Mahal ba natin si Pacquiao?

BAGAMAT natalo ni peoples champ Manny Pacquiao si Keith Thurman sa kanilang boxing match sa Las Vegas kamakailan, may mga obserbasyon na iba na ang pakikipaglaban ng ating bayani ngayon.

Matapos ang ilang dekadang pakikipagbakbakan at pagpapatumba ng kanyang mga kalaban, kapansin-pansin ang atake ng hingal kay Manny na dahilan kung bakit hindi niya mabitawan ang kanyang knockout punch sa laban nila ni Thurman.

Pero isa pa rin ako sa milyun-milyong Pilipino na tumalon sa saya matapos ang kanyang pinakahuling tagumpay sa larangan ng boksing. Muli, salamat Manny at pinalugod mo ang puso ng mga Pilipino partikular ang mga mahihirap.

Sa dami ng suliranin ng bawat Pilipino, muli silang nakahanap ng dahilan upang guminhawa ang kalooban at magtiwala sa kanilang mga sarili. Ganito naman ang nararamdaman ng ating mga kababayan sa tuwing nananalo si Manny sa laban.

Kaya hindi nakakapagtaka kung bakit marami sa atin ang gustong nakikita si Manny na nakikipagtunggali sa mga banyagang boksingero. Sumasakay tayo sa kanyang mga tagumpay. Ang tagumpay ni Manny ay tagumpay ng bawat Pilipino at buong bayan.

Buti na lang hindi madamot si Manny dahil lagi niyang inaalay ang kanyang laban sa kanyang mga kababayan. Sa kanyang laban kay Thurman, muling sinabi ni Manny sa buong mundo na ginagawa niya ang pagboboksing para sa mga Pilipino. Ang paliwanag ni Manny ay bunsod na rin ng mga katanungan ng marami na bakit sa kabila ng kanyang edad na 40 at estado sa buhay ay ginugusto niya pa rin magboksing kung saan siya ay nalalagay sa peligro.

Oo nga naman. Kung ako kay Manny na isa nang senador at nakapag-ipon na ng maraming salapi mula sa panalo sa pagboboksing, hindi ko na isusugal ang aking katawan sa edad 40 sa larong nakakasakit ng katawan. Kayo, magagawa n’yo ba ang ginagawa ni Manny?

Sa aking palagay, pinagpapatuloy ni Manny ang pagboboksing kahit hindi na siya bata dahil marami pa rin sa ating mga Pilipino ang humihiling ng kanyang panalo. Hangga’t hindi tayo tumitigil sa pag-uudyok kay Manny na lumaban ay hindi siya hihinto sa boksing. Tulad nga ng sabi ko, ito ay dahil may ginintuang puso si Manny at mahal niya ang mga Pilipino.

Ang tanong, mahal ba nating mga Pilipino si Manny? Mahal ba natin si Manny dahil nananalo siya sa kanyang mga laban sa boksing? Dahil ang kanyang tagumpay ay tagumpay din natin? Eh pa’no kung natalo si Manny kay Thurman? Mamahalin pa rin ba natin siya?

Nanalo si Manny kay Thurman sa pamamagitan ng isang split decision. Isa sa tatlong hurado ay naniwalang talo si Manny kay Thurman. At ang nagpanalo kay Manny ay ang pagkaka-knockdown niya kay Thurman sa first round. Hindi na niya muling napatumba si Thurman sa mga sumunod na round.

Lamang si Thurman sa puntos. Ibig sabihin, mas maraming suntok si Thurman na lumagpak kay Manny. Kaya nga kung hindi niya napatumba si Thurman sa unang round ay malamang na natalo ang ating bayani sa laban.

Hindi ganito ang mga laban ni Manny nuong kabataan at kalakasan niya. Ang mga pagbabago sa kilos ni Manny sa kanyang huling laban ay mga senyales na siya ay nagkakaedad na. Ibig sabihin, nababawasan ang kanyang bilis at lakas.

Sa kabila nito, puntirya ni Manny na labanan si Errol Spencer o Shawn Porter, depende kung sino sa dalawa ang mananalo sa napipintong laban nila. Habol pa rin ni Manny ang rematch kay Floyd Mayweather.

Sa ganang akin, sobra-sobra na ang saya at serbisyo na ibinigay ni Manny para sa bayan. Panahon na para tayo naman ang magmahal kay Manny. Tingnan naman natin ang kapakanan ni Manny bago natin siya muling isabak sa labanan.

Ating tandaan, kung hindi tayo titigil sa pag-udyok kay Manny na lumaban, tuloy ang kanyang pakikipagsapalaran sa ring.

**

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com