Maligayang paglaya, Senator Bong Revilla!

December 08, 2018

KABI-KABILA ang reaksiyon ng taumbayan hinggil sa ginawang pag-acquit ng Sandiganbayan kay dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., kaugnay sa kasong plunder dahil sa umano’y pork barrel scam.

Ibigay natin ang kalayaan sa lahat ng mga bumabatikos sa desisyong ipinalabas ng Sandiganbayan Special First Division dahil karapatan nilang magpahayag ng kanilang saloobin.

Pero sa ganang akin, nagsalita na ang hukuman. Ipinawalang sala nila ang dating senador at sa halip ay inatasan na lamang na isauli ang P124 million na bahagi umano ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Samantala, napatunayan namang guilty sa kasong plunder ang mga kapwa akusadong sina Janet Lim-Napoles at dating chief of staff ni Revilla na si Richard Cambe. Ang dalawa ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo.

“For failure of the prosecution to establish beyond reasonable doubt that accused Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., received, directly or indirectly the rebates, commission, and kickbacks from his PDAF, the court cannot hold him liable for the crime of plunder. Accordingly, he is acquitted,” sabi pa sa kautusan ng hukuman.

Sa ganang akin, nagsalita na ang Sandiganbayan. Ito ang tamang venue at forum na huhusga at hahatol sa mga taong may kasalanan, samantalang ito rin ang maglilinis sa pangalan ng  mga inosenteng akusado.

Hunyo 24, 2014 nang makulong si Revilla. Mahigit apat na taon itong nawalay sa kanyang pamilya. Mga taong ipinagkait sa kanya ang tunay na kalayaan sa kabila ng katotohanang wala siyang kinalaman.

Ngayon kung talagang marami pa rin ang ngumangawngaw sa pagkaka-dismiss sa kaso ng senador, iakyat n’yo ito sa Supreme Court na siya ring tamang ‘forum’ at panuntunan sa pag-apila sa isang kaso.

Isa tayo sa natutuwa sa pagkaka-acquit ni Revilla. Hindi dahil sa kaibigan natin siya kundi naniniwala talaga tayong wala siyang kasalanan -- lalo’t isang testigo pa ang nagsalita sa Sandiganbayan na wala siyang kinalaman.

Ngayong malaya na ang dating mambabatas, makakasama na rin niya ang kanyang pamilya na nangulila ng mahigit apat na taon dahil lamang sa isang kasong resulta ng maruming pulitika.

Tama si dating Senador Jinggoy Estrada na kapwa ring akusado ni Revilla na biktima sila ng ‘selective justice system’ noong panahon ng administrasyon ni Noynoy Aquino.

Kung ano ang pinaghuhugutan nito ay simple lang. Wala kahit isa sa kapartido ng Dilawan na sinasabi ring sangkot sa pork barrel scam ang  kinasuhan ng nakalipas na pamahalaan.

Kaya wag magmalinis ang nagdaang administrasyon dahil sila ang tunay na pasimuno ng ‘selective justice system.’

Ang nakatutuwa, sila itong ‘allergic kuno’ sa PDAF, pero sila naman itong arkitekto rin ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang illegal ng Supreme Court dahil isa rin itong uri ng pork barrel.

Mga nagmamalinis, pero sila naman ang saksakan ng dungis!

Sa pagkakataong ito, hayaan nating namnamin ng pamilya Revilla ang kanilang kaligayahan at kasiyahan lalo’t ipagdiriwang ang dakilang Araw ng Pasko.

At sa personal nating pagbati, Maligayang Paglaya po, Senator Bong!

Patunay lang iyan sa matandang kasabihan na ‘no one can put a good man down!’

Cheers!!!

* * *

Sa paglaya ni Senator Bong na kumakandidato uli ngayon sa pagka-senador, asahang lalong sisikip ang laban sa senatorial race.

Marami ang reelectionists, marami rin ang comebacking senators at marami naman ang may malalaki nang pangalan.

Ang catch dito, mukhang pupulutin sa kangkungan ang partido Dilawan.

Dahil lahat ng malalakas na kandidato ngayon ay mga kapartido mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang nakatatakot lang, asahan na rin natin ang paglabasan ng kabi-kabilang demolition job at hindi malayong sila-sila mismong magkakapartido ay maglalaglagan o magbabatuhan ng putik sa isa’t isa.