Home>Editorial>Opinion>Magpapabakuna ba ako?

Magpapabakuna ba ako?

HINDI ko na natatandaan kung ano iyong ibinakuna sa akin ng amin tiyuhin noong kami’y mga musmos pa sa 6th Avenue sa Caloocan City.

Basta ang tanda ko, kumati ang balikat ko na pinagturukan ng karayum. May peklat pa nga hanggang ngayon. Noong medyo nakakaisip na ako saka ko lang nalaman na pang-laban pala iyon sa tigdas. May mga itinurok pa sa puwet ko na bakuna rin daw iyon.

Dahil nga musmos ka pa, wala ka namang magagawa kapag sinabi ng nanay mo na kailangan kang turukan. Hindi naman ako takot sa karayum noon, sa tigas ng balat ko, parang wala naman akong nararamdaman sa tuwing may iineksiyon sa akin. Parang kagat lang naman daw ng bungal naming kapitbahay ang dating sa akin.

Pagkatapos ng limang dekada, heto na naman, bumalik na naman tayo sa usapan ng karayum. Pero kakaiba na ito, hindi na ito bakuna laban sa tigdas, laban sa TB o panlaban sa anumang umaaligid na sakit. Bakuna na ito laban kay kamatayan.

Ngayong pandemic, may mga nakaisa o nakagulang na, may mga “top seed” o naturukan na ng anti-COVID dahil sa espesyal nilang posisyon sa gobyerno o sa pribado man na may inilaan ding pondo mula sa kanilang sarili o sa kanilang kompanya.

Sa tuwing may kuwentuhan tungkol sa pandemic, palaging pumapasok sa usapan ang iba’t ibang vaccine na paparating. May mga nagsasabi kung ano ba sa tingin nila ang mabisa.

Pero ang palaging nawawala sa kuwentuhan, iyong bigla kang tatanungin, kapag dumating na ang bakuna, magpapaturok ka ba? Tanong ito sa akin ng mga taong nakakausap ko kahit saan, mula sa loob ng bahay, sa mga kapehan or kahit pa sa mga kuwentuhan lang.

Ang motherhood answer ko, hindi ko na kailangang magpabakuna kung bakunado na kayong lahat. Meaning, kung lahat ng tao ay may bakuna na, sino pa ang makakahawa sa akin?

Hindi ako makapagbigay ng kategorikal na sagot sa tanong kung magpapabakuna ba ako kasi nga unang-una, wala pa namang “official vaccine” na dumarating at wala pa ring sinasabi ang gobyerno kung ano ang specific na gagamitin sa atin.

Bagama’t may mga nabakunahan na sa pamamagitan ng “black market” na daang libong piso ang halaga, hindi pa rin naman ito maituturing na may official government approval.

Sa mga natsismis na pulitiko at sundalo na nabakunahan, wala pa naman tayong nababalitaang nagkaroon ng malubhang side effect ang bakuna. Maliban sa Norway na may namatay na 33 senior citizens matapos mabakunahan, wala pa namang massive report na nagkaroon din ng ganitong kaso sa mga bansang nauna nang nagbakuna ng kanilang mga mamamayan.

Ang kapatid at hipag ko na frontliners sa Virginia, USA ay naturukan na ng tig-dalawang dosage ng Moderna vaccine nitong January at February. Okey naman sila.

Babalik ulit tayo sa original na tanong sa akin, magpapabakuna ba ako? Sa ngayon, wala pa akong desisyon. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV