Maging hayop tinamaan na rin ng Covid-19?

March 09, 2020

Dinapuan na rin umano ang isang hayop ng covid-19 sa isang kalapit-bansa ng Pilipinas.

Nanggaling naman daw ang virus na ito sa isang paniki sa Wuhan China at nailipat sa tao ang sakit.

Kaya hindi imposible na mailipat din ng tao ang virus sa tao o mula sa hayop din ay nailipat na sa kapuwa hayop.

Kaya ang babala ngayon ay hindi lamang ang palagiang paghuhugas ng kamay at pagtatakip ng ilong at bibig tuwing umuubo at bumabahin kundi ang hindi paglapit sa mga hayop na may sakit.

Ngunit paano malalalaman kung may sakit ang hayop?

Makikita ba ito sa mga baboy na tinamaan ng African swine fever? Matamlay at lagi na lang nakahiga at wala nang ganang kumain ang mga baboy na may Asf. Sa pagkakaalam ko’y ganito rin ang sintomas ng may mga sakit na ibang hayop. Nanghihina ang mga ito.

Hindi malayong kapitan din ng Covid 19  ang mga baboy na may ASF9. Dahil ang may mahihinang resistensya daw ang kinakapitan ng Covid 19. Lalo na ang mga may sakit, tao man o hayop.

Naunang lumalala ang sakit na ASF sa baboy. Humabol ang Covid 19. Malala pa rin ang ASF, higit namang malala na ang Covid 19 sa buong mundo.

Marami nang inaasikaso ang bayan natin. Kung natapos na sana ang ASF, ang kahaharapin na lang sana ng administrasyon ngayon ay ang Covid 19. Ngunit hindi nakontrol ang ASF.

Hanggang ngayon ay laman pa rin ng balita ang ASF at kumakalat pa rin! Nakikipaglabanan sa balita sa radyo, dyaryo at telebisyon ang sakit ng baboy na ito sa Covid 19. Para bang may contest ang dalawang sakit na ito.

Ang kaibahan nga lang daw ay hindi raw naisasalin sa tao ang ASF. Ngunit paano malalaman kung wala ngang epekto ang virus ng baboy na ito sa tao? May ginawa na ba talagang malalimang pag-aaral sa bagay na ito?

Naisalin nga ng paniki ang sakit niya sa tao, ang sakit pa kaya ng baboy?

Puwede raw kainin ang baboy basta pakuluan lang daw mabuti.  Huwag daw kakain ng baboy na nagkasakit. Paano malalaman ito?

Sa ngayon matinding pag-iingat, kalinisan at pagdarasal ang kailangan sa buong mundo.

Maayos naman ang pamamahala sa ngayon ng Department of Health  (DOH) sa pangunguna nina Secretary Duque at mga kasama niyang opisyal tulad ni Assistant Secretary Maria Rosario “Rosette” Vergeire na kapuwa ko nakapanayam. Saludo ako sa inyo!

Sana’y tumigil na ang Covid 19 sa paglaganap at tuluyan na itong mawala. Tuliro na ang maraming bansa. Apektado na ang mga ekonomya ng ilan.

Malaking hamon ang pagtuklas agad ng gamot o bakuna sa virus na ito ngunit tila walang magawa ang “superpowers.” Tila nawala ang “powers” nila. Ang Tsina na pinagmulan mismo ng Covid 19 ay maituturing na isang “superpower” ngunit hindi magkandaugaga ngayon sa pag-aasikaso sa kanilang mga kababayan na tinamaan ng virus. Nakalimutan na kaya nila ang West Philippine Sea?

Para sa ating mga Pilipino, makinig lamang sa mga payo at tagubilin ng DOH dahil sila ang nakatutok sa Covid 19. Ang ibang mababasa sa social media ay maaaring hindi makatulong lalo na kung Pilipinas ang pinag-uusapan. May kani-kaniyang katangian ang bawat isang bansa.         (bangonkalikasan@yahoo.com)