Home>Editorial>Opinion>‘Mainstream media’ may ‘hugot’ kay Mayora Calixto

‘Mainstream media’ may ‘hugot’ kay Mayora Calixto

ALL is well, that ends well,” wika nga.

Ganito ang naging sitwasyon sa pagitan ng Pasay City Host Lion’s Club (PCHLC) sa pangunguna ni National Press Club (NPC) secretary at Remate editor, Lydia Bueno, at nang ‘HQC Building Corporation.’

Sa ating nakaraang kolum, naisulat natin na tatlong beses “naperwisyo” ang PCHLC (kung saan isa rin tayo sa mga miyembro) ng mga kontraktor ng ginagawang ‘condominium’ d’yan sa ‘Lion’s Road,’ Pasay City, kung saan ang ikatlong insidente ay noong Linggo, Enero 10, 2021.

Dahil kasi sa “kapabayaan,” nabagsakan ng bahagi ng isang ‘crane’ ang gusali ng PCHLC kung saan malaki ang naging pinsala.

Nabatid naman na bukod sa ‘Fastconstruct’ na ‘main contractor’ at ‘Crown Metro Builders,’ bilang ‘subcontractor,’ pasok din pala sa eksena itong HQC Building na siya namang nakontrata para dun sa crane na bumagsak sa gusali ng PCHLC.

Sa naging pag-uusap naman ngayong linggo, “pumayag” na ang HQC na magbayad ng kabuuang P1 milyon sa PCHLC bilang danyos sa lahat ng perwisyong inabot ng sibikong samahan sa nakaraang tatlong taon.

At siyempre, sa nangyaring ‘settlement,’ kasama na rin sa eksena ang tanggapan ni Pasay City mayor, Emmie Calixto, na noong Enero 12 ay naglabas pa ng ‘stop order’ upang mapahinto ang konstruksyon ng nasabing condominium—hanggang hindi nababayaran ng mga kontraktor ang PCHLC.

Kantyaw naman ng mga miron, sadyang ‘force to good’ na umaksyon na ang tanggapan ni Mayor Emmie dahil “nagulantang” ang kanyang mga bataan, partikular sa ‘Engineering Office,’ sa ‘sandamakmak na kasapi ng media na dumating at “tumutok” sa insidente.

Hindi raw kasi nila inaasahan na bagaman ‘damage to property’ lang ang nangyari at wala namang nasaktan o namatay, aba’y ‘full media coverage’ ang nangyari, hehehe!

Translation? Kailangan pa palang dumating ang media para lang gawin ng mga taga-Pasay City Hall ang kanilang mga obligasyon at responsibilidad sa publiko, ganun ba ‘yun, kasamang Ariel ‘Dugoy’ Fernandez, hehehe!

***

Napag-usapan na rin lang ang Pasay City, Mayora Emmie, baka hindi mo pa alam na may “hugot” sa iyo at sa iyong ‘media team’ ang mga mamamahayag, partikular na ang hanay ng mga “maniniyot” (read: photo journalists) sa mainstream media.

Bukod daw kasi sa “pinipili” lang ng iyong media team ang mga kasapi ng media na bibigyan ng balita (at marahil, “grasya”), aba’y hindi rin (daw) man lang “magpasalamat” kahit “tapik lang sa balikat” sa mga litrato at balita na inilabas ng mainstream media na hindi “pasok” sa iyong media list, tama ba, kasamang Boyet Guillermo at Danny Bacolod?

Kahit paano ay personal nating kilala ang mga “nadededma” na kasapi ng media d’yan sa Pasay dahil karamihan sa kanila ay kasapi ng NPC kaya kahit “nababastos,” propesyunal pa rin ang pakikitungo nila kay Mayora Emmie.

Sa ganang atin, “nagtataka” naman tayo sa pakikitungo ng tanggapan ni Mayora Emmie sa media dahil sa ating pagkaalam, ang kanyang PIO ay itong ating kaibigan—at kumpare—na si Eduardo ‘Junjun’ Burgos, na dating reporter ng ‘Today’ at ‘Manila Standard.’

‘Anyare kaya?

Mainam din sigurong ipaalala kay Mayora Emmie na mayorya ng residente ng Pasay ay mahihirap na hindi kada minuto ay nakatutok sa kanilang ‘Facebook’ dahil mas gusto nilang magbasa ng diyaryo, saglit na manood ng telebisyon o makinig ng radyo.

‘And yes, Mayora Emmie,’ sa kasaysayan ng pulitika, wala pang kandidato na naipanalo ang Facebook, hane?

Ang makabuluhan kasing impormasyon (at balita) na “pakikinabangan” ng kahit sinong kandidato hanggang eleksyon, nanggagaling pa rin sa mainstream media.

Korek, ba kasamang Cesar Morales?

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight