Mahalaga ang Buhay Eskwela sa Edukasyon

TINUTURO ng PISA 2018   na napakahalaga ng buhay eskwela sa pag-aaral  ng isang estudyante at kailangan kumilos  ang  pamahalaan at pamayanan upang mabawasan ang bullying o pansisiil sa eskwelahan.  Nakakabahala ang 65% ng 7,125 na 15 anos na mga estudyante ay nakaranas ng  bullying o pansisiil sa paaralan. Lubhang mataas ito kung ikukumpara sa 23% na bilang ng bullying sa  ibang mayayamang bansa.

Ang bilang na ito ay bahagyang mas mababa sa 7 sa 10 bata sa elementarya  at 8 sa 10  bata sa high school na nakaranas ng bullying  sa SY 2012-2013 ayon sa datos ng Dep Ed.  Dahil karamihan ng insidente ng bullying ay sa NCR nanggaling, may pananaw na nabubuo na walang ganitong problema sa mga lalawigan.  Ito ay pinabubulaanan ng mga  resulta ng pagsasaliksik  ni Wong at Wong (2017) sa Romblon,  Jehan Gerardo (2016) ng Cagayan State University para  sa mga paaralan sa  Western Cagayan , at Myra  Gabiana (2017) ng Samar State University para sa pampublikong paaralan sa Samar. Lumalabas  dito na walang pagkakaiba ang bilang ng insidente ng pagsisiil malungsod o malalawigan. Ang pagkakaiba lamang ay walang insidente ng cyber bullying sa lalawigan dahil walang internet sa mga lugar na saklaw ng pagsasaliksik.

Hindi maglalaho ang bullying o pagsisiil  ng isang estudyante sa kapwa estudyante dahil ito ay pinagbabawal na ng Anti-Bullying Act o RA 10627 noon pang 2013 at may karampatang parusa sa mga lalabag dito. Tulad ng damo,   kailangan bunutin  ang ugat ng problema ng bullying upang mapuksa ito.

Ayon sa mga pagsusuri, ang isang bully  ay nagmumula sa tahanan  na malupit magparusa sa bata at wala siyang nararamdaman na  pagmamahal sa magulang na kadalasan ay nagbababag o di kaya nagkahiwalay ang mga magulang o may mas matandang kapatid na taga resbak, o di kaya ay dahil sa nagdarahop o may bisyo ang magulang na dahilan kung bakit walang maranasang paglingap sa kanya  ang bata (Nor,2016;Schwarz,2006; Olweus,1991; Bowers,1994). Samakatuwid, ang batang bully ay isa rin biktima na dapat tulungan upang maiwaksi niya ang namumuong poot sa mundo sa mga nakikita niyang mga bata na mukhang mas mahina sa kanya.

Ayon sa UNICEF (2017) may  anim (6) na pinagmumulan ng karahasan sa paaralan: kapansanan, kasarian, kahirapan, pagkakaiba ng anyo o kulay ng balat, ang pagiging etniko o pagkakaiba ng kultura o wika, at ang pagkakaroon ng naiibang oryentasyon sa kasarian. Ang alin man sa anim na ito ang nagpapatingkad ng pagkakaiba ng bata sa eskwelahan at umaakit sa bully na abusuhin siya. Higit pa rito, may mga pagsusuri na ang biktima ng bully ay galing din sa tahanan na may problema kaya’t walang kumpiyansa ang biktima para ipagtanggol ang sarili.(Wilson ,2014)

Kung gayon, ang  nangyayari sa tahanan ay may epekto  sa  buhay eskwela.

Nawawalan ng ganang mag-aral at lumahok sa mga palatuntunan sa paaralan ang biktima. Para sa kanya, mas mabuti pang hindi pumasok upang makaiwas sa physical,verbal at social bullying ng mga pasaway na estudyante sa eskwelahan. Imbes na kapanabikan ang pagpasok, kinahihindikan ng bata ang paaralan.   At kung ang biktima ay hindi na nagpapasok, tiyak na maaapektuhan ang kanyang mga marka at maiiwanan sa mga aralin. Ang kanyang buhay ay mahihila pababa sapagkat hindi na siya makapagtatapos ng pag-aral o makapagtapos man, ang mga marka ay hindi sapat upang makapag-aral sa mahusay na pamantasan.   Mabubulid ang bata sa sektor ng mga low skilled workers sa puwersa ng mga manggagawang walang permanenteng hanapbuhay at ang sweldo ay hanggang minimum wage lang at malamang masasama sa listahan ng 4Ps. Ang iba naman biktima ay nagkakaroon ng depression at sobrang kalungkutan at pangamba na nagtutulak sa kanila na magpatiwakal.

Ang bullying ay hindi biro at nangangailangan ito ng  seriyosong pansin.

May mga paaralan na nagpalagay ng mga CCTV upang mahuli sa akto ang mga bully na nanbibiktima.  May mga bully na sinuspinde at ang iba naman ay pinalipat ng paaralan dahil sa bigat ng kasalanan. Ngunit maraming guro ang naniniwala na ang kanilang pamamagitan ay kulang na kulang upang malunasan ang pangangailangang “psychological” ng biktima at ng bully. Kulang ang mga paaralan ng mga psychologists at guidance counselors upang magabayan ang mga batang sangkot sa bullying.

Isa sa mga mungkahi ng OECD ay dagdagan ang kasanayan ng mga guro sa “classroom and relationship management” upang maging malapit ang kanyang ugnayan sa mga estudyante. Sa ganitong paraan, hindi lang “facilitator of learning”  at “mentor” ang dating ng titser,  life advisor pati.

Sinabi ni JD Daniel (Youtube,Oct 19,2015) na pinayuhan niya ang kanyang bunsong anak na babae na biktima ng bullying na gantihan niya ang bully ng kabutihan, patawarin niya at pagpalain ito.

Ang payo naman sa mga magulang ni Tina Meier( Youtube, May 31,2016), isang ina ng 14 anyos na babae na nagpakamatay dahil sa bullying, ay makinig sa biktima,  at kilalaning hindi mali  ang nararamdaman emosyon ng bata at tulungan makabuo  ito ng mga hakbang na maaaring gawin upang matigil ang bullying at malampasan ng bata ang masamang panaginip na ito sa kanyang buhay.  Malaki rin ang magagawa ng mga kamag-aral. Huwag silang magsawalang kibo  sa takot na baka madamay at pagtuunan ng pansin ng bully.

Ang pagsasawalang kibo ng pamayanan ng paaralan sa nangyayaring bullying ay nagpapalakas lalo ng loob ng mga bully.

Sana sa bago at mas maiging normal sa edukasyon, wala ng bullying. Mangyayari ito kung may pagtatampok ng “values formation” ng mga bata at kanilang mga magulang.