‘Malasakit’ nina Celine Pialago and James Kumar!

WALANG tigil ang ginagawang pagtulong sa ating mga kababayan ng Filipino Indian Commerce & Welfare Society Inc. (FICWSI) at ng Malasakit Movement na pinamumunuan mismo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago.

Sa pangunguna ng negosyanteng si Manjinder ‘James’ Kumar, punong tagapamahala ng FICWSI, walang humpay ang ginagawa nilang pamamahagi ng ‘relief goods’ sa mga naapektuhan ng COVID19, gayundin ang pagbibigay ng personal protective gear (PPE) at face mask sa ating mga frontliners, tulad ng mga health workers, pulis at sundalo.

Nakatutuwang pagmasdan na sa iisang layunin, nagsanib puwersa ang kabutihang loob na makatulong sa kapwa sina Kumar at Pialago --  bitbit and diwa ng Bayanihan.

Kasama ng kani-kanilang volunteers, ang dalawa ay sabay na namimigay ng tulong sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila, gayundin sa mga kalapit probinsiya sa Laguna, Bulacan, Pampanga, Quezon at Rizal.

Ang nakamamangha, tahimik at walang halong yabang ang ginagawang pagtulong ng dalawa.

Hindi nila kailangang hamunin ang lahat na gayahin ang kanilang kabayanihan at lalong hindi nila kailangang magyabang at manghamak ng kapwa para lamang ipangalandakan sa madla na marami na silang natulungan.

Kuntento na sina Pialago at Kumar sa mga taong nagbibigay papuri sa kabutihang kanilang ginagawa.

Matagal na nating naisusulat ang ginagawang pagtulong ni Kumar at ng FICWSI.

Nagsimula pa ito nang manalanta  ang Bagyong Yolanda at magkaroon ng malakas na lindol sa Bohol, taong  2013. Noong panahong iyon ay nakita na natin ang pagpupursigi ni James na tumulong sa mga nangangailangan.

Kahit nang sumabog ang Bulkang Taal nitong nagdaang Enero ay nasaksihan mismo natin ang ginagawang pagtulong nito,  kasama  ang buong pamilya,  sa pamamahagi ng relief goods sa iba’t ibang ‘evacuation centers’ sa Cavite at Batangas.

‘Advocacy’ na ni James ang tumulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga mahihirap.

Ani Kumar, ramdam niya ang dinaranas na lungkot ng kababayang mahirap. Dati rin daw siyang mahirap, sabi ni James.

Nagkataon lamang aniya biniyayaan siya ng Maykapal upang maging matagumpay sa buhay – bunga na rin ng maigting na pagsisikap.

Si James ang may-ari ng mga authentic Fil-Indian restaurant sa malalaking mall sa Metro Manila ngayon. Bukod dito mayroon itong business process outsourcing company, security agency, mga holding company tulad ng lending, micro financing, build and sell at consultancy.

Dating presidente si Kumar ng Khalsa Diwan Sikh Temple na pinakamalaking ‘religious congregation’ ng mga Bumbay na may Sikhism faith sa buong Pilipinas. Siya rin ang presidente ng Rotary Club Makati-Nielsen mula pa noong taong 2018.

Sa gitna ng dinaranas na tagumpay, naging biktima ng marahas na krimen ang pamilya ni James nang mapatay ang kanyang kapatid na naging dahilan upang maging aktibong opisyal ito ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) hanggang ngayon.

Samantala, sa mga hindi nakaaalam, ang magandang spokesperson ng MMDA ay dating contestant ng Miss Philippine Earth.

Naging reporter ng PTV4, si Celine ay graduate ng AB Mass Communication Major in Broadcasting sa Mirriam College at may Master’s Degree in Journalism mula naman sa Ateneo de Manila University.

Ang nakatutuwa, hindi lamang ‘seksing’ katalinuhan at magandang mukha mayroon si Pialago kundi may taglay din itong kagandahan ng kalooban.

Bukod sa pagiging abala sa pang-araw-araw na gawain bilang assistant secretary ng MMDA, abala rin ito sa pamimigay ng tulong ngayong pandemiko.

Kung iisa-isahin natin ang mga lugar na napuntahan nina Kumar at Pialago at laman ng relief goods na kanilang ipinamimigay, sigurado akong kukulangin ang pahina ng artikulo dahil kahit maliliit na barangay sa 16 na lungsod sa Metro Manila, gayundin sa munisipyo ng Pateros ay naparatingan ng tulong ng Malasakit at ‘#filindihelpline’ nina Pialago at Kumar.

Kahit sa Bisayas at Mindanao ay nagparating sila ng tulong sa pamamagitan naman ng pagbibigay ng tone-toneladang sako ng bigas.

Ang Department of National Defense (DND) ay nabigyan ng 150,000 piraso ng face mask, ang PNP, AFP, NCRPO, Police Regional Office 4a at Police Regional Office 3 sa Central Luzon naparatingan din ng tulong ng magtandem na Pialago at Kumar.

Sa mga kaganapang ganito, tunay na nakakahanga na may mga taong matagumpay sa buhay ang patuloy, wagas at dalisay na nagbibigay tulong sa mahihirap nating kababayan.

Sabi nila Pialago at Kumar, hindi sila mapapagod at mananawagang magbigay tulong dahil makita lamang nila ang kagalakan sa mukha ng mga kababayang nabibigyan nila ng ‘ayuda’ ay sapat na upang ipagpatuloy ang kanilang ginagawang kabutihan.