Magkaalaman na!

MAGSUSUMITE ng resolusyon si Senador Panilo ‘Ping’ Lacson upang malaman kung sinu-sinong mga senador pa ang gustong manatili sa kanyang puwesto si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

“Nag-draft ako ng resolution. Para magkaalaman sa kasamahan namin sino ang alanganin. May draft akong resolution ginawa kong undated para ang mga baguhan na papasok kung pwede pumirma na rin sila. Of course draft resolution ito, pwede nila baguhin ito bago mag-July 22 o pagsapit ng opening ng 18th Congress. Pero at least man lang malaman namin ngayon sino sa inyo ang alanganin sa liderato ni SP Sotto,” ani Lacson.

Ang nasabing resolusyon ay ideya ni Senador Manny Pacquiao. Ito’y para mabatid kung may kumpiyansa pa ba ang majority block upang pamahalaan uli ni Sotto ang Mataas na Kapulungan ngayong papasok na 18th Congress.

Ani Lacson, hayagang sagot na rin ito hinggil sa hindi matigil-tigil na ‘tsismis’ na papalitan si Sotto bilang SP.

Naunang nagpahayag si Senator-elect Francis Tolentino na may bagong grupo na papasok sa Senado ngayon at sila umano ang tinatawag na mula sa Hugpong ng Pagbabago (HNP) – mga kandidatong nanalo at inendorso ni Davao City Mayor Sara Duterte noong nakalipas na senatorial mid-term elections.

Siyam lahat ang sinasabing HNP group ni Tolentino. Kasama niya sa grupong ito ang pareho niyang neophyte senators na sina Bong Go, Bato dela Rosa, Imee Marcos at mga nagbabalik na senador na sina Bong Revilla, Pia Cayetano, Cynthia Villar, Sonny Angara at Koko Pimentel.

Sa mga nabanggit, tatlo ang miyembro ng PDP Laban – sina Go, dela Rosa at Pimentel. Kabilang sa kanilang partido  ang ‘campaign manager’ na si Pacquiao.

Sina Marcos, Cayetano at Pia ay miyembro ng Nacionalista Party (NP), samantalang si Revilla ay miyembro ng Lakas-NUCD.

Si Senate Pro-Tempore (ikalawang mataas na puwesto sa Senado) Ralph Recto ay miyembro rin  ng NP, samantalang si Majority Leader Migz Zubiri ay miyembro naman ng Lakas-NUCD.

Si Angara ay mula sa Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP), bagaman ang grupo nito sa Senado ang tinatawag na ‘Seatmates,’ kasama sina Zubiri, Senators Joel Villanueva, Win Gatchalian, Dick Gordon at siyempre pati raw sina Villar at Senador Nancy Binay.

Sina Sotto at Lacson ay miyembro ng tinatawag na ‘macho bloc’ at kasama rin nila sa grupong ito sina Binay at Senadora Grace Poe, gayundin ang nagbabalik na si Senador Lito Lapid.

Sina Sotto, Lapid, Gatchalian ay pawang miyembro ng Nationalists People’s Coalition (NPC) at ‘adopted members’ sina Poe at Binay.

‘Numbers game’ ang labanan sa pagluklok ng SP. Kailangan magkaroon sila ng 13 (o higit pa) na bilang. At sa siyam na sinasabing HNP ni Tolentino ay hindi siya nakasisigurong ‘solid’ na magkakaroon ng desisyon para patalsikin si Sotto.

Magugunitang bago pa man ang ideya ni Pacquiao na magkaroon ng resolusyong pabor kay Tito Sen, nauna na ring nagsabi si Pimentel na hindi dapat magkaroon ng palitan sa liderato ng Mataas na Kapulungan dahil ‘supportive’ ito sa Duterte administration.

Mahalaga ang komposisyon sa mayorya sa Senado upang maisulong ang mga natitira pang legislative agenda ng Pangulong Duterte na tatlong taon na lang ang ilalagi sa Malakanyang.

Kilala natin ang paninindigan ni Pacquiao. Kung matatandaan, noong 2016 presidential elections, hindi nito iniwan ang natalong presidential candidate na si Vice-President Jejomar Binay, bagaman nagpahayag na sinusuportahan din niya si Duterte na huli na bago nagdesisyong tatakbo sa pagkapangulo ng bansa.

Ang minority block na binubuo nina Minority Leader Franklin Drilon, Senators Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros at ang nakakulong na si Senador Leila de Lima ay masasabing nakakiling din kay Sotto.

Isa sa naging ‘adviser’ nina Sotto at Lacson sa pagbaril sa P79 billion na gusto sanang ‘palusutin’ ng Mababang Kapulungan para sa 2019 national budget ay si Drilon na isang ‘bar topnotcher’ tulad ni Pimentel.

At kung relasyon ang pag-uusapan, siguradong mas may naitanim na relasyon si Sotto kina Drilon kumpara sa papasok na senador na si Tolentino. Bukod pa sa katotohanang ang Liberal Party ni Drilon ay hinding-hindi aanib sa puwersa ng administrasyon.

Ang pahayag ni Tolentino tungkol sa pagpapaalis kay Sotto bilang SP ay nasundan pa nang sabihin naman ni Marcos na si Villar ang ‘naririnig’ umano niyang maaaring maging Senate President.

Wala pang babaing naging SP kaya sakaling mangyari ito, magandang pagkakataon ito para kay Villar na mag-ukit sa kasaysayan ng Senado.

Isinusulat ko ito’y wala pang malinaw na tugon si Villar, samantalang lahat ng mga nakapuwestong senador ngayon ay hayagan ang ibinibigay nilang suporta kay Sotto.

Sa ganang akin, magandang hakbang ang ginawa ni Lacson.

Sakali kasing pormal na magbukas ang 18th Congress sa umaga ng Hulyo 22 – ilang oras ang... inaabangan namang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) – magkakaalaman kung sino talaga sa kanila ang para kay Sotto o para kay Villar.

Mahirap ding balewalain ang banta nina Tolentino at Marcos dahil noong nagdaang SONA, si Inday Sara ang itinuturong arkitekto kaya naman natanggal sa pagiging Speaker of the House si Davao Rep. Pantaleon Alvarez.

Sa kabilang dako, mabuting hakbang na rin ang ginawa ni Lacson para naman ipamukha sa mga bagitong senador na dapat ay marunong silang rumespeto sa mga ‘nakatatanda’ sa kanila sa Senado.

Ngayon lang kasi tayo nakakita na hindi pa man nauupo sa Senado ay ang lakas nang mambarako sa mga beterano sa Mataas na Kapulungan!