Magtiwala pa rin sa mga pulis

November 21, 2018

WALANG anumang portrayal ng pulis sa telebisyon o sa entablado ang makakakumbinsi sa sinuman kung ito ay hindi nangyayari sa totoong buhay.

Kung mayroon mang dapat pagkaabalahan ang PNP at DILG, iyon ay ang mismong pagsasaayos ng kultura ng ating mga pulis. Kailangang aminin natin na marami talagang tulisang pulis na hinahatak sa putikan ang kanilang mga uniporme.

Walang pinipiling ranggo ang pagiging sanggano ng ibang pulis, magmula sa PO1 hanggang sa highest rank ay naroon ang katotohanang may mga salbahe sa kanilang mga hanay.

Hindi naman ito exclusive sa PNP dahil sa lahat halos ng propesyon ay mayroon talagang uusbong na walanghiya.

Ang mabigat lang kasi, mas madaling maramdaman kapag ang pulis ang naging pusakal. Una, may lisensiya silang humawak ng baril, mayroon silang tsapa at may mandato sila ng Saligang Batas na pumatay kung kailangan.

May mga harmless criminals sa ibang propesyon tulad ng mga pari. Kapag naging walanghiya ang pari, ang posibleng magiging kasalanan nito ay hindi katulad ng magnitude na kayang gawin ng armadong pulis.

Kaya nga kapansin-pansin na maraming P01 ang kailan lang ay nadakip sa kidnapping, robbery extortion, carnapping at illegal drugs. Mayroon din namang mga ranking officers ang sangkot din sa mga ganitong krimen. Masyadong malaking danyos ang kayang gawin ng pulis kapag naging kriminal siya. Sa 180,000 PNP members, kahit 10%, 5% or 1% lang sa kanila ang maging kriminal, makakalikha na ito ng malaking pinsala sa komunidad.

Alam nating lahat na mas marami pa rin ang matinong pulis kaya nga dapat din silang saluduhan. Ang katotohanan dito, silang mga pulis din ang umaaresto sa kapwa nila pulis na naging kriminal. Iyon nga ang dapat bumalanse para huwag tayong maniwalang sira ang buong PNP kung halimbawang ito ang ipinapakita sa mga teleserye o sa mga pelikula.

Hindi madaling kontrolin ang 180K na parak dahil iba-iba ang ugali ng mga yan at kung saan-saang dugo sila nagmula. Ang common denominators talaga dapat nila ay ang Diyos at ang Philippine flag. Kung ang bawat pulis ay totoong magmamahal sa bayan at may Diyos na kinatatakutan, walang dahilan para sila’y maligaw ng landas.

Sa bandang huli, kailangan pa rin nating pagkatiwalaan ang ating PNP dahil huwag nating kalilimutan, habang karamihan sa atin ay natutulog, ang mga pulis natin ay gising na nagbabantay sa ating kaligtasan.

allanpunglo@gmail.com