Magandang panukala ni Angara

November 24, 2018

DESIDIDO si  reelectionist Senator Sonny Angara sa panukala na ideklara ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) bilang “National Polytechnic University.”

Sa Senate Bill 2037, iginiit ni Angara na layunin ng panukala na palakasin ang PUP bilang institusyon at isa sa premier state universities.

“It is high time that we strengthen the PUP and officially designate it as the ‘National Polytechnic University,’ which will cater to educating and developing the country’s future industry leaders,” saad ni Angara.

Itinatag ang PUP noong 1904 na ngayon ay mayroon nang 20 campuses sa buong bansa. Aabot sa  70,000 estudyante ng PUP sa buong Pilipinas angv itinuturing na mga iskolar ng bayan.

Dekada 90 pa nang ituring na pinakamalaking state university ang PUP dahil sa dami ng bilang ng mga estudyanteng naka-enroll dito.

Ipinaalala ni Angara na bago pa man ang free higher education sa public colleges at universities, PUP na ang ikinukunsiderang state university na may pinakamababang matrikula subalit nagbibigay ng de kalidad na edukasyon.

Alinsunod sa panukala, titiyakin na mabibigyan ng sapat na kagamitan ang PUP para sa pagtupad nito sa kanyang mandato na magbigay ng technical at professional instruction at training sa mga estudyante sa arts and sciences.

“In doing so, the PUP will be able to propagate more widely the ideals for which its core values are based -- social justice, peace, freedom, academic excellence, ethical and moral standards, cultural identity, and respect for diversity, civil society engagement, and passion for learning,” giit ni Angara.

“The PUP has stood out, being among the first in the country to emphasize hands-on, skills-based education that respond to market demands and societal needs,” dagdag pa nito.

Sa sandali anyang maaprubahan ang Revised PUP Charter, magkakaroon ng fiscal at institutional autonomy ang National Polytechnic University.

Malaking bagay ang pagkakaroon ng sariling fiscal autonomy dahil hindi na mahihirapan pa ang pagproseso sa budget ng nasabing unibersidad.

Wala tayong eksaktong bilang kung magkano ang kabuuang budget ng PUP, pero bilang dating mag-aaral sa nasabing unibersidad, alam kong noon pa ay hirap na hirap ang buong PUP community kung paano tugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Mula sa classroom, pasilidad, hanggang sa suweldo ng mga kawani at propesor ng PUP -- pati na rin ang mga karagdagang puwersa sa akademya, dapat ay hindi ipagkait sa kanila ng pamahalaan ang mga ganitong uri ng pangangailangan.

Sinasaluduhan natin si Senador Sonny sa panukalang ito na dapat suportahan ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Bukod sa Unibersidad ng Pilipinas, masasabi nating matagal nang dapat ipagmalaki ang PUP bilang taga panday sa mga iskolar ng bayan na bagaman mula sa mahihirap na pamilya, walang sinumang puwedeng humamak sa kanilang katalinuhan at kasipagan.

Ang mga taga-PUP rin ang may hawak sa trono mula noon na kung tawagin ay Tunay, Palaban at Makabayan.