Malasakit Center Act of 2019 ni Sen Bong Go, ipasa agad!

July 28, 2019

LAGANAP pa rin ang katiwalian at korapsyon sa  mga tanggapan at ahensya ng gobyerno.

Hindi lang sa mga national government offices kundi maging sa local government units (LGUs).

Mahirap mawala ang katiwalian at korapsyon dahil hindi naman agad natatanggal ang mga “bugok” na lingkod-bayan.

Ang mga permanent state employees ay may tinatawag na  security of tenure.

Ang ibig sabihin nito, kailangang dumaan sa due process ang pagtanggal sa mga empleyadong may civil service eligibility.

Kaya nga kung minsan ay mas masipag pa ang isang casual, temporary o contractual na employee kaysa permanent worker.

Alam kasi ng isang permanent employee na hindi siya pwedeng basta na lang tanggalin sa serbisyo.

Kahit buwisit na ang isang hepe ay wala siyang magawa kundi idaan sa tamang proseso ang pagsibak o pagdisiplina sa tamad o tiwaling tauhan.

Wala tayong magagawa dahil nasa ilalim tayo ng demokrasya.

Resulta? Tuloy ang graft and corruption at inefficiency sa gobyerno.

Tsk tsk tsk.  

***

Hindi tayo nagtataka kung pati si Pangulong Rody Duterte ay galit na sa mga nangyayaring kabalbalan sa Aduana.

Sa kanyang tatlong taong panunungkulan sa Malakanyang ay nakatatlong kumisyuner na siya sa Bureau of Customs (BoC).

Sila’y sina Marine Captain Nicanor Faeldon, Police Gen. Isidro Lapena at Army Gen. Rey Leonardo Guerrero.

Si Guerrero, na naka-kasiyam na buwan na sa puwesto ay patuloy na pinaiigting ang kampanya laban sa graft and corruption.

Pagkatapos nga ng SONA ni Pangulong Duterte noong July 22 ay nag-isyu ng paalaala si Guerrero sa kanyang mga tauhan.

Nanawagan si Guerrero sa mga taga -BoC na manatiling tapat sa kanilang oath  bilang lingkod-bayan.

Kung pipiliin nilang maging pasaway ay kakaharapin nila ang “consequences” ng kanilang “defiance.”  

“Men and women of the BoC, I have been consistent in my policy against graft and corruption since day one of my term as commissioner,” sabi ni Guerrero.

“I have never been remiss in reminding BoC personnel to shun corruption, live simple lives, follow rules and to conduct themselves with utmost propriety and dignity.”

Tama si Commissioner Guerrero.

Mag-resign o mag-retire na lang kayo kung ‘di niyo kayang talikuran ang korap na pamumuhay.

***

Sa mga bagong senador, si dating special assistant to the president (SAP) Christopher Lawrence “Bong” Go ngayon ang “darling” ng bayan.

Lalo na sa mga mahihirap na walang kakayahang magpa-ospital kung may sakit.

Bukambibig ng mga pasyente ang  “malasakit center” ni Senador Go.

Proyekto nina Go at Pangulong Duterte, ang center ay isang “one stop shop” sa mga pampublikong ospital na tutulong sa mga mahirap na pasyente.

Dito sama-sama ang mga opisina na kagaya ng Department of Health, PCSO, PAGCOR at Department of Social Welfare and Development.

“Nandiyan na po sa loob (ang mga ahensiya at) mag-aambag-ambag po sila. Kung sakaling may balanse pa, ang magbabayad po nito ay ang malasakit center (na ang bahala) para mapababa hanggang sa wala na pong  babayaran ang mga pasyente natin,” dagdag ni Go.

Ang gusto nga ni Sen. Go ay ma-institutionalize ang malasakit center.

Kaya siya naghain ng kanyang Senate Bill No. 199.

Ang panukalang Malasakit Center Act of 2019 ay naglalayong magtuloy-tuloy ang operasyon ng mga malasakit center kahit tapos na ang termino nila ni Pangulong Duterte.

Walang dahilan ang mga mambabatas para hindi ipasa ang nasabing panukalang batas.

Tama ba Senate President Tito Sotto.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-textvsa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)