mismo sa Duty Free Shops!

Kung pano nangyari ito, tanga na lang siguro ang hindi makakapagsabi na ‘’something is fishy’ sa pagitan ng DFPC at tanggapan ni Belgica – bagay na dapat ipaliwanag sa publiko ng opisyal!

Sa kabilang dako, mukhang nagtagumpay pa rin naman si Belgica dahil bigla tuloy natabunan ang isyu sa pagitan nila ng Duty Free Philippines na ang kinasangkapan ngayon ay pangalan ng ilang congressmen.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large