Malaking tulong kay Comm Guerrero sina Depcom Ramiro, CoS Atty. Jumamil

December 26, 2018

PAGPASOK ng Bagong Taon ay hindi pa rin tayo umaasa na agad gaganda ang tax collection performance ng administrasyon ni Bureau of Customs Commissioner Rey “Jagger” Guerrero.

Ang unang dalawa hanggang tatlong buwan kasi ng taon ay itinuturing na “lean months” dahil imbentaryo ng karamihan ng kompanya.

Pero ang maganda lang, siguradong kapado na ni Comm. Jagger ang mga dapat gawin kaya siguradong gaganda na ang serbisyo at kasabay nito ang koleksiyon ng ahensiya.

Makatutulong ng malaki kay Comm. Guerrero ang bagong Intelligence Group na pinamumunuan ni Deputy Commissioner Rainiel Ramiro.

Bagamat bagong salta pa lang sa BoC si Gen. Ramiro (kaya hindi totoong dati na siyang nanggaling sa BoC), naniniwala tayo na sa mahabang serbisyo sa militar ni General Ramiro, mahihirapan silang palusutan o paikutan  ang mamang ito.

Kaya babala sa mga ismagler at mga tiwaling opisyal at empleyado, ingat kayo kay Sir Rainiel. Siguradong may paglalagyan kayo.

Kung sa tingin natin malaking tulong si Gen. Ramiro, isa pang makapagbibigay ng malaking ayuda kay Comm. Guerrero ay ang kanyang Chief of Staff na si Atty. Teodoro “Boy” Jumamil, isang Bedan.

Si Jumamil ay dating opisyal ng National Food Authority,  director ng Development Bank of the Philippines, dating Board Member ng Northern Samar, nagsilbi bilang director at presidente ng CARITAS insurance/financial service at nakasama din ni Comm. Jagger sa MARINA.

Aba’y sa haba ng karanasan ni Sir Boy sa public at private sector, palagay ko naman hindi nagkamali ng pagkuha dito si Comm. Guerrero.

Tama ba Secretary Carlos Dominguez?

* * *

Hindi na biro ang mga nangyayaring patayan sa ibat-ibang parte ng bansa.

Karamihan sa mga napapatay at nasusugatan sa mga ambush ay mga kandidato sa darating na May 13 election.

Malamang sa hindi ay politically-motivated ang mga karahasang ito.

Huwag natin kalimutan na talagang mas madugo ang lokal na eleksyon sa bansa.

Dito kasi ang mga magkakalaban sa pulitika ay mga magkakamag-anak, magkakapitbahay at magkakaibigan.

Dahil magkakakilala, alam nila ang mga baho ng isa’t isa.

Batuhan ng putik kaya nauuwi sa karahasan.

Ang dapat gawin ng Commission On Elections ay ilagay na sa COMELEC at police control ang mga bayan, syudad at probinsiya na  napipinto ang karahasan.

Ito ay para maiwasan ang karahasan at masiguro na makaboboto ng malaya ang mga botante.

Huwag ninyong kalimutan na ayaw ni Pangulong Rody Duterte ng dayaan sa halalan.

At ayaw din niyang tinatakot ng mga teroristang kandidato ang mga botante.

* * *

May mga nasusugatan na dahil sa paggamit ng mga paputok.

Nakakalungkot ito dahil mukhang marami pa ring kababayan natin ang matitigas ang ulo.

Dapat mga magulang na ang kastiguhin ng mga otoridad dahil sila kasi ang kasama ng mga bata 24/7.

Karamihan sa mga biktima ng paputok ay mga kabataan.

Kung marami pa rin ang masasaktan sa taong ito ay baka mapilitan na ang gobyernong tuluyan nang ipagbawal ang paggawa, pag-import, pagbenta at paggamit ng paputok.

Bigyan na lang ng ibang pagkakakitaan ang mga gumagawa at nagtitinda ng paputok.

Huwag na tayong gumawa ng mga bagay na papatay at susugat sa ating mga kababayan.

Marami nang nagbuwis ng buhay dahil sa paputok na kung minsan ay nagiging sanhi ng sunog.

Ilang araw pa bago ang tinatawag na “New Year revelry,” bantayang mabuti ang mga mahal sa buhay, lalo na ang mga bata, para huwag na silang gumamit ng paputok.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-8624484/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)