Mahalin natin ang ating mga guro

December 08, 2019

Totoong ang mga guro natin sa paaralan ang ikalawang magulang natin. Maghapon nating kasama sa isang taon. Nagkikita lamang tayo ng ating mga magulang at kapatid sa gabi o sa araw ng Sabado at Linggo.

Ganito ang naging buhay ko sa elementarya at hayskul, sa mga pampublikong paaralan.

May panahon pa noon na kapag uwian na sa araw ng Biyernes at walang pasok nang Sabado at Linggo ay nakadarama ako ng lungkot dahil hindi kami magkikita ng aking mga guro at kaklase.

Kaya nga kahit Sabado o Linggo, nagpupunta ako sa bahay ng isang kaklase ko na naging kaibigan ko na upang magkuwentuhan ng maraming bagay kasama na ang aming mga “crushes” at kung sino ang magagaling naming guro at “magaganda.” Tinitiyak lang namin na tapos na ang aming mga takdang aralin para sa darating na pasukan sa Lunes.

Maraming kuwentuhan na umaabot na sa araw ng pasukan ng limang araw. Masaya ang buhay pag-aaral sa elementarya at hayskul.

May ilan akong natatandaang mga guro na hanggang ngayon ay natatandaan ko pa ang kanilang pangalan lalo na ang naging mabuting guro sa akin na halos anak na ang naging pagturing  sa akin. Sa katotohanan ay mag-asawa silang guro sa elementarya na kapwa naging guro ko.

Nang una ko silang makilala, nangamba ako dahil kapwa sila mukhang istrikto. Lalo na ang asawang lalaki. Ngunit kinalaunan ay tila naging gabay ko sa aking pag-aaral ang babae kong guro. Maging ang kanyang asawang lalaking guro na tunay na mahigpit at tinatawag noon ng mga kaklase ko na “siga” ay naging malambot sa akin at sa murang isipan ko ay nahinuha kong sinabihan siya ng babaeng guro na itinuring na nga akong parang anak.

Dahil sa nakita naman niya akong masipag sa pag-aaral kahit hirap kami sa buhay, tinulungan niya ako at tinulungang makasama lagi sa mga paligsahan ng paaralan hanggang sa mga dulang pagtatanghal sa aming entablado. Doon ako namulat sa kagandahan ng pag-arte sa tanghalan.

Lumipas ang maraming taon at nabalitaan ko noon na naging Undersecretary na siya  ng Department of Education, hinalungkat ko ang mga yellow pages noon at pinalad akong makita ang numero ng kanyang telepono (wala pang Facebook noon) at tinawagan ko siya. Halata kong hinahagilap niya sa isip ang pangalan ko kahit na ikinuwento ko ang detalye ng aking buhay elementarya noon sa Grade 5. Ngunit naging magalang siya at pinaunlakan ang imbitasyon naming mag-asawa na mananghalian kami sa isang restoran.

Kahit na magkaharap na kami at ikinuwento ang mga bagay na makapagsasariwa sa kanyang alaala ay nakangiti siyang naghahagilap ng mapapagkunan ng pagbabalik- alaala ng mga kuwento ko. Marami na nga naman siyang naging istudyante. Nagturo pa siya sa kolehiyo, nag-aaral nagpakadalubhasa hanggang sa nagkaroon ng doctoral degree. Marami na ring nangyari sa buhay niya kaya hindi ko siya masisisi na hindi na niya maalala ang mga nakaraan. Ganoon din ang karanasan namin sa mga guro  noong hasykul. Noong reunion naming sampung taon na ang nakararaan, masaya ang kuwentuhan namin ng mga guro naming lalaki ngunit higit silang maraming kuwento ng kanilang buhay. May guro kaming na-heart bypass na at nagbiruan kami at itinulad sa ilang kabatchmates namin na siyempre ay higit na bata sa kanya ngunit sumailalim na rin sa open heart surgery. PE teacher namin siya at nagtuturo pa rin siya ng swimming. At maskulado pa rin ang katawan niya di nga lang tulad noong hayskul kami na mistulang “incredible hulk” siya. Ang isa namang teacher naming lalaki ay pareho pa rin ang tindig ngunit bakas na sa mukha ang humahabol na pagtanda sa paglipas ng panahon.

Malaking bahagi sa buhay nating lahat ang ating mga naging guro lalo na sa paaralang pampubliko. Kapamilya na natin sila kaya dapat lamang ay igalang at mahalin sila. Kung may pagkakamali, idaan sa tamang proseso. Huwag silang hiyain. Dapat n’yong malaman ang hirap ng isang guro. Pagkatapos ng trabaho nila sa mga paaralan, pag-uwi ay gagampanan naman nila ang papel ng isang ina o kabiyak. Hindi ito biro. (bangonkalikasa@yahoo.com)