Makararating sa Senado at Palasyo!

September 04, 2019

MAHIGIT tatlong taon na sa Malakanyang si Pangulong Rody Duterte, kilalang istrikto pero matuwid na lingkod-bayan.

Kaya nga maraming napapailing sa katigasan ng ulo ng ilang nagtatrabaho sa gobyerno.
Nandiyan pa rin ang pagpapahirap sa “transacting public.”

Kagaya na lang diyan sa Aduana, partikular sa Port of Manila (PoM) at Manila International Container Port (MICP).

Nandiyan pa rin ang turuan at ugaling pagpataw ng dagdag na buwis sa mga kargamento.

Kahit wala sa lugar ay pilit na pinapa-aaditional ng bayaring buwis ng mga examiner at appraiser ng Formal Entry Division ng PoM at MICP ang mga importer.

Ang katuwiran, utos daw ng office of the commisioner, kundi naman ay mula sa district collector.

Ito’y nakakalungkot at nakakaalarma, ang binibiktima ng mga taga-Bureau of Customs na ito ay siyang nagbibigay ng pera kay Juan dela Cruz.

Kung walang kargamento ang mga importer ay walang papatawan ng buwis ang  mga examiner at appraiser ng BoC.

Kapag nagkaisa ang mga importer na wala munang importasyon ng isa, dalawa o tatlong buwan, paano na kaya?

Nganga ang aabutin ng mga taga-BoC.

Dapat aksyunan kaagad ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero ang hinaing ng mga importer.

Kagaya nang lagi nating sinasabi, tinutulungan at inuunawa ang mga importer dahil kung wala sila ay bagsak ang ekonomiya ng bansa.

Ang hinihingi lang nila ay “customer-friendly” na pagpapatupad ng batas, regulasyon at patakaran.
Hindi naman sila humihingi ng tinatawag na “special treatment” o pabor na makasasama  sa serbisyo publiko.

Naniniwala tayo na may kalalagyan ang mga nagpapahirap sa mga importer kapag nakarating kay Sir Jagger ang reklamo ng mga negosyante.

Hindi papayag si Commissioner Guerrero na  “i-torpedo” ng ilang kawani ng BoC ang kanyang “good governance” program.

Ayon sa ilang importer, mapipilitan silang idulog kay Pangulong Duterte at Senador Bong Go ang kanilang problema kung darating sa puntong hindi na nila masikmura ang ginagawa ng ilang taga-BoC.
Huwag kayong mag-alaala, mga kaibigang importer.

Alam kong gagawa ng aksyon si Comm. Guerrero  para matulungan kayo.

Malay natin baka nga closely monitored na ng mga operatiba ni Depcom for Intelligence Raniel Ramiro ang ginagawa ng mga nasabing examiner at appraiser.

Pero Sir Raniel, bantayan mo rin ang mga operatiba at opisyal ng customs na mga protektor ng ilang ismagler.

Garapal na ang ginagawa nila.

Ang iba naman ay may sariling kargamento.

At isa pa, kung mag-aalert kayo pagsabay-sabayin niyo. Hindi pwede yun may pipiliiin lang kayo. Halatang halatang gusto lang agawin ang kargamento. Ayaw ni Sen. Ping Lacson ng ganyan.

Payong kapatid sa mga naliligaw ng landas diyan sa Aduana.

Magbago o mag-resign na kayo, dahil sisiguruhin namin na makararating sa Senado at Palasyo ang mga katarantaduhan niyo.

Hintay lang, malapit na!

Abangan!

***

Naipakita na naman ng print at broadcast media ang mahalagang papel nito sa lipunan.

Nakita natin ito sa mga nabuklat na nangyayari sa Bureau of Corrections.

Sa isyung ito ay nagkaisa ang media at taumbayan.

Ang resulta? Nagkaroon ng Senate investigation para malaman kung ano talaga ang nangyari para makalaya ang maraming nakakulong sa Munti na sangkot sa mga karumaldumal na krimen.

Hindi din matatawaran ang nagawa ng social media kaya ganoon na lang ang galit ng publiko sa nangyari sa Bureau of Corrections.

Ang problema lang ay natabunan ng isyung ito ang ibang problema sa bansa.

Ito ang lumalalang pagsisikip ng daloy ng trapik sa Metro Manila, pagbabaha, paglaganap ng dengue at  patuloy na pagbaba ng presyo ng palay sa merkado.

Sana huwag din nating kalimutan ang mga problemang ito.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang huong pangalan at tirahan. )