“Mainit” na palakpak para sa SEA Games!

December 10, 2019

BINABASA ninyo ito dear readers, isang araw na lang at ‘closing ceremony’ na bukas, araw ng Huwebes, ang ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games (SEA Games) kung saan naging matagumpay ang ating naging pagganap ‘bilang host country.’

At “kumusta” naman ang mga walang habas na pumupuna sa pagdaraos ng Pinas sa SEA Games?

“Nakatulog” na ba kayo sa pagbibilang ng pagbuhos ng gintong medalya ng Pilipinas na pormalidad na lang ang hinihintay upang opisyal na ideklara bilang ‘overall champion’ ang ating koponan.

“Kumusta” na rin ba ang mga “kaldero” at “kikiam” dyan, hehehe!

Aba’y dahil siguro sa walang habas na paghambalos nyo sa mga organizers ng SEAG kaya ginanahan ng todo ang ating mga ‘gold medal.’

Hamak na mas marami ito sa 112 gold medals na “kinabig” ng ‘Pinas nang dito rin ganapin sa atin ang 2005 SEA Games.

At dahil sa determinasyon ng mga atletang Pinoy at pagsisikap ng Duterte administration, Philippine South East Asian Games Organizing Committee o PHISGOC sa pangunguna ni House Speaker Alan Cayetano at iba pang sports officials,  natupad ang pangarap ng sambayanang Pilipino, masasabing ‘formality’ na lang ang padeklara sa ‘Team Philippines’ bilang ‘overall champion’ sa 9-araw na torneo.

Naniniwala rin tayo na posible pang madagdagan ang ating ‘medal haul’ dahil may ilan pang palakasan ang ginaganap ngayon, ang huling araw ng SEA Games.

Marami nating kababayan ang umaasa na magpapatuloy ang pamamayagpag ng ating mga atleta at paghakot nila ng mga medalya. Dangan kasi, naniniwala tayong “inspirado” at “ganado” silang maglaro hindi lamang para sa kanilang sarili, bagkus, para sa karangalan ng ating bansa.

Sabagay nga, “sino” ba naman ang di gaganahan sa pagsabak sa laban kung makikita mo ang mga world class facilities na itinayo ng gobyerno para sa SEA Games.

Kaya nga, ang “panawagan” natin sa mga bashers at mga pumupuna,  bakit hindi kayo “pumarehas” ngayon at “pasalamatan” naman ang mga organizers ng SEA Games pati ang mga volunteers na nagsakripisyo para maidaos ng maayos ang torneo?

Bakit pag ‘bad news,’ ang bilis ninyong maglabas ng mga batikos at kritisismo?

Bakit ngayong pulos ‘good news’ na ang sinasabi ng karamihan, kasama na ang mga dayuhan, wala man lang ‘Thank You’ kay Speaker Alan at sa lahat ng sangay ng gobyerno na “nagkapit-bisig” para tiyakin ang tagumpay nating lahat, hindi ba, Boss Joey Venancio, hehehe!

Dahil na rin sa tagumpay ng SEA Games at mga ‘world-class facilities’ nito, hindi ba dapat nating ipagmalaki na sa susunod na taon, sa Aquatic Center sa New Clark City sa Tarlac, napagkasuduan na, ngayon pa lang, ang pagdaraos ng isang international swimming competition na lalahukan ng 50 bansa?

Eh, asahan natin na kasama sa makikinabang dito ang ating turismo.

Palakpakan natin ang mga atletang Pilipino at lahat ng nasa likod sa pagdaraos ng 30th SEA  Games! Mabuhay ang Pilipinas!

At siyempre, ‘we WON as one!’ #