Home>Editorial>Opinion>Mahalimuyak na kapaligiran sa Sta. Maria, Bulacan

Mahalimuyak na kapaligiran sa Sta. Maria, Bulacan

ILANG buwan na lamang sasapit na naman ang Araw ng Pasko pero ngayon pa lang umaasa tayong masasamyo na ang masarap na simoy ng hangin sa ating binabantayang lugar sa bahagi ng Sta. Maria, Bulacan.

Naisulat na natin sa nakalipas nating kolum ang panawagan natin sa lokal na pamahalan ng Sta. Maria at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagtatapon ng basura sa Sitio Camachile sa Tierra Subdivision sa Bgy. Pulong Buhangin.

Agad namang nagsagawa ng inspeksyon ang DENR upang beripikahin ang ating impormasyon kung saan natukoy nila ang lugar na malapit sa rip rapping ng daluyan ng tubig patungong Camatchile Elementary School.

Sa ginawang onsite inspection ng DENR sa pamamagitan ng drone para makita ang aerial view at mabilis ang assessment sa lawak ng lugar, lumitaw na mayroong ongoing operation ng kontroladong pagtatapon ng halo-halong basura sa lugar.

“Presence of bulk mixed waste emits obnoxious odor during the time of inspection,” nakasaad pa sa findings ng DENR.

Natiyempuhan din ng inspection team ang isang closed van na may kapasidad na 3,800 gross weight at 1,900 net weight; dalawang backhoe at dalawang dump truck na may kargang mga lupa sa lugar.

Na-interview din ng inspection team ang driver ng closed van at natuklasan na ang basurang itinatapon sa lugar ay mula sa munisipalidad ng Marilao subalit tumanggi na itong magbigay pa ng karagdagang impormasyon.

Ayon kay Rommel Enriquez, ng ENRO ng Sta. Maria, walang alam ang lokal na pamahalaan sa naturang aktibidad at nangakong agad na aaksyunan ang isyu.

Sa rekomendasyon ng inspection team, bigo ang lokal na pamahalaan ng Sta. Maria na ipatupad ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 kaya’t agad na nilang sinulatan ang mga lokal na opisyal upang tumugon nang naaayon sa batas.

Inoobliga rin ang LGU na magsumite ng safe closure and rehabilitation plan sa EMB Region 3 upang makatiyak na naaksyunan ang problema.

Umaasa tayo na sa magandang record ng pamamahala nina Mayor Russel Pleyto at Vice Mayor Quirino Buenaventura kasama ang iba pang lokal na opisyal ay agad na matutugunan ang isyung ito sa kanilang nasasakupan.

Maraming kababayan natin sa Sta. Maria, Bulacan ang umaasa na mararamdaman nila ang kalinisan at mabangong kapaligiran lalo na’t ang lahat ngayon ay abala sa kalinisan dahil sa COVID 19 pandemic.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large