Mahal pa rin ng taumbayan si Digong kaya nanalo ang mga inendorso sa Senado!

UMPISA pa lang ng kampanya para sa midterm elections, marami na ang nagsasabing ‘referendum’ ito para kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sakaling manalo ang mga sinusuportahan nitong kandidato, sa Presidente ang repleksiyon nito.

Tunay ngang nagsalita ang taumbayan dahil wala kahit isa sa oposisyon o Kampon ng Kadiliwan ang nanalo sa pagka-senador sa nakalipas na eleksiyon.

Mula kay Senador Cynthia Villar hanggang kay dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., mistulang namasaker ang ipinagmamalaking Otso Diretso ng Liberal Party.

Nagkatotoo ang kantyaw sa mga kritiko ng Dilawan dahil kundi man sa basurahan, sa inidoro dumiretso ang pangalan ng kanilang kandidato.

Nang medyo bumaba ang popularity ratings ni Digong noong third quarter ng taong 2017 hanggang 2nd quarter ng taong 2018 (mula +70 ay umabot sa +45), nagpahayag agad ang kanyang mga kritiko na ito na raw ang umpisa ng pagbagsak sa popularidad ng ating Pangulo.

Sabihin pa nating sa 3rd quarter ng taong 2017 hanggang buong 2018 ay sunud-sunod na prolema ang sumubok sa bansa. Kasama na rito ang walang humpay na pag-akyat sa presyo ng petrolyo, mataas na inflation rate at walang humpay na pagtaas sa presyo ng bilihin.

Taong 2018 ay humina ang halaga ng piso, labas pa ang ipinatupad na excise tax na lalong nagpabansot sa ekonomiya ng bansa at lalo ring bumutas sa bulsa ng mamamayang Pilipino.

Nandiyan din ang kalamidad at bagyo na lumumpo sa kabuhayan ng ilan nating kababayan at dumagdag pa ang krisis sa tubig at bigas.

Sabi ng ilang political analysts at ilang ekonomista, marahil ay ito rin ang dahilan kung bakit unti-unting bumaba ang ratings ng Pangulo noong March 2018. At aminin o hindi ng Malakanyang, nakaapekto rin sa popularidad ng Pangulo ang sinabi nito noon na ‘God is stupid.’

Samantalang ang pagtaboy sa mga kababayan nating mangingisda sa Scarborough Shoal ng bansang China at pagdami rin ng bilang ng mga manggagawang Chinese sa Pilipinas ay sinasabing isa pa sa implikasyon kung bakit naapektuhan ng bahagya ang ratings ni Digong.

Sa gitna ng lahat ng nagaganap na negatibo noong 2018, bigla na lang naawat ang pagbagsak ng popularidad ni Presidente Duterte sa 3rd quarter ng taong iyon. Muling umakyat ito mula sa +45% hanggang +54%. At mula noon hanggang ngayong 1st quarter ng 2019, patuloy ang pagtaas ng popularidad ng Pangulo na isang buhay na halimbawa ay ang pagkapanalo ng kanyang manok sa nagdaang halalan.

Ibig sabihin, anumang batikos ng oposisyon hinggil sa tinatamasang krisis ng ating bansa, hindi ito nagbunga sa ating mga kababayan.

Kahit anong gawing pagpaypay ng kanyang mga kritiko para mapag-alab ang galit ng mamamayan dahil sa sinasabi nilang kahirapan, mistulang balewala ito sa ating mga kababayan.

Ang tingin ko rito, noon pa ramdam na ng ating mga kababayan ang kahirapan dahil wala pa man ang Duterte administration, ang hapag kainan ni Juan dela Cruz ay tuyot na noon pa man.

Matagal nang kumakalam ang sikmura ng ating mga kababayan kaya matagal na rin silang naghahanap ng tunay na pagbabago.

Sa ipinapakitang ‘political will’ ni Digong para labanan ang malalang korapsiyon sa pamahalaan,  isa rin ito sa mga dahilan para manatili ang tiwala ng mamamayang Pilipino kay Pangulong Duterte. Patunay ang patuloy na pagsibak ni Duterte sa mga kurakot na opisyales ng pamahalaan.

Higit pang nakadagdag sa mataas na popularity ratings ni Digong ay ang kahit papaanong matagumpay na kampanya laban sa droga at kriminalidad.

Maia-atribute natin ito sa kagalingan at kadakilaang trabaho nina Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde, gayundin si National Capital Region Police Office (NCRPO) commander Maj. Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

Walang pagod ang kanilang trabaho para masupil ang mga drug pusher, drug user at kriminal sa ating bansa.

Sa Metro Manila na siyang ‘pinakamukha’ ng bansa sa usapin ng kriminalidad, matagumpay ang ginagawang pagbabantay ni Gen. Eleazar upang masupil ang masasamang tao ng lipunan.

Kahit anong mahahalagang pangyayari ang nagaganap sa bansa, hindi pa nakakaiskor ng malaki ang mga bandidong terorista, samantalang 24-7 din ang ginagawang raid sa mga kuta ng durugista sa buong kalakhan.

Kasabay pa rito ang ‘internal cleansing’ na ginagawa ng ating kapulisan laban sa mga scalawag at abusadong pulis.

Sigurado ako, kahit ang mga taga-Palasyo mismo ay aamin na malaking tulong sa ipinatutupad na ‘Change is happening’ ng Duterte administration ang kagalingan ng ating kapulisan.

At  isa ring malaking ambag ito kaya ang mga inendorso ng administrasyon ay nanalo nitong nakalipas na eleksiyon.