‘Magsampol’ ka kasi, Comm. Jagger

February 13, 2020

BAGO ang lahat, binabati natin ang Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCII), sa pangunguna ni Pres. Henry Lim Bon Liong, sa kanilang aktibong kampanya, una, upang “linawin” ang mga isyu hinggil sa ‘nCoV’ (novel corona virus) at ikalawa, ang kanilang pagtulong upang maiwasan ang paglaganap ng nasabing karamdaman.

Kahapon pa nga ay “nagpang-abot” pa kami ni Pres. Henry, kasama ang iba pang opisyales ng FFCCII, sa bakuran ng Bureau of Customs (BoC), kung saan ‘nag-donate’ pala sila ng may 8,000 piraso ng mga ‘face mask.’

Isa rin kasi sa programa ni Comm. Jagger Guerrero ay ang ilang “pagbabago” sa ‘boarding procedure’ ng BoC bilang ‘preventive measure’ upang maiwasan naman na mahawa sa nCoV (na tinawag na ngayon bilang, ‘Covid-19), na posibleng dala ng mga “tripulante” mula sa mga barko na dumadaong sa ating mga pantalan.

Kumbaga, malaking tulong ang donasyon na ito ng FFCCII sa BoC at pagpapakita rin ng kanilang matibay na suporta sa liderato ni Comm. Jagger. Kaya nga, wala na tayong masasabi kundi…”Mabuhay ka, Pang. Henry! Mabuhay ang FFCCII!” Ayos ba, kasamang Wilson Lee Flores, hehehe!

At nabanggit na rin lang itong ‘nCoV, dear readers,  ngayong araw na ito ng mga “puso” (Valentine’s Day), marami pala sa ating mga kababayan, DoH secretary, Francisco Duque, ang “nagpapakita” ng mga “sintomas” ng nCoV— pananakit ng ulo, pagsisikip ng dibdib, pagiging “balisa,” nahihirapan matulog, etc., etc., dahil nga dito sa nCoV— ‘no cash on valentines,’ ahahay!

***

Subalit, sa seryosong usapan, ano na kaya ang nangyari sa kampanya nitong ating kaibigan na si  Parañaque mayor, Edwin Olivares, hinggil sa isyu ng nCoV/Covid-19, partikular na d’yan sa Multi-National Village?

Nabalitaan kasi natin na bilang isang mapagmalasakit na “ama ng lungsod,” nagpatawag kamakailan ng pulong si Mayor Edwin, partikular na sa mga residente at lider ng MNV kung saan ‘andami na palang mga “residente” mula sa China, na ang karamihan ay mga empleyado sa mga ‘POGOs’ (Philippine Offshore Gaming Operators).

Harinawang seryosong ipatupad ng mga lider ng MNV ang ano mang napagkasunduan nila ng city hall hinggil sa mga ‘preventive measures’ na dapat nilang ipatupad sa kanilang mga komunidad upang maiwasan ang paglaganap ng naturang karamdaman.

Dangan kasi, isang kaibigan natin na residente sa MNV ang nagsabi sa atin na “halos araw-araw,” may dumarating na ambulansiya sa kanilang lugar upang dalhin sa pagamutan ang mga ‘Chinese nationals’ na ang hinala nila ay “tinamaan” ng nCoV, sanamagan!

Mistula rin aniyang walang pakialam sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang komunidad ang ilan niyang mga kapitbahay dahil patuloy pa rin ang konstruksyon ng mga gusali at bahay para sa mga ‘Chinese POGO workers,’ agh!

Kumbaga, palaging ‘China’ ang ating “sinisisi” sa pagkalat ng nCoV pero ang ilan naman sa ating mga  

walang pakialam dahil ang “habol” lang nila ay kung paano kumita ng salapi, talaga rin naman!
    Marahil, dapat nang “boldyakin” ni Mayor Edwin ang ilan niyang mga kababayan sa lungsod na sobrang matitigas ang ulo at pangsariling interes lang ang nasa isipan.

Abangan!

***

Binabasa ninyo ito mga kabayan, tuloy-tuloy naman ang isinasagawang ‘inventory’ ng mga tauhan ni BoC-IG deputy commissioner, Raniel Ramiro, sa isang “bodega” sa Malabon kung saan aabot sa higit P20 milyon ang halaga ng mga “nakalusot” (na naman) na mga produkto galing sa China.

Sa nalaman natin, aabot sa 16 na ‘container vans’ (14X40 at 2X20) ang mga “nahabol” (mabuti naman at inabutan pa ng IG, hehehe) na kargamento kung saan ilan sa mga ‘smuggled goods’ ay sako-sakong bigas mula sa Chinese mainland.

At huwag ka nang “magtangka,” alias ‘Boy George’ na “aregluhin” ang iyong kargamento na umano’y galing sa BoC auction— pero ang mga container vans, may customs seal pa, hehehe— dahil “putok” na sa buong pantalan ang ginawa mong katarantaduhan na ‘yan.

Natitiyak din natin na marami ngayong opisyales at operatiba d’yan sa teritoryo ni MICP district collector, Atty. Jay Francia, dahil sa “pagkatimbog” ng kargamentong ito.

Nasisiguro kasi natin na bukod sa imbentaryo, mayroong mangyayaring imbestigasyon kung “sino” na naman sa hanay ng BoC ang talagang matitigas ang ulo na wala nang inatupag kundi “suwayin” si Comm. Jagger sa kanyang direktiba na ‘stop’ na dapat sa mga gawaing iligal at kriminal.

Kaya nga, sige, Comm. Jagger, “magpagulong” ka ng “ulo,” hane. Dapat talaga kasi palaging may “nasasampolan,” para maintidihan ng mga nasa Aduana na “seryoso” kang talaga sa iyong kampanya laban sa korapsyon at katiwalian.

Abangan!