Malaking plaka sa motorsiklo

December 06, 2018

APRUBADO na sa Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nag-aatas na lakihan ang plaka ng mga motorsiklo sa bansa upang hindi na magamit pa sa krimen.

Umabot sa 219 kongresista ang bumotong pabor sa House Bill 8419 na nag-aatas sa Land Transportation Office na maglabas ng bagong plaka sa motorsiklo na puwedeng mabasa kahit sa layong 12 metro.

Take note, mga ate at kuya, wala kahit isang kongresista ang tumutol sa nasabing panukalang batas.

Kasabay nito, pinapahintulutan din ang LTO na magkaroon ng data base ng mga inirerehistrong motorsiklo na maaaring makatulong sa isasagawang imbestigasyon sakaling magkaroon ng krimen, insidente o aksidente.

Sa nasabing panukala ay inoobliga ang lahat ng may-ari ng motorsiklo na ipagbigay alam sa LTO sa loob ng limang araw ang detalye ng kanilang motorsiklo sakaling maibenta ito sa ibang tao.

Sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay nagpahayag naman ng suporta si Senador Richard Gordon sa nasabing panukala dahil malaking bagay ito sa lahat -- hindi lamang sa mga awtoridad kundi para na rin sa mamamayang Pilipino.

Inihalimbawa ni Gordon ang nangyaring krimen kamakailan kung saan pinatay ang bilyonaryong businessman na si Dominic Sytin sa labas ng Lighthouse Hotel na nasa Subic Freeport Zone. Ang mga suspect ay tumakas sakay ng motorsiklo matapos gawin ang krimen.

“Kahit anong higpit sa Subic, na-execute pa rin ang assassination kasi plinano ito. Iniscrape yung motorsiklo of any identification marks, tapos walang plate number. Our law will obviate that. Dun sa batas natin, kapag ninakaw ang plate number mo, you have to report that within 48 hours. Huhulihin din kapag ibiniyahe ng walang plate number ang motorsiklo. Another case din pag-iniscrape,” sabi pa ni Gordon, chairman ng Senate committee on justice and human rights.

Sa ganang akin, walang problema sa panukalang ito. Hindi lamang kasi krimen ang masusugpo nito kundi naniniwala akong makababawas din ito ng sakuna sa kalsada.

Alam kong masama na naman ang loob ng ilang samahan ng mga rider sa mga ganitong uri ng panukala. Ang pakiramdam kasi nila ay ang tingin ng lahat ng tao sa mga nagmomotorsiklo ay masama, pasaway o kriminal.

Ang ganitong hugot tiyak ang dapat agapan ng pamahalaan. Naniniwala kasi akong kung magkakaroon ng maayos na dayalogo para sa lahat ng ‘stakeholders’ na may kinalaman sa pagmo-motor, maaayos ang hindi pagkakaunawaan.

Iisa lang ang gusto nating lahat, mawala ang krimen, mabawasan ang sakuna sa kalsada at masupil ang lahat ng pasaway sa lansangan na kadalasang pinagmumulan ay ang ilang makukulit na riders.